Palagi Niyang Dinadahilan ang Hindi Niya Pagtatapos ng Pag-aaral; Pinagkatiwalaan Niya ang Sarili nang Maharap sa Mahirap na Sitwasyon
Mababa ang tingin ni Jay sa kaniyang sarili. Palagi niyang dinadahilan ang hindi niya pagtatapos ng pag-aaral. Ginagamit niya ito upang ipaliwanag sa iba kung bakit hanggang ngayon, wala siyang permanenteng trabaho at wala ni pisong ipon, hindi katulad ng mga kaibigan niyang ngayon ay paunti-unti nang nakakatulong sa kani-kanilang mga pamilya.
Ngunit ang katotohanan, siya lamang ang naglilimita sa kaniyang mga kakayahan. Alam man niyang may angking galing siya sa pagsasalita ng Ingles at iba pang lengwahe na natutuhan niya sa panunuod ng iba’t ibang pelikula mula sa iba’t ibang bansa na maaari niyang magamit sa paghahanap niya ng trabaho, hindi niya ito ginagamit dahil siya’y natatakot na ma-reject ng isang kumpanya lalo na’t kapag nalaman ng mga ito na hindi siya nakapagtapos ng pag-aaral.
Sa katunayan, sa kanilang magkakaibigan, siya noon ang palaging nangunguna sa klase. Matalino kasi siya at talagang matiyaga sa pag-aaral. Kaya lang, nang maging malaki ang ulo niya sa dami ng mga karangalang natatanggap niya sa paaralan, siya’y biglang naging pabaya at nalulong sa paglalaro ng computer games.
Nang malaman ito ng kaniyang mga magulang, siya’y agad na pinatigil sa pag-aaral upang magtino. Ngunit imbis na ituwid ang baliko niyang daan, pinagpatuloy niya ang pagkalulong sa video games hanggang sa maoperahan ang kaniyang ama at maubos ang perang pang-paaral niya sana.
Kaya ngayong tila naliligaw siya ng landas, hindi niya alam kung saan o paano niya sisimulan ang kaniyang karera sa buhay at upang pansamantalang makatakas sa reyalidad, tuwing may kinikita siyang kakarampot na pera mula sa pagbebenta ng kung anu-anong gamit, agad niyang niyayang mag-inom ang buong tropa.
“Pare, kaysa ipang-inom natin ‘yang pera mo, bakit hindi mo na lang ‘yan gamitin pangpamasahe mo bukas papuntang Maynila? Sumama ka sakin sa pinagtatrababuhan kong kumpanya, kahit lumuhod ako sa mga boss ko gagawin ko, magkatrabaho ka lang!” sabi ni Omar pagkadating niya sa bahay nito kung saan sila palagi nagtitipon-tipon.
“Hindi nga ako papasa roon dahil hindi ako nakapagtapos ng pag-aaral! Saka, hindi ko kaya ‘yong trabaho mo roon!” giit niya saka agad na binagsak ang katawan sa sofa.
“Naku, pare, palagi mo na lang ‘yan dinadahilan. Kita mo si Konan, hindi rin naman ‘yan nakapagtapos, eh, pero empleyado na sa isang kilalang hotel sa Pilipinas!” sabi pa nito saka tinapik-tapik ang kaibigan nilang nakakaangat-angat na sa buhay.
“Matiyaga kasi siya, eh,” tipid niyang sagot habang kinukubli ang inggit at inis na nararamdaman.
“O, bakit hindi ka rin maging matiyaga para matapos na ‘yang problema mo? Hindi ‘yong halos linggo-linggo mo kaming niyayang uminom, baka bukas o sa makalawa, sabay-sabay tayong magpatanggal ng atay!” biro pa nito na talagang ikinatawa ng kaniyang mga kaibigan.
“Mga dahilan niyo! Kung ayaw niyo akong damayan sa problema ko, edi ‘wag kayong sumipot sa mga yaya ko! Ang yayabang niyo na porque may mga pera na kayo!” sigaw niya sa mga ito dahilan para lahat ay matahimik sa pagkabigla saka siya agad na umalis upang umuwi na lang kanilang bahay.
Habang naglalakad siya pauwi at pinipigilan niyang sumabog ang sarili sa sobrang galit bigla namang tumunog ang selpon niya.
“Hindi niyo na ako mapapabalik d’yan, mga mayayabang!” sabi niya sa pag-aakalang mga kaibigan niya ang natawag sa kaniya ngunit pagtingin niya sa kaniyang selpon, nanay niya pala ang siyang tumatawag kaya dali-dali niya itong sinagot.
“Anak, nandito kami sa ospital. Sinumpong na naman ng sakit ng tiyan ang tatay mo. Mukhang kailangan na naman niyang maoperahan,” iyak ng kaniyang ina na agad niyang ikinapanlumo, “Hindi ko na alam kung saan pa kukuha ng pera, anak. Baka may naiisip kang paraan, ayoko pang mawala ang tatay mo,” hagulgol pa nito na ikinaiyak niya na lang din.
Bago matapos ang usapan nila ng kaniyang ina, naalala niya ang alok ng kaibigan niyang si Omar. Kaya kahit kailangan niyang lunukin lahat ng inis na naramdaman niya ay kaniyang ginawa alang-alang sa kaniyang ama. Bumalik siya sa bahay nito at nagmakaawang ipasok siya sa trabaho.
“Ayan ang gusto ko sa’yo, pare! Bukas, isasama kita agad! Sa ngayon, itong sampung libo ibigay mo sa nanay mo, pinag-ambagan naming lahat ‘yan,” tugon nito saka siya niyakap ng mga kaibigan na talagang ikinataba ng puso niya.
Kinabukasan, tinulungan nga siya ng kaibihan niyang ito at ginawa ang lahat upang magkaroon siya ng trabaho sa kumpanya pinagtatrababuhan nito. Sa kabutihang palad naman, dahil sa laki ng ambag nito sa naturang kumpanya, siya’y matagumpay nitong naipasok at agad ding makapagsimula sa trabaho.
Doon na niya tuluyang nagamit ang kaniyang mga kakayahan na talagang hinangaan ng mga nakakataas doon. Iyon na ang naging simula nang pag-arangkada niya sa buhay na nagresulta rin ng matagumpay na operasyon ng kaniyang ama na talaga nga namang ikinatuwa nilang lahat.
Simula noon, hindi na muling nilimitahan ang sarili dahil lang hindi siya nakapagtapos ng pag-aaral. Bagkus, ginamit niya ang pagkakadapang iyon bilang inspirasyon sa buhay.