
Pamasahe Papuntang Langit
Matagal nang nakikita ng binata ang matandang pulubing iyon sa kanto. Ang kanto sa harap ng pampublikong paaralan ng Sta. Maria kung saan ito nagtapos ng high school. Sa bungad pa lang ay makikita na agad ang nakasahod nitong lata upang lagyan ng pera.
“Bulag ang pulubi,” sa isip-isip ng binata.
Bitbit ng pulubi ang luma nitong gitara habang umaawit ng lumang kanta.
Minsan nga ay naiisip ng binata na magpaturo. Matagal na nitong gustong matuto. Bakit kasi maraming bulag na magaling magpatugtog ng gitara? Samantalang siya na malinaw ang mata hindi matuto-tuto kahit na anong gawin.
Marami-rami rin ang naghuhulog ng barya sa lata. Lalo na kapag oras ng labasan ng mga estudyante. Siguro ay naawa.
Minsan ay naghuhulog rin naman ang binata kapag may kaunting sobra sa kakarampot niyang suweldo. Kahit maliit na halaga. Iniisip niya na lang na wala iyon sa halaga kung ‘di sa intensiyon ng puso. Kung may pera lamang ito at kakayahan, eh ‘di sana matagal na itong tumulong. Pero hindi man ito namamalimos ay gipit din ito sa buhay.
Ang kakaiba sa matandang ito ay tila may pinipili na hingian.
Tulad na lang ni Mang Roberto, isa sa mga residente sa kanilang lugar na kilalang may illegal na negosyo, ang pasugalan. Nang dumaan ito ay inalog ng matanda ang kaniyang lata para manghingi.
Mayabang ang halakhak ni Mang Roberto nung dumukot ito sa bulsa. Kumuha ito ng mga barya. “O sige, pagbigyan natin dahil sinuwerte ako sa sabong.”
Nakapagtataka iyon para sa binata dahil parang pinipili ng pulubi ang pagkakataon para alugin ang lata. Hindi pa nito iyon ginagawa para sa kaniya. Sabagay, alam siguro nito na wala rin naman itong maibibigay na kahit ano.
Ilang araw ang lumipas, pumanaw na si Mang Roberto. Malala na raw ang atay nito dahil sa kung anu-anong bisyo ayon sa mga balita ng kapitbahay. Wala namang maisip ang binata na ibang dahilan. Bukod sa pagsusugal ay madalas din itong maglasing at manigarilyo kaya’t ‘di na nakapagtataka.
Tuwing magagawi ang binata sa paaralan ay madalas nitong nakikita ang parehong eksena. Ang pag-alog ng lata para sa iba’t ibang klase ng tao. Ang iba ay nagbibigay, ang iba ay hindi. Mukhang wala din naman pakialam ang matanda.
Palibhasa ay bulag may mga pagkakataon na ninanakaw ng ilang batang kalye ang pera nito.
Kaya kapag natitiyempuhan ng binata ay pinapagalitan niya ang mga ito ng husto. Hindi magandang pagkaisahan ang isang matanda lalo na at may kapansanan ito.
Isang araw ay naabutan ng binata ang mga bata na nakakumpol sa puwesto ng matanda. Tumakbo siya para sawayin ang mga ito ngunit nagulat siya nang maabutan na masayang nakikipagkuwentuhan ang matandang pulubi sa mga bata. May ngiti sa mga labi nito na bihira lamang nitong makita.
“Anong ginagawa niyo? Kinukuhanan niyo na naman ba si manong?” tanong ng binata kahit na alam nito ang sagot. “Hindi po, ah! Binigay niya ‘to sa’min!” saad ng isang batang babae habang ipinapakita ang kinakain nitong cheesecake.
“Huwag kang mag-alala, hijo. Totoo ang sinasabi niya,” Mabait ang ngiti ng matandang pulubi.
Tumango na lang ang binata at aktong lalagpasan na sila nang tinawag ito ng mga bata. “Dito ka na muna, kuya!” matinis ang kanilang mga boses.
Tinignan ng binata isa-isa ang mga ito. Lahat sila ay marurungis na dahil sa kinakain.
Wala rin naman gagawin ang binata dahil tapos na ang trabaho kaya pinaunlakan na lamang niya ang mga ito. Tahimik siyang umupo sa tabi ng matandang pulubi. Nagpatuloy ito sa pagkukuwento ng kung anu-ano tungkol sa buhay niya.
Interesado ang binata at tahimik na nakikinig. Mayamaya pa ay isa-isa ng nagsialisan ang mga bata. Pinanood ng binata ang kahel na kalangitan at tinignan ang oras sa kaniyang selpon. Ayon dito ay 5:30 na ng hapon.
“Hindi ka pa uuwi?” tanong ng matandang pulubi.
Iiling sana ang binata ngunit naalala nito na bulag nga pala ang kaniyang kausap. “Mayamaya po siguro.”
Tumango naman ang matanda at kinapa ang paligid para sa gitara. Ilang minuto lamang ay kumakanta na naman ito.
May humintong jeep sa kanilang harapan at marami ang pasaherong bumaba. Dumami ang dumaan sa harap nila.
Mabilis na kinuha ng matandang pulubi ang lata at isinahod kagaya ng nakagawian nito. Inalog nitong muli ang lata nang may dumaang isang lalaki.
Tinignan muna ng lalaki ang matandang pulubi bago naghulog ng limang piso at umalis. May multo ng ngiti sa bawat taong naghuhulog ng pera.
“Manong, kung wala naman kayong pera bakit niyo pa binibigay sa mga bata ang nalimos nyo?” usisa ng binata. “Hindi naman kasi para sa akin ang mga nililimos ko, hijo. Kaya dapat nating ibahagi,”
Kumunot ang noo ng binata. “Eh, para kanino po?”
“Para din sa kanila. Ito ang pamasahe nila patungo sa itaas. Sa langit,” Malalim nitong tugon. Ayan na naman ang misteryosong ngiti.
“Pamasahe ng mga taong gumawa ng kasamaan dito sa lupa. Sa bawat limos na ibinibigay nila katumbas noon ay mabuting gawain. Sa bawat mabuting gawain nababawasan ang kanilang kasalanan. Sa bawat nababawas na kasalanan mas lumalaki ang pagkakataon nilang makapasok sa langit,” paliwanag ng matandang pulubi.
Namangha ang binata sa sinabi ng pulubi. Namamalimos ito hindi para sa kaniyang sarili, hindi rin para sa mga batang kalye na walang makain. Namamalimos ang pulubi para sa kapatawaran ng mga taong gumawa ng kasamaan sa lupa.
“Paano niyo po nalalaman kung sino ang mas nangangailangan ng pamasahe patungo langit,” muling tanong ng binata. “Hindi ko kailangan ng mata para maramdaman ng aking puso kung likas na masama o mabuti ang taong nagbibigay sa akin ng limos,” matalinghaga sagot ng matanda.
Ngayon ay naiintindihan na ng binata kung bakit inaalog ng pulubi ang lata sa iilang tao na mapapadaan sa harapan nito. Ang limos na ibinibigay nila ay ang pamasahe nila patungo langit.
Umalis ang binata na may ngiti sa kaniyang mga labi dala-dala ang aral na ibinahagi sa kaniya ng matandang pulubi. Aral na dinala niya hanggang sa kaniyang pagtanda, ang patuloy na gumawa ng mabuti sa mundong ibabaw imbes na kasamaan.

