Inday TrendingInday Trending
Sayang, Mahal!

Sayang, Mahal!

Anim na taon nang mag-asawa sina Josef at Betty. Mayroon silang dalawang anak, isang babae at isang lalaki. Si Josef ang nag-aalaga sa kanilang mga anak dahil ang asawa ang maganda ang trabaho sa ibang bansa. Napilitang magtrabaho ni Betty sa Germany para mabigyan niya ng magandang buhay ang mga anak na hindi naibigay sa kanya ng mister.

Malas sa trabaho si Josef, lahat ng inaaplayan nitong kumpanya ay hindi ito natatanggap dahil hindi ito nakapagtapos ng kolehiyo. Dahil hirap na makahanap ng trabaho ay napilitang magtinda-tinda na lang ang lalaki ng barbeque at fishballs para kahit paano ay may kitain siya para sa pamilya. Si Betty ang may magandang trabaho, isa siyang supervisor sa isang malaking supermarket sa Alabang at nang suwertehin na makapag-abroad ay mas lumaki ang sahod ng babae na ngayon ay manager na sa isang sikat na restaurant sa Germany.

Isang araw ay tumawag ang mister sa kanyang misis para kumustahin ito.

“Hello, mahal? Kumusta ka na? Miss na miss na kita!” masuyong sabi ni Josef sa kabilang linya.

Imbes na matuwa ay nainis at napa-irap si Betty sa tawag na iyon ng kanyang asawa.

“Josef, bakit ngayon ka pa tumawag, patulog na ako. Pagod na pagod galing sa trabaho at gusto ko munang magpahinga. Puwede, tumawag ka nalang mamaya?” inis na sagot ni Betty kay Josef.

“G-ganoon ba? Sige, mahal pahinga ka na. Tatawag na lang ulit ako mamaya ha? I love you!” anito.

Hindi na niya sinagot ang mister at ibinaba na agad ang cell phone. Mayamaya ay may sumunod na tumawag sa kanya at agad niya iyong sinagot.

“Hello, babe…” malambing na sabi ni Betty.

“Babe, ano puwede ka ba bukas? Kita tayo sa dating tagpuan,” wika ni Edison sa kabilang linya.

Si Edison ang bagong lalaking kinahuhumalingan ni Betty. Nakilala niya ang lalaki sa Germany, isa itong chef sa pinagtatrabahuhang restaurant. Mabilis na nagkagaanan ng loob hanggang sa magkaroon sila ng relasyon. May asawa rin sa Pilipinas ang lalaki at mayroong isang anak. Hindi rin alam ng asawa nito na may relasyon silang dalawa.

“Naku, oo naman, babe! Miss na miss na nga kita, e! Miss ko na ang mga halik at yakap mo!” sabi ni Betty sa malanding tono.

“Ako din, miss ko na matikman… ang luto mo, iyong paborito kong chicken adobo,” anito.

“Sige, kita tayo bukas. Magluluto ako ng chicken adobo at dadalhan kita,” aniya rito.

“Thank you babe ko! Antayin kita. I love you!”

“Love you too, babe!”

Masayang ibinaba ni Betty ang cell phone at excited nang magkita sila ni Edison. Mas sinagot pa niya ang ‘I love you’ nito kesa sa ‘I love you’ ng kanyang mister.

Sa Pilipinas, habang pagod na pagod at pawis na pawis na nagtitinda ng barbeque at fishballs si Josef ay nag-aalaga rin siya ng kanilang mga anak. Kapag walang kustomer na bumibili ay inaasikaso niya ang kanyang bunso, pinapakain, binibihisan, at tinuturuang magbasa at magsulat. Samantalang ang kanilang panganay ay tumutulong-tulong sa kanya sa pagtitinda. Ito ang taga-kuha ng bayad at taga-abot ng sukli sa mga bumibili.

“O, mga anak kumain lang kayo diyan ha, at magtitinda pa si tatay sa labas. Kailangan kumayod ni tatay para makauwi na ang nanay niyo, para magkakasama na tayo,” sabi ni Josef sa mga anak.

Nang may biglang kumatok sa pinto. Nang buksan niya iyon ay bumungad sa kanya ang isang matandang lalaki na pormal ang suot.

“Magandang gabi, ikaw ba si Josef Torres?” tanong ng matanda na kung titingnan ay edukadong tao.

“Ako nga po, anong kailangan niyo?” tanong niya rito.

“Ako si Atty. Miguel Dela Cuesta. Nagpunta ako rito para sabihin sa iyo ang tungkol sa namayapa mong lolo na si Enrique Torres,” wika ng abogado.

“Ano po ang tungkol sa kanya?” nagtataka niyang tanong.

Nang sumunod na araw ay nagkita sina Betty at Edison sa isang hotel. Masayang-masaya ang dalawa nang makita ang isa’t isa.

“Ilang araw lang kita hindi nakita pero na-miss na agad kita, sobra!” nakangiting wika ni Betty sabay yakap nang mahigpit sa kalaguyo.

“Hayaan mo, sa susunod na mag-leave ako sa trabaho ay isasama na kita,” sagot ng lalaki sabay halik sa kanya sa labi.

Nagbakasyon kasi ang lalaki, pinuntahan nito ang malapit na kamag-anak na nakatira rin sa Germany at ilang araw na hindi pumasok sa trabaho, kaya ilang araw din silang hindi nagkita.

“Babe, hanggang kailan ba tayo ganito? Sabihin na natin sa mga asawa natin ang tungkol sa atin para matapos na ito. Tutal, sabi mo ay hindi ka naman mahal ng asawa mo di ba, nagsasama lang kayo dahil sa inyong anak? Makipaghiwalay ka na sa kanya at ako ay makikipaghiwalay na rin sa asawa kong malas sa trabaho para magkasama na tayo habang buhay,” ingit ni Betty sa kalaguyo.

“Iyan din ang balak ko, babe. Hayaan mo at kakausapin ko sa lalong madaling panahon si Stella at magpa-file na ako ng annulment, para malaya na tayong dalawa,” sagot ng lalaki habang hinahalik-halikan si Betty sa pisngi.

“Ako, ito tatawagan ko na ang mokong. Sasabihin ko na makikipaghiwalay na ako sa kanya. Siya na ang bahala sa dalawa naming anak. Nagtitinda naman siya ng barbaque at fishballs, e may pambuhay na siya sa mga bata,” aniya sabay pindot ng mga numero sa kanyang cell phone.

“Hello, mahal? Napatawag ka? Miss na miss ka na namin ng mga anak mo! Nga pala may sasabihin ako sa iyo na siguradong ikatutuwa mo,” masayang sabi ni Josef sa kabilang linya.

“Sorry, pero tumawag ako para sabihin sa iyo na hindi na ako babalik sa Pilipinas. Makikipaghiwalay na ako sa iyo, Josef. Ayoko na. Pagod na ako sa iyo. Wala kang pangarap sa buhay, pabigat ka lang ang sa akin. Iyong ipinangako mo dati na bibigyan ako ng magandang buhay ay hindi natupad. M-may bago na akong kinakasama ngayon, may mas magandang trabaho dito sa Germany at mas maibibigay niya sa akin ang magandang buhay na kailanman ay hindi mo maibibigay sa akin. Ikaw na bahala sa mga bata, tutal, sabi mo kumikita ka naman sa pagtitinda mo,” bunyag ng babae.

Napabuntong hininga si Josef sa kabilang linya, halata na sobrang nasaktan sa ipinagtapat ng kanyang misis. Isang segundo itong hindi nagsalita hanggang mayamaya ay itinuloy nito ang sasabihin.

“S-Sige kung iyan ang desisyon mo ay hindi kita pipigilan. Pero gusto kong malaman mo ang balak kong sabihin sa iyo na siguradong ikatutuwa mo sana,” anito sa seryosong boses.

“Napairap si Betty. Pinagbigyan na niya ang asawa sa sasabihin nito para matapos na,” O ano naman iyon? Bilisan mo at marami pa akong gagawin!” asik ng babae.

“Gusto kong ipaalam sa iyo na pinamanahan ako ng namayapa kong lolo, si Lolo Enrique. Sa akin niya ipinamana ang malawak niyang lupain sa Negros, sa akin din niya ipinagkatiwala ang pabrika niya ng tela at iba pang negosyo. Iniwan din niya sa akin ang malaking bahay sa probinsya at isandaang milyong piso sa bangko. Siya ang yumaong ama ng aking ina na matagal pala kaming hinanap na mag-ina mula ng itakwil niya ito nang sumama sa aking mahirap na ama. Sa sobrang pagsisisi sa ginawang pagpapalayas noon kay inay ay sa akin niya iniwan lahat ng kanyang ari-arian at kayamanan dahil walang ibang pagbibigyan nito, wala siyang ibang anak o kamag-anak. Si inay naman ay tatlong taon nang namayapa. Sayang, mahal matutupad ko na ang pangako ko sa iyo na mabigyan ka ng magandang buhay pero binalewala mo lang pala.” Iyon lang at ibinaba na ng lalaki ang tawag.

Hindi nakapagsalita si Betty sa ibinunyag ng asawa. Laking pagsisisi niya sa ginawang panloloko at balak na pakikipaghiwalay kay Josef dahil kung hindi niya nagawang magloko at ipagalit ito sa iba ay buhay Donya na sana siya ngayon sa piling ng milyonaryo niyang mister.

Masakit man para kay Josef ang panlolokong ginawa at pakikipaghiwalay sa kanya ng misis ay ipinagpatuloy pa rin niya ang buhay kasama ang dalawang anak. Namuhay ang mag-aama ng marangya at naibigay ng lalaki ang lahat ng pangangailangan ng mga ito. Mas lalo niyang pinalago ang mga iniwang negosyo ng kanyang lolo hanggang sa magbunga iyon at mas nadagdagan pa ang kanyang kayamanan.

Bigo man siya sa pag-ibig at malas sa asawa ay sa ibang bagay naman siya sinuwerte. Iba talaga kung gumawa ng paraan ang Diyos kung paano tutulungan ang taong may mabuting kalooban na gaya ni Josef na naging mapagmahal na asawa at ama.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!

Advertisement