Inday TrendingInday Trending
Sunod-sunod na Dagok ang Dumating sa Buhay ng Dalaga; Isang Estranghero ang Nagpagaan sa Nararamdaman Niyang Bigat

Sunod-sunod na Dagok ang Dumating sa Buhay ng Dalaga; Isang Estranghero ang Nagpagaan sa Nararamdaman Niyang Bigat

Tila bomba na sumabog sa harapan ni Eden ang mga mga salitang binitiwan ng kaniyang nobyo na si Santi.

“Patawarin mo ako, Eden. Hindi ko kaya na pakasalan ka…”

Nang makabawi siya sa pagkabigla ay saka lamang siya nagkaroon ng lakas ng loob na magtanong.

“B-bakit biglaan, Santi? Bakit bigla na lang nagbago ang isip mo? Ilang araw na lang, ikakasal na tayo!” lumuluhang usisa niya sa nobyo habang mahigpit ang hawak niya sa suot na engagement ring.

“Hindi ito biglaan. Pero alam ko na nagluluksa ka pa sa pagkawala ng Mama mo noon, kaya hindi ko masabi-sabi sa’yo…” anito.

“May iba ba?” mahina niyang tanong.

Napayuko ang lalaki bago marahang tumango.

“May nakilala akong babae, at nahulog ang loob ko sa kaniya. Ayokong matali sa’yo habang iba ang itinitibok ng puso ko…” paliwanag nito.

Ilang minuto nang wala ang dating nobyo sa harap niya, ngunit panay pa rin ang pag-agos ng masaganang luha mula sa kaniya mga mata.

Hindi malaman ni Eden kung paano kakaharapin ang sunod-sunod na dagok na dumating sa buhay niya.

Isang buwan pa lang nakalilipas simula noong nawala ang kaniyang ina. Matagal itong nakipaglaban sa isang malubhang sakit bago ito tuluyang sumuko.

Hindi pa man siya tapos magluksa ay panibagong dagok na naman ang dumating.

Napangiti siya nang mapait. Madalas kasi sabihin noon ng kaniyang ina na sa bawat umaalis ay mayroong dumarating.

Ngunit mukhang hindi totoo iyon, dahil imbes na may dumating ay may kinuhang muli sa kaniya. Si Santi.

Nang lumabas siya sa restawran ay sinalubong siya ng mahihinang patak ng ulan. Tahimik siyang naghihintay ng taxi nang magsimula na naman tumulo ang kaniyang mga luha.

Tila tukso na kasabay ng pagtulo ng luha niya ay ang mas malalakas na patak ng ulan.

Mabuti na lamang at isang taxi ang eksaktong huminto sa tapat niya.

Dali-dali siyang sumakay sa taxi.

Sumisigok-sigok pa siya nang ibigay niya sa drayber ang kaniyang address.

Hindi ito nagsalita, ngunit pinaandar nito ang sasakyan.

Nang maramdaman niya ang lamig ay saka niya lamang napagtanto na nanginginig na pala siya sa lamig.

Nagulat siya ng abutan siya ng drayber ng isang puting tuwalya.

“Magpunas ka at baka magka-pulmonya kayo,” anang lalaki.

“Salamat po,” sagot niya.

Nanatiling nakapulupot sa kaniya ang tuwalya habang umaandar ang sasakyan. Tahimik niyang nakatulala sa labas ng sasakyan.

Ngunit nang mapadaan sila sa simbahan ay muli na naman siyang napaluha. Iyon kasi ang simbahan kung saan ikakasal sana nila ni Santi. Ang kaniyang ina ang pumili noon dahil doon sila madalas magsimba noong mga bata pa sila.

Pigil niya ang mapabunghalit ng iyak dahil nahihiya siya sa drayber. Pigil na pigil niya ang mga hikbi.

“Miss, iiyak mo lang ‘yan, ‘wag mo na akong pansinin,” anang drayber.

“O kung gagaan ang loob, pwede kang magkwento sa akin,” alok nito.

Noon siya napahagulhol.

Sa huli ay pahapyaw niyang naikwento sa lalaki ang nangyari. Hindi man kasi niya nakikita ng mukha nito dahil sa dilim ay alam niya na nakikinig ito.

“Tama ang Mama mo. Sa bawat umaalis, may dumarating. Maghintay ka lang,” payo nito bago inihinto ang sasakyan.

Nang lumingon siya sa labas ay nakita niya na naroon na sila sa tapat ng bahay niya. Halos hindi niya namalayan ang oras.

Dumukot siya sa kaniyang pitaka at kumuha ng isang libo at iniabot sa mabait na drayber.

“Sa’yo na ang sukli. Salamat sa pakikinig,” aniya

Noon bumukas ang ilaw sa banda nito. Nabistahan niya ang mukha ng lalaki. Nahalata niya kaagad na may itsura ito, at hindi nalalayo ang edad nito sa kaniya.

“Hindi na. Ibili mo na lang ‘yan ng kung anong makakapagpagaan ng damdamin mo. Ice cream, alak, o kung ano pa man,” anang lalaki.

Matigas ang naging pagtanggi niya.

“Hindi, ayaw ko na malugi ka. Kunin mo na ‘yang pamasahe ko,” pagpupumilit niya.

Ngumiti ito.

“Sa totoo lang Miss, hindi naman ito taxi, eh. Hindi rin ito Grab. Huminto lang ako sandali, tapos bigla kang sumakay,” natatawang kwento ng estranghero.

Namula ang mukha ni Eden sa hiya. Taranta siyang bumaba ng sasakyan para kumpirmahin ang sinabi ng lalaki.

Tama ito, hindi nga iyon isang taxi, o bahagi ng isang kompanya. Isa lang iyong regular na sasakyan.

“S-sorry. Hindi ko alam. Sorry, nakaabala pa ako…”

Umiling ito bago inilahad ang kamay.

“Ako si Jace. Anong pangalan mo?” tanong nito.

“Eden,” aniya bago tinanggap ang kamay nito.

Sa hindi malamang dahilan ay kay bilis ng tibok ng puso niya.

“Salamat, Jace. Pasok na ako…” paalam niya sa lalaki bago nagmamadaling tumalikod. Ngunit tinawag siya ng Jace.

“Eden!”

Nagtatakang nilingon niya ito.

“Pwede ba kitang bisitahin minsan? B-baka lang gusto mo ng m-makakausap…” nauutal na tanong nito, nakapako ang tingin sa baba, tila nahihiya.

Muling niyang naramdaman ang abnormal na tibok ng kaniyang puso.

“Pwede,” nakangiting sagot niya bago ito kinawayan.

Magaan ang loob niya nang makapasok sa loob ng kaniyang bahay. Tila bulang naglaho ang sakit na nilikha ng dati niyang nobyo. Nilingon niya ang larawan ng kaniyang namayapang ina.

“‘Ma, tama ka. Sa bawat umaalis, may dumarating. May bagong dating sa buhay ko…” kinikilig na bulong niya.

Advertisement