Galit na Galit ang Anak ng Lalaki sa Kaniyang Bagong Asawa; Nang Mawala Siya ay Mas Lumabas ang Totoong Kulay Nito
Biyudo na si Marcel. Sumakabilang buhay ang asawa niya apat na taon na ang nakakaraan, mayroon siyang isang anak na babae na ang pangalan ay Cherry. Dose anyos na ito, lumaking matalino at mabait na bata.
Mahal na mahal ni Cherry ang ama at lalo na ang yumaong ina kaya ayaw na ayaw nito na magkakaroon ng panibagong mamahalin ang ama.
Kaya ganoon na lang ang gulat ng bata nang isang gabi ay ipinakilala sa kaniya ni Marcel ang bago nitong nobya.
“Cherry, meet Angeline, my new girlfriend and your soon to be mommy. Please, kiss mo naman siya, anak,” bungad ng lalaki sa anak.
“Hello, Cherry! Nice meeting you,” nakangiting sabi naman ng babae.
“No!”
Imbes na batiin ang bisita ay nag-iiyak na tumakbo si Cherry papasok sa kaniyang kwarto. Kahit kailan ay hindi niya matatanggap na may bago nang babae ang daddy niya.
“I hate her! I hate her! I really hate her!” paulit-ulit niyang sabi habang patuloy na humahagulgol.
Ang totoo, may dahilan kung bakit kinamumuhian niya ang babae.
“Security lang naman ang habol niya sa daddy ko, eh. Questionable din ang background niya…balita ko’y buhay pa ang mommy ko may lihim na silang relasyon ni daddy,” sabi niya sa mga kaibigan.
“Baka naman nagkakamali ka lang, Cherry. Bakit hindi mo siya bigyan ng pagkakataon na makilala?” wika ng isa sa mga kaibigan niya.
“No way! Hindi-hindi ko siya bibigyan ng chance at lalong hindi ko siya matatanggap na bagong mommy ko. Nag-iisa lang si mommy, walang makakapalit sa kaniya. She is perfect,” sagot niya.
Hindi lang si Cherry ang nabigla sa pagpapakilala ng daddy niya kay Angeline. Maging ang mga lolo at lola niya sa ina ay hindi makapamiwalang napalitan agad ng ama ang yumaong asawa.
Nang dumalaw ang mga ito sa bahay nila ay nadatnan pa ang babae na prenteng nakaupo sa sofa. Ipinakilala ito ng daddy niya sa dalawang matanda.
“Wala kaming kamalay-malay na may balak ka palang mag-asawa ulit, Marcel?” tanong ng biyenang lalaki.
“Pasensya na po, papa, pero alam kong mauunawaan naman ako ni Ysabel sa balak kong ito. Panahon na po upang magkaroon ng bagong ina si Cherry. Mabait po si Angeline at nagmula rin sa disenteng pamilya,” wika ni Marcel.
“Huwag po kayong mag-alala, sisikapin ko pong maging karapat-dapat na ina para kay Cherry,” tugon naman ni Angeline.
“Dapat lang! Kaisa-isa ‘yang apo namin. Pabigla-bigla kasi ‘yang si Marcel ng desisyon, hay naku!” palatak naman ng biyenang babae.
Hindi na nakapagsalita pa sina Marcel at Angeline. Nirerespeto nila ang opinyon ng mga biyenan.
Lumipas ang mga araw, sa kanila na nakatira ang babae. Ikinagulat niya na pinakasalan na rin pala ito ng daddy niya, pero sa huwes lang. Mas lalong tumindi ang galit niya rito. Habang nag-aalmusal sila ay hindi niya talaga ito pinapansin at palagi niyang tinataasan ng kilay. Napansin naman ni Marcel na hindi sila nag-iimikan ng kaniyang madrasta.
“Masyado yata tayong tahimik a! Anong meron?”
Napilitang magsalita ang babae.
“Masama lang ang pakiramdam ko, darling, kaya matamlay ako,” sagot ng babae.
Palihim namang umismid si Cherry.
“Naninibago ka lang sa luho!” inis niyang bulong sa isip.
Ganoon pa man, patuloy pa ring buhos ang kalooban ni Marcel sa bagong asawa.
“Para ganahan kayo, anong gusto niyong pasalubong ko sa inyo pagkatapos ng client meeting ko sa Singapore?” tanong ng lalaki.
“Key chain na lang, darling…pwede ring necklace at pulseras,” malambing na sabi ni Angeline sa mister.
“Ikaw, anak, ano’ng gusto mo?”
Umiling si Cherry. “Okey lang po kahit wala, dad. Ang gusto ko lang po ay safe kayong makauwi.”
Bago pa man makaalis si Marcel papunta sa business trip ay hindi na napiglan ng dalawa na magsalubong…
“Cherry, maaga kang umuwi ha? Palagi ka na lang gabi kung umuwi. Menor de edad ka pa, delikado sa labas,” sabi sa kaniya ng madrasta.
“Teka, ‘di naman kita pinakikialaman sa mga ginagawa mo dito sa bahay a!” pabalang niyang sagot.
“Habang wala ang daddy mo, responsibilidad kita. Basta sa susunod, pagkagaling sa eskwela ay diretso agad dito sa bahay.”
Nagpanting na ang tainga ni Cherry at sinagot na ang babae.
“Huwag mo nga akong pakialaman! Kung ang sarili kong ama’y ‘di nakikialam, ikaw pa? Isusumbong kita kina lolo at lola!”
Hindi na rin kinaya ni Angeline ang katigasan ng ulo ng anak ni Marcel. “Edi magsumbong ka! Sinong tinakot mo? At huwag mo akong pagtataasan ng boses at baka maubos ang pasensiya ko sa iyo, tamaan ka na talaga sa akin,” tugon ng madrasta.
Pero hindi sa lolo at lola nagsumbong si Cherry…
“Daddy! Mabuti na lang dumating ka na!” umiiyak niyang sabi.
“O, a-anong nangyari? Bakit, anak?” nag-aalalang tanong ni Marcel.
Nang makapagsumbong ang anak ay agad namang kinausap ng lalaki ang asawa.
“Babae ang anak mo. Pinangangalagaan ko lang siya’t ayaw kong mapahamak. I was worried! Imagine, alas otso na ng gabi umuuwi galing sa eskwela, eh alas singko ang labas?” paliwanag ni Angeline.
“Pinipilit niya, pinagbuhatan mo raw siya ng kamay, totoo ba?” tanong ni Marcel.
“Kung sabihin ko sa iyong hindi, maniniwala ka kaya? Pinagsabihan ko lang ang anak mo, kahit kailan ay hindi ko siya sinaktan.”
Napahawak si Marcel sa sentido. “Siya, siya…kalimutan na natin ang nangyari, darling…tutal nangyari na,” tugon ng lalaki.
Kinaumagahan, hindi pa rin pinapnsin ni Cherry ang madrasta pero para kay Angeline nakalipas na ang mga nangyari, wala na siyang sama ng loob.
“Magsa-shopping ako ngayon. Baka gusto mong sumama sa akin. Ibibili kita ng mga kailangan mo,” yaya niya kay Cherry. Gusto niya na magkaayos na sila nito pero…
“May gagawin pa akong homeworks, eh. Ikaw na lang,” tanging sagot nito sa kaniya.
Natuloy na ang pag-alis ni Marcel papuntang Singapore pero isang aksidente ang nangyari na gumimbal kina Cherry at Angeline, bumagsak ang eroplanong sinasakyan ni Marcel at walang pasahero ang nakaligtas. Kasama ang lalaki sa mga nas*wi.
Sa pagkawa ng ama ay halos gumuho ang mundo ni Cherry. Maagang pumanaw ang kaniyang ina, pati ba naman daddy niya ay kinuha rin sa kaniya. Kaya sa libing ni Marcel ay bumaha ng luha mula kay Cherry, pero si Angeline, ni hindi nakitaan ng pagluha. Wala talagang kwentang asawa!
“Sinasabi ko na nga ba, peke lang ang pagmamahal mo kay daddy. Hindi mo man lang siya magawang ipagluksa, hindi ka man lang umiiyak dahil wala na siya!” sabi ni Cherry sa babae.
“Hindi porket hindi ako umiiyak, ibig sabihin ay hindi ako nalulungkot sa pagkawala ng daddy mo. Ang pag-ibig ay ‘di maaaring sukatin sa pamamagitan ng pagluha…mahal ko si Marcel, ‘di dahil sa salapi, sa rangya, sa luho…mahal ko siya dahil iyon ang totoo kong nararamdaman sa kaniya. Mahal din kita, Cherry pero minsan ‘di ko alam kung paano ko ipapakita sa iyo. Hindi kasi ako demonstrative, eh. Marahil dahil hindi ko natikman ang pakitaan ng pagmamahal ng sarili kong ina noon. ‘Di tulad mo, hindi kasi ako minahal ng nanay ko, pinaampon pa nga niya ako sa kung kani-kanino kaya siguro ganito ako,” hayag ni Angeline.
Biglang natauhan si Cherry. Nakaramdam siya ng asawa sa kaniyang madrasta. Hindi naman pala ito masamang tao at manhid gaya ng iniisip niya.
“Ngayong wala na ang daddy mo, ibig kang kunin sa akin ng lolo at lola mo. Nasa sa iyo ang desisyon. Ibig ko lang malaman mo na mahal kita. Bigyan mo lang ako ng pagkakataon na ipakita ko sa iyo,” saad pa ni Angeline.
Ang sama ng loob at galit ay nawala sa puso ni Cherry at…
“I’m so sorry po, m-mommy. Sa iyo pa rin po ako sasama. Gusto ko po kayong bigyan ng chance na maging mommy ko,” lumuluhang sambit ni Cherry saka niyakap nang mahigpit ang madrasta.
“Salamat, salamat…anak ko.”
Mula noon ay nagturingan na bilang mag-ina sina Cherry at Angeline. Nawala man si Marcel ay ipinagpatuloy nila ang buhay na magkasama, walang iringan, wala nang sama ng loob, pagmamahal na lang ang nangingibabaw sa kanila.