Maagang Nabiyuda ang Misis na Ito Nang Maaksidente ang Kaniyang Mayamang Mister; Nagulat ang mga Kasambahay sa Kaniyang Ginawa
Hindi mapatid-patid ang luha ng mga nakiramay sa batang-batang biyuda na si Criselle, 23 anyos. May isang taon pa lang nang ikasal sila ng kaniyang mayamang mister na si Guztavo, 42 taong gulang, isang mayaman at may-ari ng malaking kompanya.
Napaiyak silang lahat sa naging laman ng mensahe ni Criselle para sa mister, sa ginanap na eulogy nito bago ihatid sa huling hantungan.
Marami ang nanghihinayang na hindi man lamang sila nagka-anak.
“Criselle, labis-labis kaming nakikiramay sa iyo,” sabi ng isa sa mga kaibigan ni Guztavo. “He really loves you so much. Alam mo ba, wala siyang bukambibig sa amin kung paano ka naging mabuting misis sa kaniya? Napaka-trahedya ng mga nangyari na nahulog sa bangin ang kotseng sinasakyan niya. I did not see this coming.”
“Thank you for those encouraging words. Ako rin, hindi ko alam na mauuwi sa ganito ang pagmamahalan namin ni Guztavo,” at nanginig na naman ang tinig ni Criselle. Sumungaw ang luha sa kaniyang mga mata. “Marami pa kasi kaming mga plano, mga pangarap na magkasama. Sa isang iglap lang, hayun, wala na siya.”
“Pero ano raw ba ang sabi sa imbestigasyon ng mga pulis?”
“Batay sa inisyal na imbestigasyon nila, nawalan daw ng preno ang kotse ni Guztavo. Inaalam pa nila kung talaga bang nasira ang preno o may foul play na naganap.”
“Foul play? Bakit may ganyang anggulo? Ibig bang sabihin ay may nagtangka sa buhay niya?”
Nagkibit-balikat si Criselle.
“H-Hindi ko rin alam eh… pero kung meron man, titiyakin kong magbabayad siya sa kulungan. Hindi ako papayag na makakalaya siya habang ako, nagdurusa sa maagang pagkawala ng mister ko,” may diin sa tinig ni Criselle.
Matapos ang ilang sandali ay dumating na ang sasakyan na kukuha sa mga labi ni Guztavo upang i-cremate ito.
Dagsa rin ang mga nagtungo sa cremation ng mga labi ng kaniyang mister. Mga kaanak, mga kaibigan, mga kaopisina, at empleyado. Lahat ay may kani-kaniyang kuwento kung gaano kabuting kaibigan, kasamahan, at boss ang mister.
Habang nakaupo si Criselle ay lumapit ang kapatid na babae ni Gustavo.
“Ang suwerte mo rin ‘no? Sa isang iglap lang, mayaman ka na. Masaya ka ba na ikaw ang tagapagmana ng kuya bilang asawa niya?” nang-uuyam na sabi ni Merlinda.
“M-Merlinda, heto na naman ba tayo? Sinabi ko na sa iyo, hindi ko habol ang pera ng Kuya mo…”
“Puwes kung hindi mo talaga habol, alam mo ang nararapat mong gawin. Bitiwan mo ang kompanya ng kuya at ibigay mo ang pamamahala sa akin,” mariing sabi ni Merlinda.
“Kabilin-bilinan ng kuya mo na huwag ipagkakatiwala ang kompanya sa lasenggera at sugarol na gaya mo, Merlinda. Kahit noong nabubuhay pa siya, hindi naman niya ipinagkatiwala ang kompanya sa iyo. Bakit? Kasi alam niyang iresponsable ka at pababayaan mo ito. O baka nga mas malala pa, baka ibenta mo ito.”
Iniangat ni Merlinda ang kanang kamay at anyong sasampalin ang bilas subalit inunahan na siya ni Criselle.
“Sige, subukin mong gumawa ng eskandalo dito mismo sa huling hantungan ng kuya mo; ipapakain ko sa iyo ang mga alabok niya!” mariing pagbabanta ni Criselle. Nakatingin na ang mga tao sa kanila. Lumapit naman ang yaya ni Merlinda at iginiya na ang alaga palayo kay Criselle.
Sa wakas, natapos na rin ang cremation at ibinigay na kay Criselle ang urn na naglalaman ng mga alabok ng mister.
Pagkauwi sa bahay, kung kani-kanina ay napakalungkot ni Criselle, agad niyang tinawag ang mga kasambahay.
“Makinig kayong lahat. Maghanda kayo ng masasarap na pagkain, iyong mga paborito ko. Dalian n’yo ha. Sarapan. Tapos, tanggalin ninyo lahat ng mga litrato ni Guztavo, madali!”
Nagulat ang mga kasambahay sa ipinakikitang asal ngayon ni Criselle na hindi nila nakita noong nabubuhay pa ang among lalaki.
“M-Ma’am, hindi po ba dapat nagluluksa tayo dahil kay Sir?” lakas-loob na tanong ng isang kasambahay na matagal na ring nagseserbisyo sa kanila.
“Huwag mo akong kuwestyunin. Gusto mo bang palayasin kita rito?” pagbabanta ni Criselle.
Umiling-iling naman ang kasambahay.
At doon na lumabas ang tunay na kulay ni Criselle. Sa halip na magluksa ay nagdiwang pa ito sa pagkawala ng kaniyang mayamang mister. Nagulat ang mga kasambahay sa ipinakikita nitong tunay na ugali, malayong-malayo sa mabait at mapagmahal na misis na nakilala nila, simula nang dalhin ito ni Guztavo sa kaniyang bahay at pakasalan.
“Totoo pala ang mga paratang ni Ma’am Merlinda kay Ma’am Criselle noon na manggagamit lamang ito,” bulong ng isang kasambahay sa kasamahan.
“Huwag kang mag-alala. Matatapos na ang pagrereyna-reynahan niyan dito. Isinumbong ko na siya kay Ma’am Merlinda. Makikita mo ang mga mangyayari sa mga susunod na araw,” saad nito.
Makalipas ang tatlong araw simula nang mai-cremate si Guztavo, biglang dumating si Merlinda sa mansyon na may kasa-kasamang mga pulis. Gulat na gulat si Criselle na noon ay may hang over pa dahil sa pag-iinom at pagpaparty na mismong sa bahay ni Guztavo ginagawa. Naroon din ang mga kaibigan niya na inimbitahan; kung saan-saan nakahiga sa loob ng bahay dahil sa labis na kalasingan.
“Hayop ka talagang babae ka! Ang kapal ng mukha mo para babuyin ang mansyon! Pwes, tapos na ang maliligayang araw mo!” galit na sabi ni Merlinda.
“A-Anong ibig sabihin nito, Merlinda? Bakit may mga kasama kang pulis?” tanong ni Criselle.
“Mrs. Criselle Soriano, dinarakip ka namin sa salang pagp*slang sa inyong mister na si Guztavo Soriano,” at binasahan na nga siya ng Miranda Rights ng pulis.
“Batay sa pagpapa-imbestiga ko sa isang private detective, ikaw ang nasa likod ng pagkawala ng preno ng kotse ng kuya! Kayo ng kabit mo! Hindi nga ako nagkamali na isa kang malaking peke!” sigaw ni Merlinda sabay sampal kay Criselle.
Dahil umamin na ang taong inutusan nila, naging matibay ang mga argumento laban kina Criselle at ang kaniyang kalaguyo, hanggang sa sila ay hatulan ng korte na ‘guilty’. Nakulong sila panghabambuhay.
Napunta naman kay Merlinda ang pamamalakad sa kompanyang naiwan ng kaniyang kuya. Patutunayan niya sa kaniyang kuya na kahit naging pasaway siya noon, nagbago na siya, kaya babawi siya sa pagpapalago ng kompanyang naiwan nito, sa misis na huwad lamang.