Ipinagmamalaki Niya ang Malaking Sahod sa Trabaho; Ito rin pala ang Makapagpapabagsak sa Kaniya
Unang beses sumahod ng binatang si Greg sa bago niyang trabaho bilang isang casino dealer sa isang kilalang hotel sa Maynila. Sobrang haba man ng pila sa ATM ng pinili niyang bangko, matiyaga siyang naghintay upang makuha ang kaniyang kinitang pera.
Halos mapasigaw siya sa tuwa nang makita niyang higit sa ekspektasyon niyang sahod ang binigay sa kaniya ng kumpanya at upang makumpirma na kaniya nga ang lahat ng ito, tumawag pa siya sa kaniyang manager.
“Ma’am, ito pong naipasa sa bangko ko, sahod ko po ito lahat, hindi ba?” tanong niya rito.
“Aba, malamang, Greg! Natuwa si boss nang makita ang kasipagan mo, eh, kaya ayan, may bonus ka na agad! Ipagpatuloy mo lang, baka mamaya mas mahigitan mo na ang sinasahod ko!” biro nito na talagang ikinatuwa niya.
Dahil nga unang beses niyang makatanggap ng ganoong kalaking sahod sa trabaho, dali-dali niyang sinaid ang bank account niya at nagsimulang mamili ng mga kailangan ng kaniyang buong pamilya. Bumili siya ng sandamakmak na grocery items, bigas, at lechong manok pang-ulam nila. Pagkauwing-pagkauwi niya, agad niyang pinangalandakan sa kaniyang buong pamilya ang perang sinahod niya.
“O, huwag niyo na akong mauutus-utusan, ha? Katulad niyong lahat, kumikita na rin ako, higit pa sa kinikita niyo!” mayabang niyang sabi matapos ipakita sa buong pamilya ang mahabang resibo ng mga pinamili niyang grocery items.
“Ang yabang mo naman! Sa una lang ‘yan!” tatawa-tawang sabi ng kaniyang ama na tuwang-tuwa sa kaniyang ginawa.
“Ang sabihin mo, papa, sa tanan ng buhay mo, hindi ka sumahod ng ganito kalaking pera! Kaya para maawa ako sa’yo at ika’y buwan-buwan kong mabigyan ng pera, sundin mo lahat ng gusto o utos ko, ha?” tugon niya na ikinaseryoso ng mukha nito.
“Greg, bunso, mali na ‘yang sinasabi mo,” saway ng panganay niyang kapatid.
“Mali? Noong unang beses mo ngang sumahod ito rin ang sinabi mo sa akin!” katwiran niya habang pinapaypayan ang sarili gamit ang pera.
“Aba, syempre, kuya mo ako, eh, at ako ang nagbibigay sa’yo ng baon noong mga panahong iyon kaya gusto ko susundin mo ako katulad ng mag-aral ka nang mabuti!” tugon nito, sasagot palang sana siya nang biglang sumabat ang kanilang ina saka tiningnan ang mga grocery na uwi niya.
“O, tama na ‘yang sagutang iyan! Maraming salamat sa pang-isang buwang grocery, anak, ha! Malaking tulong ito sa ating pamilya!” masaya nitong wika saka siya hinalikan sa pisngi.
“Malaking tulong talaga ‘yan, mama! Kung wala akong malaking sahod, tiyak, hindi ka magkakaroon ng sandamakmak na sabong panlaba at kung ano pang mga pampalasa sa pagkain!” sagot niya, “Bakit kaya ganoon, ‘no? Hindi ko naman kayo pinilit na buhayin ako tapos ngayon, parang responsibilidad kong hatiin ang pera ko sa pangangailangan sa bahay na ‘to. Hindi ba’t dapat magulang ang sumasagot sa mga ganitong uri ng gastusin?” tanong niya pa dahilan para siya’y masapok ng ama sa mukha na nagpabigla sa kaniyang mga kapatid.
“Sino bang nagsabing bumili ka ng sandamakmak na grocery items, ha? Sino nagsabi sa’yong bigyan mo kami ng pera? Nanghihingi ba kami sa’yo? Ngayon ka lang nakatulong sa bahay na ‘to, ang laki-laki na agad ng ulo mo! Kung ayaw mong mababawasan ‘yang sahod mo sa trabaho, lumayas ka rito!” galit na sigaw ng kaniyang ama dahilan para siya’y agad na mapahiya at mapatakbo sa kaniyang silid.
At dahil nga mayroon na siyang sariling pera, lumakas ang loob niya nang gabing iyon. Dali-dali siyang nagbalot ng gamit at talagang pinakita niya sa ama ang kaniyang masayang pag-alis sa bahay na iyon.
“Pinakawalan niyo lang ang anak niyong magbibigay sana ng magandang buhay sa inyo!” pananakot niya, hindi pa siya nasiyahan at minura niya pa ang buong pamilya gamit ang kaniyang daliri.
“Kung gan’yan ang ugali mo, mas maigi pang habambuhay na lang akong mahirap!” sigaw pa ng kaniyang ama.
Buong akala niya, basta’t may pera siya, magiging maayos ang buhay niya mag-isa ngunit siya’y nagkamali. Madalas na siyang mahuli sa trabaho dahil walang gumigising sa kaniya, nalilipasan siya ng gutom dahil walang naghahanda ng pagkain niya at nananakawan pa siya ng pera at gamit ng mga kasama sa inupahan niyang silid na talagang nagbigay sakit sa ulo sa kaniya.
Ito ang dahilan para hindi siya makapagtrabaho nang maayos at nang mapansin ito ng kaniyang manager, hindi ito nagdalawang-isip na mas ibaba ang posisyon at sahod niya.
“Pasensya na, Greg, ang pinapakita mo ay hindi tugma sa laki ng sahod mo,” sabi pa nito na talagang ikinapanlumo niya.
Dahil nga mababa na ang sahod niya at talagang pakiramdam niya’y hindi na siya ligtas na manirahan pa kasama ang mga nananamantala sa kaniya, hiyang-hiya man siya sa kaniyang buong pamilya, umuwi pa rin siya ng kanilang bahay.
Akala niya’y sandamakmak na sermon at panunumbat ang ibubungad ng kaniyang ama ngunit siya’y labis na napaiyak nang salubungin siya nito ng mga luha bunsod ng saya.
“Natutuhan mo na bang hindi mo kailangang ipagmalaki ang iyong pera at limutin ang iyong pamilya?” agad na tanong nito at nang tumango-tango siya, agad na siyang niyakap ng kaniyang ina at mga kapatid na talagang nagpataba maigi ng puso niya.
“Sa wakas, hindi ka na nabulag ng pera, bunso!” tuwang-tuwang sigaw ng kanilang panganay.
Simula noon, gaano man kalaki ang kaniyang sinasahod, hindi na siya nagmalaki pa sa kaniyang pamilya. Bagkus, kusang loob na siyang nagbibigay at tumutulong sa mga ito na nagresulta ng mas malalim nilang pagmamahalan.