Inday TrendingInday Trending
Payag si Misis sa Kabit

Payag si Misis sa Kabit

Inis na nagpaypay si Myeth, sira kasi ang aircon dito sa remittance center na pinuntahan nila ng mister niyang si Ricky. Kung hindi nga lang ito kukuha ng pinadalang pera, baka kanina pa siya tuluyang na-badtrip at pinag-aaway ito.

“Tapos na?” wika niya.

Sinulyapan lang siya ng lalaki kaya lumapit siya rito. Napansin niyang nagbibilang na ito kung tama ba ang perang natanggap.

“Tara,” wika nito.

Ang pagsimangot ni Myeth ay napalitan ng ginigigis na ngiti. Paano, limpak limpak na pera na naman ang mayroon sila!

“Mamaya na yan, pumasok na muna tayo sa loob. Magsho-showing na o,” maktol niya at pilit itong hinihila sa loob ng sinehan. Narito na sila ngayon sa isang mall, katatapos lamang mag-shopping at kumain sa mamahaling restaurant.

“Teka muna, magdududa ‘to! Magpasalamat naman tayo!” sabi ng lalaki at binuksan ang Facebook messenger, may tinawagan.

Maya-maya pa ay tumikhim ito at nagsalita, “Hello? Angeli my love? Oo katatanggap ko lang ng pera. Salamat ha? Alam mo kung hindi dahil sayo ay wala tayong maipapagawang bahay para sa future natin,” pambobola nito sa kausap sa telepono. Napairap naman si Myeth.

Muling nagsalita ang lalaki, “Pintura nalang ang kulang kasi tapos na rin ang kisame. Pero love, kailangan ko ulit ng pera sa isang linggo ha? Kinakausap ko na kasi iyong wedding organizer na mag aasikaso ng kasal natin,”

Lahat ng iyon ay isang malaking kasinungalingan. Hindi kabit ni Ricky si Myeth, kundi baligtad. Kasal sila at ang lumalabas na kabit ay si Angeli- bagamat walang kaalam alam ang dalaga. Payag si Myeth sa kalokohan ng mister niya basta ba makikinabang rin siya sa pera. Tulad ngayon, grabe kung huthutan nila si Angeli.

Nakilala ni Ricky ang dalaga sa abroad nang minsang magtrabaho siya bilang family driver roon, hindi na na-renew ang kanyang kontrata. Buti nalang ay naging nobya niya si Angeli na napakadaling utuin, kaunting kibot niya ay nagpapadala ito ng pera. Wala naman din kasing ibang kamag anak dito sa Pinas dahil ulilang lubos na.

Malaki ang ngiti ng mag asawa nang makauwi sa bahay. Nabili na naman nila ang lahat ng kanilang luho. Maganda na rin ang bahay nila, idagdag pang buntis na si Myeth.

“Galingan mo lang ha. Damihan natin ang ipon para hindi na natin problemahin ang panganganak ko. Tsaka sa binyag ni baby ha? Gusto ko bongga. Magpapa-baby shower rin ako sa friends ko para hindi nakakahiya,” sabi ni Myeth na himas himas ang tyan.

“Oo ako’ng bahala. Mahal na mahal ako nito,” paniniguro ni Ricky, abala sa pagcha-chat kay Angeli. “Teka muna tatawag raw siya,” sabi ng lalaki at sinenyasan ang misis na huwag maingay.

“Hay nako, ang feeling nyan ha! Wag mo kayang kausapin muna-“

“Sshh!” saway ni Ricky, “Hello love, bakit? Ha?! Bakit naman raw?”

“Pasensya kana. Hindi ko rin alam, nagkaproblema kasi ang amo ko kaya sabi ay tatanggalin na muna kami. Pinauuwi kami ng Pinas at tatawag nalang raw ulit sa agency sakaling mangailangan. Love, tapos na naman ang bahay natin diba? May ipapadala ako sayong kaunting pera.. magtatayo muna ako ng sari-sari store.

Gamitin muna natin yung pang wedding organizer sana habang naghihintay ako ng tawag mula sa agency,”

“H-Ha? Wala ka bang ibang mahahanapan dyan ng trabaho? Ibig kong sabihin, sayang naman kung uuwi kapa eh nariyan kana,” pinagpapawisan ng malamig na sabi ni Ricky. Yari na, paano na ang pera nila ni Myeth?

“Wala na love. Sinubukan ko na bago ko pa sabihin sa iyo, kaya lang wala na talaga akong magawang paraan eh. Hayaan mo, okay na naman iyong kaunting naipon natin pansamantala,”

“S-Sige, padala mo nalang muna yung pera para makapamili nako ng paninda mo kung sakali,”

Nang matapos ang tawag ay namroblema ang mag-asawa. Napagdesisyunan nilang hintayin ang huling padala ni Angeli, tapos ay binlock na ito ni Ricky. Pinutol niya lahat ng contact sa babae at sinigurong di na siya mahahanap pa nito.

“Ganoon talaga eh, atleast tayo ang may sari-sari store ngayon. Hayaan mo siyang maloka kahahanap,” nakangising sabi ni Myeth. Magkayakap sila ngayon sa kama at matutulog na.

Natawa lang rin si Ricky, “Oo nga. Tsaka naipagawa pa natin itong bahay.”

Hinila na ng antok ang dalawa. Nagawa pang matulog ng mahimbing sa kaalamang nanloko sila ng kapwa.

Naalimpungatan na lamang si Myeth dahil sa matinding usok.

“Rick, Ricky! May sunog! Tumayo ka dyan!” sabi niya sa asawa, napabalikwas naman ang lalaki.

Para silang binabangungot dahil nakita nilang ang salas nila ay natupok na. Kahit saan sila lumingon, may apoy. Sinubukan ni Ricky na maglakad palabas pero bumagsak na ang isang malaking kahoy na pundasyon ng kanilang bahay.

Unti-unti nang na-suffocate si Myeth, tumumba na lamang siya. Ganoon rin ang lalaki.

Sa malaking sunog sa kanilang barangay, tanging silang dalawa lang ang nasawi. Hindi maunawaan ng mga kapitbahay kasi kanina pa sila ginigising pero tila hindi naririnig ng mag-asawa.

Marahil, iyon na ang karma ng Diyos sa mga manloloko. Naisahan nila si Angeli pero ang Panginoon, hindi. Buhay pala ang kapalit ng perang itinakbo nila.

Ingat sa karma, laging doble ang balik kapag gumawa ng masama.

Images courtesy of www.google.com

Advertisement