Nahulog ang Pitaka ng Bagong Sahod na Trabahador sa Kaniyang Karinderya; Isauli Niya pa Kaya Ito?
Maganda ang bungad ng umaga ng ginang na si Erin ngayong araw. Mga bagong sahod na construction workers kasi ang kaniyang mga buena mano sa kaniyang karinderya na talagang nagpasigla ng kaniyang umaga.
“Aling Erin, pabili po ako ng isang tapsilog! Gusto ko malasado ang itlog, ha!” masiglang sabi ni Cardo, isa sa mga construction workers na palaging nakikiinom ng tubig o nakikihingi ng sabaw ng sinigang sa kaniya.
“Ako rin po, Aling Erin! Sa tinagal-tagal ng panahon, ngayon ko lang matitikman ang tapsilog na binebenta mo! Sana masarap ‘yan, ha?” segunda pa ng isa na talagang ikinatuwa niya.
“Ay, naku, huwag kayong mag-alala, hindi kayo magsisisi! Lalo na’t alam ko, matagal niyo nang pinapantansyang matikman ang tapsilog kong sikat sa lugar na ito!” tugon niya habang hinahanda ang lahat ng sangkap na kaniyang kakailanganin sa pagluluto.
“Aba, oo naman, Aling Erin! Alam mo ba, tuwing break time namin, kahit tuyo o chicharon lang ang ulam namin, iniisip namin na tapsilog ang kinakain namin dahil sa mabagong amoy ng niluluto mo!” kwento pa ni Cardo na talagang ikinatawa niya.
“Mabuti naman, ngayong sahod niyo, rito niyo talagang piniling kumain sa karinderya ko! Saglit lang, ha, iluluto ko na lahat ng order niyo!” paalam niya saka agad na pinaupo ang mga iyon sa lamesa’t bangkong nakaabang sa tapat ng kaniyang karinderya.
Habang nagluluto siya ng mga pagkaing orders ng mga construction workers, rinig na rinig niya ang usapang ng mga ito
“Grabe, pare, ang laki ng binigay na bonus sa atin ngayon ni boss, ano? Sana buwan-buwan Chinese New Year para ganito palagi ang laki ng kita natin!”
“Oo, nga, eh, kahit ako nabigla! Akala ko dodoblehin niya lang ang sahod natin, iyon pala, higit pa roon ang ibibigay niya! Hindi pala lahat ng Intsik, kuripot, ano?”
“Sinabi mo pa! Da best talaga ‘tong amo natin ngayon! Tiyak na mas pagpapalain siya sa kabutihang ginawa niya para sa ating lahat!”
“Malaking tulong ‘to sa atin kaya gamitin natin ito sa maayos na paraan!”
“Oo naman, pare! Minsan lang dumating sa buhay nating ang ganitong klaseng biyaya, sasayangin pa ba natin?”
Nang marinig niyang malaki-laki ang sinahod ng mga trabahador na ito, hindi niya maiwasang mas pakinggan ang usapan ng mga ito. Hindi kasi tulad ng mga trabahador na ito na masaya sa biyayang natanggap, siya kasi ay halos isang buwan nang maliit ang kita dahil sa dami ng mga karinderya na nakatayo rin sa kanilang lugar.
Upang mas marinig ang usapan ng mga ito, habang hinihintay niyang maluto ang tapang nakasalang sa kawali, minabuti niyang tingnan ang mga trabahador habang masayang nagkukwentuhan. Kitang-kita niya sa mukha ng mga ito ang kasiyahang taglay at ang kagalakan sa biyayang natanggap.
Kaya lang, mayamaya, halos lumuwa ang kaniyang mga mata nang makita niyang nahulog ang pitaka ni Cardo at ito’y tila hindi napansin nito.
Dali-dali siyang naglagay ng sabaw sa isang malaking mangkok at ito’y agad na dinala sa grupo ng mga trabahador.
Nang matuon ang pansin ng lahat sa sabaw na hinanda niya, agad niyang pinulot ang pitaka na inapakan niya at agad-agad na bumalik sa kusina upang magtago.
Natataranta niyang binuksan ang naturang pitaka upang makita ang laman at siya’y agad na nasilaw nang makitang hindi bababa sa dalawapung libong piso ang laman nito. “Diyos ko! Kapag sinuswerte ka nga naman, Erin!” sabi niya sa sarili.
Kaya lang, napansin niyang may puting papel ang nakaipit sa isa sa mga lagayan ng pitaka. Kinuha niya ito at binasa ang nakasulat dito.
“Papa, gusto ko po ng lechong manok mamaya. Pwede niyo po ba akong ibili? Matagal ko na pong pangarap na makakain no’n. Sana po ngayong kaarawan ko, matupad na po iyon. Salamat po, papa, ingat ka sa trabaho!” sabi sa sulat na tila ba galing sa anak nito.
Pilit man niyang nilabanan ang pangongonsenyang naramdaman, hindi siya nanalo rito. Nanaig sa puso niya ang awang nararamdaman para sa batang may kaarawan at sa trabahador na pilit na nagsumikap at naghirap upang mapakain ang sariling pamilya.
Upang maibalik niya ang naturang pitaka, pagkaluto ng tapsilog na order ng mga trabahador, agad niya itong binigay sa mga ito at kunwaring pinulot ang pitaka mula sa semento saka niya ito iniabot kay Cardo.
“Naku, maraming salamat po, Aling Erin! Diyos ko, muntik nang mawala ang pinaghirapan kong pera!” tuwang-tuwa sabi nito habang paulit-ulit na nagpapasalamat sa kaniya.
Wala man siyang ganoon kalaking perang natanggap nang araw na iyon, araw-araw naman siyang nabiyayaan ng mga kustomer dahil sa trabahador na si Cardo na pinapakalat ang katapatan at kabaitang mayroon siya pati na ang sarap ng mga luto niyang ulam.
Sa ganoong paraan, tila dumoble pa ang biyayang natanggap niya na talagang nagpataba sa kaniyang puso.
“Tama lang talaga ang ginawa ko. Salamat sa Diyos, hindi Niya ako hinayaang magsisi sa maling gawi na nasa isip ko noong araw na iyon,” wika niya habang pinagmamasdan ang siglang mayroon ang kaniyang karinderya dahil sa dami ng taong kumakain.