Inday TrendingInday Trending
Hindi Boto ang Pamilya ng Lalaki sa Dalaga Dahil sa Nakulong Ito Dati; Paano Niya Ipaglalaban ang Nararamdaman Niya Rito?

Hindi Boto ang Pamilya ng Lalaki sa Dalaga Dahil sa Nakulong Ito Dati; Paano Niya Ipaglalaban ang Nararamdaman Niya Rito?

Isang taon na ring ginugulo si Manuel ng mga alaala ni Carmela.

“Kumusta na kaya siya ngayon? Hindi ko na siya nakikita,” wika ng lalaki sa isip.

Noon kasi, sobrang malapit sila sa isa’t isa ng kaniyang kababata na si Carmela. Mabait, matalino at maganda ang dalaga kaya madaling nahulog ang loob niya rito. ‘Yung pagiging close nila kulang na lang ay pag-amin para masabing may relasyon sila. Sobrang sweet din kasi kung mag-usap sila at palagi pang magkasama.

“Ano, tara na?” tanong ni Manuel sa dalaga, niyaya niya kasi itong kumain sila sa labas.

“Oo ba! Basta libre mo, eh,” natatawang sabi ni Carmela.

“Ako pa ba? Siyempre kapag ikaw ang kasama ko okey lang na araw-araw kitang ilibre.”

“Kaya palagi kong gustong sumama sa iyo eh, galante ka,” wika pa ng dalaga.

Ngunit sa kabila ng pagiging malapit nila ni Carmela ay maraming sagabal sa kanila lalo na sa panig ni Manuel. Sa madaling salita, hindi boto ang mga ito sa dalaga para sa kaniya.

“Ang daming babae riyan, huwag si Carmela, pagtatawanan ka lang ng mga tao,” sabi ng nakatatanda niyang kapatid.

“Oo nga, hindi siya ang babaeng nababagay sa iyo. May bahid dungis na ang kaniyang pagkatao,” sabad pa ng pinsan niya.

Ang dahilan, galing kasi sa correctional si Carmela. Ilang taon din siyang nagdusa sa kulungan. Muntik na noong pagsamant*lahan si Carmela ng dati nitong ka-opisina pero hindi iyon natuloy dahil napat*y niya.

“Sa kagustuhan kong maisalba ang aking puri, napasl*ng ko ang hayop na lalaking iyon ngunit walang naniwala sa akin na self-defense lang ang nangyari. Giniit talaga nila na ako ang totoong may sala kahit ako ang bikt*ma. Malakas ang kalaban, anong laban ko sa mapeperang gaya nila?” wika ng dalaga.

“Nauunawaan kita, Carmela. Naniniwala ako na inosente ka,” tugon ng binata.

Pero kahit anong paliwanag ni Manuel ay hindi pa rin ito tanggap ng pamilya niya. Lalo na ang mga magulang niya ay tutol sa pakikipaglapit niya sa dalaga.

“Manuel, isipin mo naman ang sasabihin ng mga tao sa atin. Ayaw kong magkaroon ng manugang na may tatak correctional,” mariing sabi ng nanay niya.

“Mas lalo na ako, nakakahiya sa mga kamag-anak natin kapag nalaman nilang ang mapapangasawa mo’y dating kr*minal,” wika naman ng tatay niya.

Kaya mula noon ay nagdesisyon siyang umalis sa probinsya. Nagresign siya sa trabaho at nagpunta sa Maynila para doon humanap ng panibagong mapapasukan at para layuan at kalimutan na si Carmela. Kahit mahirap sa loob niya, kailangan niyang sundin ang mga magulang.

Nang malaman ng dalaga ang kaniyang pag-alis ay sobra itong nalungkot. Nagdahilan na lamang siya na nadestino ang trabaho niya sa Maynila para hindi na ito mag-usisa pa.

“Kailan ang alis mo, Manuel?” tanong nito sa kaniya.

“Siguro sa isang linggo na,” tangi niyang tugon.

“Kailan naman ang balik mo?” tanong ulit nito.

“Hindi ko alam, eh. Tinambakan ako ng proyekto ng kumpanya namin na kailangang gawin sa Maynila. Baka matagalan ako roon,” aniya.

Nang matuloy siya sa lungsod ay sinimulan na niyang kalimutan si Carmela. Pinutol na niya ang komunikasyon niya rito. Hindi niya sinasagot ang mga tawag at chat nito. Kahit ang pagkakaibigan nila ay winakasan na niya. Nang makahanap ng mapapasukan sa Maynila ay isinubsob niya ang sarili sa trabaho upang tuluyang mawala sa isip niya ang dalaga. Nakipagkaibigan din siya sa mga bago niyang nakilala sa lungsod. Nakipaglapit din siya sa iba’t ibang babae na mas maganda kaysa kay Carmela.

Makalipas ang isang taon, natapos na ang kontrata niya sa pinagtrabahuhang kumpanya sa Maynila, Eto siya ngayon, bumalik na siya sa probinsya…

“Uy, kumusta ka na insan?” masayang bungad ng pinsan niya.

“Ayos naman, insan. Eto nagbabalik na ako rito sa atin. Na-miss ko kayong lahat, sobra!” tugon niya.

Ngunit hindi maitatatwa ni Manuel ang kahulugan ng kaniyang pagbabalik. Bakit nga ba siya nagbalik pa sa probinsya samantalang maaari naman siyang pumirma pa ng panibagong kontrata sa Maynila?

“Bumalik ka na pala rito, ni hindi ka man lang nagpakita sa akin. Hindi mo man lang sinasagot ang mga tawag, text at chat ko sa iyo,” wika ni Carmela nang tumawag ito sa kanila.

“P-pasensya ka na. Medyo busy lang ako sa trabaho sa Maynila kaya hindi ko nasasagot ang mga tawag mo,” pagsisinungaling ng binata sa kabilang linya.

“Pag hindi ka nagpunta rito sa bahay, ako ang pupunta riyan sa inyo,” saad pa ng dalaga.

Walang nagawa si Manuel kundi puntahan si Carmela. Baka kung ito pa ang pumunta sa kanila ay makita pa ito ng mga magulang niya’t ano pa ang masabi ng mga ito.

Nang narooon na siya bahay nito ay halos maumid ang dila niya nang makaharap si Carmela.

“Bumagay sa iyo ang katawan mo ngayon. You look more handsome,” bungad ng dalaga.

“You never changed. Bolera ka pa rin,” tugon niya.

“Wala namang nagbago, ‘di ba, Manuel?” tanong nito.

Nahulaan na ng binata ang gustong sabihin ng dalaga kaya pinili na niyang umiwas.

“A, eh…hindi na ako magtatagal ha? May pupuntahan pa kasi ako,” paalam niya.

Nang paalis na siya ay hinawakan siya sa braso ni Carmela.

“Manuel…please…”

“Aalis na ako!” maririin niyang sabi.

Tutol ang kalooban ni Manuel ngunit umalis pa rin siya. Naiwan na namang malungkot si Carmela, nahahalata na ng dalaga na iniiwasan niya ito pero hindi lang ito umiimik.

Lingid sa kaniya ay may hinala na si Carmela, na nilalayuan niya ito dahil ayaw ng pamilya niya rito. At tanggap naman iyon ng dalaga dahil sino nga naman ang magkakagusto sa babaeng galing sa correctional?

Kaya kahit mahal na mahal siya ng dalaga ay inintindi siya nito. Kahit napakasakit din para rito ang iwasan niya.

Ngunit ang paglayo niya kay Carmela ay hindi madali. Makalipas ang ilang linggo ay pinuntahan niya ulit ito sa bahay at hinarap. Sa pagkakataong iyon ay hindi na niya kayang tikisin ang nararamdaman.

“M-Manuel, nagbalik ka,” masayang wika ng dalaga.

“Oo, Carmela. Hindi ko pala kaya na tuluyang lumayo sa iyo. Welcome pa ba ako sa iyo?” tanong niya.

“Ang tagal kong hinintay na makita kitang muli, Manuel. Kahit noong umalis ka’y hinanap-hanap kita. Alam kong hindi ako tanggap ng pamilya mo kaya hinayaan kong lumayo ka,” sambit ni Carmela.

“Wala na akong pakialam sa sasabihin ng ibang tao, ang importante ay ang sinisigaw nitong puso ko. Mahal kita, Carmela. Hindi ko kayang mawala ka pa sa piling ko,” pagtatapat ng binata.

Sa oras na iyon ay kaya na niyang ipaglaban ang pag-ibig niya kay Carmela. Nang malaman ng pamilya niya na nagkabalikan sila, sa una ay nagalit ang mga ito pero kalauna’y unti-unti ring natanggap ng mga ito ang relasyon nila. Napagtanto ng mga ito na mabuting tao ang babaeng pinili niya.

‘Di nagtagal ay ikinasal din sila at bumuo ng pamilya. Mas lalo pa ngang nagusutuhan ng mga magulang ni Manuel ang kaniyang misis nang ipanganak nito ang kanilang panganay na anak. Tuwang-tuwa ang nanay at tatay niya dahil sabik na rin ang mga ito sa apo.

Advertisement