Inday TrendingInday Trending

Matagal nang naninirahan sa lumang apartment ang pamilya ni Mang David. Kasama niya ang kanyang asawa, at tatlong mga anak na sina Eric, Faye at Gello. Maayos naman ang pagsasama nila hanggang sa may kumalat na ‘di umano’y maligno sa buong apartment.

“Papa, anong kaguluhan iyon?” tanong ni Eric sa ama.

“Oo nga mahal, bakit parang maingay masyado sa baba?” usisa rin ng ginang.

“Hindi ko alam kung maniniwala kayo, pero usap-usapan ng mga tao rito na may multo raw sa tuktok ng gusaling ito.”

“Multo? Sinong may sabi ba? Bakit daw?” tanong ulit ng binata.

“Kasi si Kumpareng Herman, nahulog kagabi. Ngayon, kritikal ang lagay sa ospital. E ang usap-usapan tinulak daw ng multo.”

“Nakakapangilabot naman, David! Dito pa naman tayo sa huling floor bago mag-tuktok!” nag-aalalang pahayag ng ginang.

Ang gusaling kanilang tinitirhan ay luma na, sila ay nasa ika-huling palapag. Kung kaya’t sila ang inakamalapit sila sa tuktok ng gusali.

“Ikaw talaga Imee kung ano-ano na naman ang iniisip mo. Basta ang mahalaga, huwag kayong lalabas dito sa bahay ng gabi. Lalong-lalo na pag maghahating gabi na. Eric, ang mga kapatid mo bantayan mo lagi,” bilin ni Mang David sa anak.

Tumango-tango lang si Eric. Nasa sekondarya na siya, samantalang sina Faye at Gello kapwa mga nasa elementarya palang. Kaya obligado siyang bantayan ang mga ito. Dahil bulag ang Mama Imee nila, si Eric ang madalas inaasahan sa mga gawain sa bahay.

Isang araw, nagpaalam si Mang David sa pamilya niya.

“Mamayang gabi, hindi muna ako dito matutulog.”

“Bakit mahal? Saan ka pupunta?”

“Sasama ako mag ronda sa mga tanod dito. Hanggang ngayon daw kasi nagpapakita pa ‘yong multo.”

Hindi na lang nagsalita ang ginang. Buong magdamag nag ronda ang grupo nina Mang David. Samantalang naiwan sa bahay ang mag-iina. Napansin ni Eric na hindi pa pumapasok sa kwarto nila ang ina, kaya lumabas siya upang tingnan ito.

Nakabantay lang ito sa bintana nila.

“Ma, bakit hindi pa kayo natutulog?” tanong ni Eric sa ina.

“Inaantay ko lang ang papa mo.”

“Ma, matulog na lang tayo. Baka mamaya pa uuwi si papa. Mapupuyat po kayo.”

“Sandali na lang anak. Sige na, mauna ka na.”

Kinabukasan, naulit muli ang paalam ni Mang David sa mag-iina niya.

“Magroronda na naman kami mamayang gabi. Hanggang ngayon hindi pa nahuhuli ang aswang. Kaya mas mainam na hindi kayo lumabas. Lalong lalo ka na Eric, bantayan mo ang mama mo at mga kapatid mo.”

“Opo, papa. Ako na po ang bahala.”

“Gagabihin ba ulit kayo?” tanong ng ginang sa asawa.

“Oo mahal, kaya mas mainam na kung matutulog kayo ng maaga. Huwag mo na akong hintayin.”

Naulit pa sa mga sumunod na araw ang gabi-gabing pagroronda ng grupo nina Mang David. Halos hindi na siya nakakasama matulog ng kanyang pamilya.

Isang gabi nagpaalam siya kay Imee pero walang ano-anong tumutol ito.

“Hindi ka muna sasama sa pagroronda ninyo,” matigas na sabi ng babae.

“Imee, ano bang problema mo?! Ginagawa ko ‘to para sa inyo!”

“Ngayon lang, David! Ngayon lang ako nakikiusap sa iyo. Huwag kang aalis ng bahay!”

“Hindi ko alam kung anong kaartehan ‘to, Imee! Nagroronda kami para tugisin ang aswang na tumulak kay Pareng Herman! Alam niyo namang hanggang ngayon kritikal ang lagay niya!”

“Walang aswang, David! Puro gawa-gawa niyo lang iyon! Kaya tumigil ka na sa mga kasinungalingan mo!”

Kahit galit na galit si Imee hindi nakinig sa kanya ang kanyang asawa. Tuluyang umalis lang ito at iniwan ang mag-iina. Buong magdamag hindi nakatulog si Eric dahil sa pag-aalala sa nanay niya.

Hindi ito natutulog at iyak nang iyak lang sa kwarto. Hindi na napigilan ni Eric kaya kinausap na nya ang mama niya.

“Ma, bakit ba kayo umiiyak? Huwag na kayong magalit kay papa, ginagawa naman nila iyon alang-alang sa atin.”

Hindi lang umiimik ang ginang. Tuloy-tuloy lang ang paghikbi nito.

Sa mga sumunod na araw, naging madalang na ang pag-uusap ng mag-asawa. Batid ni Eric na may problema na ang Mama at Papa niya. Pero paulit-ulit na idinadahilan pa rin ng Papa nila ang pagrorondang ginagawa nila.

Kaya hindi na nakatiis si Eric nagtanong na siya sa kapitbahay nila.

“Kuya Eddie, lagi po ba kayong nag roronda tuwing gabi para hanapin yung aswang?”

“Ah hindi, noong unang gabi lang kami nagronda. Wala din naman kaming nakita kaya tumigil na kami.”

Natigilan si Eric sa narinig niya. Ibig sabihin may ibang pinupuntahan ang Papa niya.

“Eric? Okay ka lang ba, hijo? Natahimik ka. Nako huwag ka nang matakot sa mga aswang na yan, hindi totoo ‘yan.”

“Salamat po, Kuya Eddie. Sige po aalis na ako.”

Kinagabihan, maagang nakatulog ang Mama Imee nila. Pinilit ni Eric na hindi matulog para masundan niya ang Papa niya sa hating gabi.

Maingat siyang bumangon at dahan-dahang sinundan ang Papa niya. Tuloy-tuloy lang ito hanggang tuktok ng gusali. Sobrang lakas ng kaba ni Eric. Napakatahimik ng paligid. Kahit kaunting kaluskos maririnig.

Tuloy-tuloy lang siya hanggang sa tuktok ng gusali. Hindi niya maintindihan kung bakit doon papunta ang Papa niya. Ibig sabihin ba noon, aswang sila? Aswang ang Papa David niya?

Hindi na sana magpapatuloy si David dahil sa takot na mabuking ng Tatay niya, kaya lang bigla siyang may narinig na boses.

“David, ba’t ang aga mo naman ngayon?”

“Wala maaga kasing nakatulog ang asawa ko. Ayaw mo noon makakadami tayo?” nakangisi pang sambit ni David.

Hindi makapaniwala si Eric sa kanyang nakikita, ang Papa niya may kalaguyong iba! Mas bata sa nanay nila.

Agad-agad tumakbo siya papuntang bahay nila. Iyak-iyak siya at hindi siya makapaniwala sa ginagawa ng papa nila. Laking gulat niya ng madatnang nasa labas ng bahay nila ang mama niya. Kagaya niya umiiyak din ito.

“Anak, ngayon ay alam mo na. Natuklasan mo na ang sikreto ng Papa mo. Walang aswang, walang kababalaghan. Pero matagal na tayong niloloko ng Papa mo. Matagal na silang may relasyon ng asawa ni Herman. Umaalis siya ng hating-gabi upang maisakatuparan ang kahayupan nilang dalawa!”

Hindi makapaniwala si Eric sa katotohanang isiniwalat ng Mama niya. Noong gabing yun, nagdesisyon na silang iwan ang Papa niya.

“Anak, alam kong magiging mahirap pero kakayanin nating lahat.”

“Ma, huwag kang mag-alala dahil kasama mo kami. Magtutulungan tayo.”

Hating-gabi ay nilisan nila ang lugar nila. Iniwan nila ang manlolokong papa nila, kasabay ng pag-iwan sa mga kababalaghan at kababuyan ng kanilang padre de pamilya.

Advertisement