Inday TrendingInday Trending
Pira-pirasong Kwintas

Pira-pirasong Kwintas

Magkababata at matalik na magkaibigan sina Olivia at Pinky. Simula elementarya hanggang sekondarya ay palaging magkasama ang dalawa.

Si Olivia ang mas may kaya sa buhay dahil parehong nagtatrabaho sa ibang bansa ang kanyang mga magulang. Subalit mas may talento at likas na ganda naman itong si Pinky.

“Olivia, magkamukha na kayo ni Pinky ah!”

“Oo nga mukha na kayong kambal dahil lagi kayong magkasama!”

Natatawa nalang ang dalawa pag binabati sila lagi ng mga tao. Lagi kasi silang magkasama mula umaga hanggang uwian.

“Pinky, malapit na ang graduation natin. Saan mo balak mag-kolehiyo?” tanong ni Olivia sa kaibigan.

“Hindi ko pa nga alam kung masusuportahan pa ako nina Tita sa pag-aaral ng kolehiyo. Pinag-aaral pa rin kasi nila si Ate Ressy,” sagot ni Pinky na tinutukoy ang pinsan niya.

“Kung gusto mo sumama ka na lang sa akin sa Maynila. Doon ako pag-aaralin nina mama. Wala kasi akong kasama sa bahay na uupahan doon.”

“Gusto ko sana kaya lang ano naman ang gagawin ko doon? Paano ko masusuportahan ang pag-aaral ko?”

“Kung gusto mo, magtrabaho ka na lang sa akin. Kasi nga gusto kasing kumuha nina mama ng yaya na makakasama ko. Imbes na iba mas maganda kung ikaw na lang, tsaka isa pa hindi naman kita uutusan,” nakangiti pang sagot ni Olivia.

Nabigla si Pinky sa alok ng kaibigan pero naisip niya rin makakatulong ito sa kanya upang tuparin ang mga pangarap niya. Kaya hindi na siya nagdalawang isip na sumama rito sa Maynila.

Kagaya ng napag-usapan si Pinky ang iprinesentang yaya o personal assistant ni Olivia sa kanyang mga magulang. Naging maayos naman ang samahan ng dalawa sa Maynila. Pareho silang nag-aral sa iisang pribadong eskwelahan.

Magkasama silang nakipagsabayan sa mga estudyante sa Maynila. Pero dahil sa talentong taglay ni Pinky ay mas naging angat siya kay Olivia. Siya kadalasan ang napipiling sa mga audition na sinasalihan nilang dalawa.

Unti-unting mas naging kilala si Pinky kumpara kay Olivia.

“Pinky, ang galing mo naman sumayaw!”

“Oo nga tapos ang galing mo pang kumanta!”

“Bagay sa’yong maging artista! Mabuti nalang at ikaw ang napiling bida!”

Natatawa na lang si Pinky sa mga sinasabi ng mga kaeskwela nila. Kapwa sila ni Olivia nangangarap na maging isang sikat na artista kaya may kinalaman sa larangang iyon ang kanilang kursong kinukuha.

Isang araw may dumating na padala galing sa mga magulang ni Olivia.

“Wow! Olivia! Ang dami naman niyan!” masayang saad ni Pinky.

“Ano pa bang aasahan ko? Maraming pera sina mama e! Ang sarap lang sa pakiramdam na hindi kami umaasa sa iba,” sarkastikong sagot ni Olivia.

Hindi na lang nagsalita si Pinky. Hindi niya lubusang maintindihan ang nais ipabatid ng kaibigan. Sa mga sumunod na araw, naging madalang na ang pag-uusap ng dalawa. Napapansin ni Pinky na umiiwas si Olivia sa kanya.

Dahil sa mga ginagawa sa paaralan, hindi nabigyan ng pagkakataon si Pinky na kausapin ang kaibigan. Hanggang sa isang araw, galit na galit na sumalubong sa kanya si Olivia.

“Pinky! Bakit mo kinuha ang kwintas ko?!” galit na galit na bintang nito.

“Olivia, sandali lang. Hindi ko maintindihan. Wala akong kinukuhang kwintas!”

“Sinungaling ka talaga! Nawawala ang kwintas na pinadala ni mama! At alam natin pareho na ikaw lang ang kasama ko sa bahay!”

“Pero Olivia, hindi ako ang kumuha! Wala akong kinukuhang kahit na ano!”

“Hindi ako makapaniwalang ganyan ka pala, Pinky! Bakit nagawa mong nakawin ang lahat ng para sa akin?!”

“Olivia ano bang pinaggagalingan ng galit mo?! Hindi kita maintindihan!”

“Umalis ka na rito sa pamamahay ko. Umalis ka na sa buhay ko!” galit na galit na sigaw ni Olivia sa kaibigan.

“Aalis ako, Olivia. Pero huwag mong kalilimutan na ikaw ang pumutol sa anumang ugnayan natin.”

Umalis si Pinky sa poder ng kaibigan. Tumigil na rin siya sa pag-aaral ng kolehiyo at ginugol nalang ang oras sa pagtatrabaho. Dahil likas na may talento, nabigyan siya ng pagkakataon na gawin ang mga bagay na gusto niya. Naging mabilis ang pagdating ng swerte sa buhay ng dalaga.

Sumikat siya ng tuluyan sa teatro at nakuha pang modelo at artista.

Wala na si Olivia sa buhay niya, pero unti-unti na niyang natutupad lahat.

Samantalang kabaliktaran naman lahat ang nangyari kay Olivia. Isang trahedya ang bumago sa ugali at pagkatao niya.

“Tita? Anong ginagawa niyo rito?” nagtatakang tanong ni Olivia.

“Olivia, may masama kaming balita sa’yo,” umiiyak pa sa harap niya ang tita niya.

“Tita, b- bakit? Anong ibig niyong sabihin?”

“Ang mga magulang mo…. wala na sila. Nadamay sila sa mass shooting sa ibang bansa.”

Halos maglupasay na si Olivia sa narinig. Wala siyang ibang inaasahan kundi ang mga magulang niya.

Paano na siya ngayon?

Mas lumala pa ang kalbaryo ni Olivia. Napilitan siyang ibenta lahat ng meron siya upang maiuwi ang labi ng mga magulang niya. Walang-wala na siya. Wala siyang ibang malapitan kaya hinanap niya ang dating kaibigan.

“Pinky, pa- patawarin mo ako. Alam kong pinagbintangan kita dati. Alam kong hindi tama ang ginawa ko. Sana mapatawad mo ako. Wala na akong ibang malalapitan kundi ikaw lang,” pagmamakaawa nito sa dating kaibigan.

“Olivia, hindi mo ako napagbintangan. Dahil alam mo mismo sa sarili mo kung nasaan ang kwintas ng mama mo.”

“Oo aminado akong kasalanan ko. Gumawa ako ng kwento para paalisin ka sa bahay, at sa buhay ko. Pero nagsisisi na ako, Pinky. Wala na sina mama at papa, wala na akong mapupuntahan pang iba,” umiiyak na nitong pagsusumamo.

“Pasensya ka na Olivia, pero hindi ko na kayang makisama pa sa’yo. Sinira mo ang mataas na respeto at tiwala ko sa’yo.”

“Pero Pinky! Tinulungan din kita noong walang-wala ka!” sumbat nito sa kaibigan.

“Lahat ng ibinigay mo sa akin, pinagtrabahuan ko sa’yo! Pero gayunpaman, reregaluhan kita.”

May inabot si Pinky kay Olivia.

Isang buong kwintas.

“Teka! Kwentas ko yan ah!” sigaw ni Olivia sa kaibigan.

“Oo ‘yan nga ang kwentas na sinira mo, tinapon mo sa basurahan upang akusahan akong magnanakaw. Kinuha ko, ipinaayos at binuo.”

Hindi makapagsalita si Olivia sa pagtatapat ng kaibigan.

“Olivia, tandaan mo. Hindi mo kailangang sirain ang bagay na mayroon ka, dahil lang naiinggit sa kung anong mayroon ang iba. Matuto kang tumanggap kung ano’ng sa’yo, mahalin mo ang ‘yong sarili dahil sa huli, siya lang ang makakasama mo.”

Hindi makapagsalita si Olivia sa sinabi ng kaibigan. Dahil sa sobrang inggit kay Pinky nagawa niyang sirain ang maganda nilang samahan.

Nagsisisi na siya pero huli na ang lahat. Kung sana ay hindi siya nagpalamon sa matinding inggit noong sila ay matalik pang magkaibigan.

Advertisement