Inday TrendingInday Trending
Natapunan Niya ng Kape ang Mamahaling Sapatos ng Masungit Niyang Boss; Anong Kaparusahan ang Naghihintay sa Kaniya?

Natapunan Niya ng Kape ang Mamahaling Sapatos ng Masungit Niyang Boss; Anong Kaparusahan ang Naghihintay sa Kaniya?

“Si Sir Julio, napakasungit talaga! Hindi ko naman sadya na mabangga ko siya kanina, nakasinghal kaagad,” naghihimutok na bulalas ng kaopisina niyang si Lina nang makasabay niya itong magkape.

Napailing si Olive sa komento ng katrabaho.

“Ikaw naman. Pagbigyan mo na. Baka stressed lang dahil sa trabaho. S’yempre, mahirap din maging boss,” pagtatanggol niya sa lalaki.

Lalo lang lumaki ang pagkakabusangot nito.

“Nakakainis! Kung gaano ka-anghel ang mukha, ganoon naman kasungit!” masama pa rin ang loob na litanya nito.

Sasagot na sana siya nang marinig niya ang pagtikhim ng kung sino sa likod nila.

“Bumalik na kayo sa pwesto n’yo, at ‘wag kayong mag-tsismisan dito,” anang tinig.

Gulat siyang napalingon sa may-ari ng tinig. Nang makita niya iyon ay naibagsak niya ang kape sa labis na pagkagulat.

“S-sir Julio!” nanlalaki ang matang bigkas nilang magkaibigan. Ang simangot ng lalaki ay napalitan ng ngiwi. Mukhang ininda nito ang natapon na kape. Namantsahan ang kulay krema nitong pantalon, at maging ang mamahalin nitong sapatos.

Tarantang kumuha si Olive ng pamunas at nanginginig na inabot niya iyon sa lalaki habang paulit-ulit siyang humihingi ng paumanhin.

Nakayuko niyang hinintay ang malakas na sigaw ng lalaki, na madalas nilang marinig sa tuwing may nagkakamali. Ngunit hindi iyon nangyari. Bagkus ay malumanay ang tono nito.

“Olive ang pangalan mo, hindi ba? Mag-usap tayo sa opisina ko,” seryosong saad ng lalaki bago nagpatiuna sa pagpunta sa opisina.

Noong una ay nagtaka pa siya kung bakit alam ng lalaki ang pangalan niya. Ngunit nang maalala niya ang nagawa niyang kasalanan ay halos mapaiyak siya sa takot.

Sa totoo lang, ni minsan ay wala pa silang direktang engkwentro ni Julio. Ngunit sapat na ang mga narinig niyang kwento para katakutan ito.

Hindi siya maaaring mawalan ng trabaho!

Nang makarating sila sa opisina ay tuluyan na siyang napaiyak.

“Sir, hindi ko po sadya! ‘Wag niyo po akong alisan ng trabaho!” umiiyak na pakiusap niya sa lalaki.

Hindi ito nagsalita. Nang lingunin niya ito ay nakatingin lang ito sa kaniya habang nakataas ang kilay.

“Hindi ka mawawalan ng trabaho kaya ‘wag kang umiyak diyan. Ayoko na nakikipag-tsismisan ka sa mga katrabaho mo. Simula sa Lunes, dito ka na sa opisina ko papasok. Ikaw muna ang tatayong sekretraya ko sa loob ng limang buwan,” anito.

Nakahinga siya nang maluwag.

Ngunit nang maisip niya kung gaano kasungit ang lalaki at tila gusto niyang umurong at humingi na lang ng ibang parusa. Hindi niya alam kung kakayanin niya na makatrabaho ito!

“S-sir, h-hindi po ba pwedeng b-bayaran ko na lang ang sapatos niyo?” lakas loob na tanong niya.

Muling tumaas ang kilay nito.

“Sige. Singkwenta mil ang halaga noong sapatos,” anito.

Napanganga siya sa gulat bago dumako ang tingin sa sapatos nitong nagkulay kape. Alam niya na mahal iyon, ngunit hindi niya inasahan na ganoon kalaki ang presyo noon!

Wala siyang ganoong kalaking pera!

“Wala p-po akong p-pambayad, Sir. Aayusin ko na po ang trabaho. Salamat sa tiyansa,” bawi niya sa sinabi.

Nang dumating ang Lunes ay halos ayaw niyang pumasok. Ngunit wala siyang ibang pagpipilian.

Umaga pa lang ay muntik na siyang masungitan. Mabuti na lang at mukhang nagustuhan nito ang kape na inihanda niya sa mesa nito.

Noong una ay labis ang kaba ni Olive. May kakaibang awra kasi si Julio na talaga namang nakakatakot. Ngunit unti-unti ay nasanay siya sa presensya ng masungit na lalaki.

Napagtanto niya na wala pala talagang tunay na nakakakilala rito. Hindi naman pala ito masungit. Sadyang dedikado lamang ang lalaki ay nais nito na maging maayos at perpekto ang lahat.

May pakialam din ito sa kaniya. Sa tuwing nagpapabili ito ng pagkain ay mayroon din siya. At higit sa lahat, ni minsan ay hindi siya nito pinag-overtime o binigyan ng maraming trabaho.

Hindi niya tuloy maiwasang maisip na sana ay makita ng lahat ang tunay na katauhan ng mabait nilang boss.

Halos hindi namalayan ni Olive ang paglipas ng limang buwan. Hindi niya rin namalayan na nahulog na pala ang loob niya sa kaniyang boss.

Sa huling araw niya bilang sekretarya ni Julio ay naghanap siya ng maaaring ibigay sa lalaki bilang pasasalamat. Pasasalamat para sa kabaitan nito sa kaniya.

Sa paghahanap ay nadako siya sa isang lumang sapatusan. Doon ay may nakita siyang sapatos na kaparehong-kapareho ng sapatos ni Julio. Ang sapatos na natapunan niya ng kape.

Takang inusisa niya ang matandang sapatero.

“Manong, magkano ho ang sapatos na ito?”

“Isang libo lang, hija. Bibilhin mo ba?” anang sapatero.

Nakangiti siyang tumango. Ngunit ang isip niya ang gulong-gulo pa rin.

“Maganda ang napili mo, hija. Alam mo ba na may kliyente akong boss na ng isang malaking kompanya? Pero ganitong sapatos pa rin ang sinusuot niya,” kwento ng matanda.

Mas lalo siyang nagsuspetsa.

“Si Sir Julio po ba ang tinutukoy niyo? Kilala ko po siya,” subok niya.

Nagliwanag ang mata ng matanda.

“Oo, si Julio nga! Mula bata ‘yun, dito ‘yun bumibili ng sapatos. Hanggang ngayon. Gusto niya raw suportahan ang negosyo ko. Mabait na bata,” nangingiting kwento pa ng matanda.

Sa isip ni Olive ay isang katanungan ang nais niyang masagot—bakit sinabi ni Julio na singkwenta mil ang halaga ng sapatos?

Kailangan niyang malaman.

Wala siyang inaksayang oras. Kinompronta niya ang lalaki, bago ipinakita rito ang sapatos na nabili niya.Sa unang beses ang nakita niyang tigagal ito ay hindi makahanap ng sasabihin. Marahil ay hindi nito inasahan na mabubuko niya ang lihim nito. Matapos ang matagal na katahimikan ay saka lamang ito nagsalita.

“Gusto kita, Olive. Matagal na. Pero hindi ko alam kung paano ko sasabihin sa’yo. Ni hindi mo nga ako nakikita…” anang lalaki.

“Kaya noong natapunan mo ako ng kape, kinuha ko ang pagkakataon na ‘yun para mapalapit sa’yo. Patawad, Olive. Hindi ko ginusto na lokohin ka…” malungkot na saad nito.

Kitang-kita niya ang pagsisisi sa gwapong mukha ng lalaki.

Hinawakan niya ang kamay nito.

“Gusto rin kita, Julio…” pag-amin niya, bago ito ginawaran ng isang masuyong halik sa pisngi.

Masayang-masaya si Olive. Akala niya ay matatapos na ang mga panahong kasama niya ang binata. Simula pa lamang pala iyon ng buhay nila na magkasama!

Advertisement