Palaging Kinukutya ang Mag-Asawa Dahil sa Dami ng Kanilang Anak; Makalipas ang Panahon ay Ito Pala ang Magpapabago ng Kanilang Buhay
“Letty, baka pwedeng makautang naman sa iyo kahit isang daan lang. Bibilhan ko lang ng gamot itong dalawa kong anak. Parehas kasi sila na may lagnat, e” pakiusap ng ginang na si Aling Lourdes sa kaniyang kapitbahay.
“Kakautang niyo lang sa akin noong isang linggo, uutang na naman kayo! Kailangan ko rin ng pera, Lourdes. Kung makapangutang kayo sa akin ay akala mo’y may patago kayo!” naiinis na wika ng ginang.
“Pakiusap lang. Wala talaga na akong malapitan kasi. Ibibigay ko rin kapag nakaani na ng kamoteng kahoy ang mister ko. Pangako ko sa’yo, Letty. Pakiusap,” pagsusumamo pa ni Lourdes.
“O heto na! Nakakainis naman! Nag-anak ka nang nag-anak tapos ay hindi mo naman pala kaya. Dapat kasi kung ganiyan lang ang katayuan niyo sa buhay ay matuto kayong magkontrol mag-asawa! Pati ibang tao ay iniistorbo niyo sa problema niyo sa anak!” napipikong sambit muli ni Letty.
Walo ang anak ng mag-asawang Lourdes at Jun. Halos sunud-sunod pa ang mga ito kaya napilitan na lamang ang ginang na tumigil sa pagtatrabaho sa bukid at si Jun na lamang ang naghahanapbuhay para sa pamilya.
Madalas ay kinukulang sila sa panggastos kaya naman sa mga panahon na nagkakasakit ang mga bata ay wala talaga silang mahugot. Kaya napipilitan ang mag-asawa na mangutang muna.
At sa tuwing lumalapit sila sa mga kapitbahay ay walang bukang bibig ang mga ito kung hindi isumbat ang pagkakaroon nila ng maraming anak. Ito din ang dahilan kung baki tampualan ng tukso ang mga ito sa kanilang lugar.
Upang mabayaran ang ilang pagkakautang ay napilitan si Lourdes na maglako ng biko na siya mismo ang nagluluto.
Bitbit ang tatlong anak na maliliit at kayag-kayag ang lima pa ay sama-sama silang naglako ng panindang biko.
Nang makita siya ng ilang kapitbahay ay hindi maiwasan ng mga ito na pagtawanan ang kalagayan ng ginang.
“Ang sipag kasi. Ang sipag na gumawa ng anak kaya ayan tuloy! Parang inahin na sinusundan ng mga inakay!” natatawang pagpaparinig ni Aling Letty.
“Ang hirap-hirap na nga na buhayin ang dalawang anak, walo pa talaga ang gusto!” saad naman ng kumare ni Aling Letty.
“Sinabi mo pa. Wala, e, inuna nila ang tawag ng katawan kaysa isipin ang kinabukasan ng mga anak nila. Tingnan mo at karag-karag pa sa pagtitinda. Kawawang mga bata,” saad muli ni Letty.
Napapayuko na lamang si Lourdes sa mga sinasabi ng ilang kapitbahay.
Ngunit kahit na madalas na hiyain ng mga ito si Lourdes at maging ang kaniyang asawa ay hindi tumigil ang dalawa upang bigyan ng magandang kinabukasan ang walong anak.
Makalipas ang ilang taon ay nagsisipag-aral na ang mga bata. Kung anu-ano na rin ang napasok na trabaho ni Aling Lourdes at ni Mang Jun. At sa murang edad ng mga bata ay kailangan na rin nilang tumulong sa kanilang mga magulang sa bahay man o sa bukid.
Isang araw ay nagtanong ang panganay nilang anak na si Tonyo. Palagi kasi itong tinutukso kahit sa paaralan.
“‘Nay, sa tingin niyo po ba ay makakatapos kami ng pag-aaral? Tinutukso po kasi ako sa paaralan. Ang sabi po nila ay baka hindi na ako makatapos ng hayskul o elementarya man lang dahil sa sobrang hirap natin. Dahil daw po ang dami naming magkakapatid,” tanong ni Tonyo sa ina.
“Tandaan mo na kahit ano ang mangyari ay ilalaban namin ng tatay ninyo ang inyong pag-aaral. Walang hihinto sa inyo mga, anak. Kahit na buhay namin ang maging kapalit basta maibigay lang namin sa inyo ang magandang bukas na pinapangarap ninyo.
Pagpasensiyahan ninyo na rin kami, anak, kung ganitong buhay lang ang kaya naming ibigay ngayon. Kung nahihirapan din kayo dahil kailangan ninyo kaming tulungan. Kaunting tiyaga lang, mga anak, pasasaan din at uunlad ang buhay natin,” pahayag ni Lourdes sa anak ng may buong pag-asa.
Hindi binitiwan ni Lourdes at Jun ang kanilang pangako sa kanilang mga anak. Lahat ng mga ito ay nag-aral ay walang huminto sa kanila. Mabuti na lamang din at masisipag ang mga ito at hindi nagrereklamo sa mga kaya at hindi kayang ibigay ng kanilang mga magulang. Nauunawaan nila ang buhay na mayroon sila.
Hanggang sa nakapagtapos si Tonyo at nakapagtrabaho. Tinulungan niya ang mga magulang sa kanilang gastusin at sa pagpapaaral din ng kaniyang mga kapatid.
At makalipas ang ilan pang mga taon ay isa-isa nang nakapagtapos ang pito pang anak nina Lourdes at Jun.
At hindi lamang sila basta nagtapos. Dalawa sa kanila ay inhinyero, dalawang arkitekto, tatlong guro, dalawa ay accountant at isang flight attendant.
Simula noon ay nagbago na ng tuluyan ang kanilang buhay. Ang mag-asawa na dati ay nagkakandakuba sa pagbabanat ng buto sa bukid at paglalako ng pagkain ay masagana na ang buhay ngayon.
Lahat ay nakatunganga lalo na si Aling Letty habang pinagpapatayuan ng magandang bahay ng mga anak ang kanilang mga magulang. At sa anibersaryo ng mga ito ay bagong kotse naman ang iniregalo ng walong anak.
“Hindi namin hangad na ibalik niyo sa amin ang lahat ng ito. Sapat na sa amin na umunlad ang buhay niyo. Malakas pa naman kami ng tatay ninyo at kaya pang magtrabaho,” saad ni Aling Lourdes sa mga anak.
“Kulang na kulang pa po ang lahat ng iyan sa pagsusumikap ninyong dalawa para po itaguyod kaming walong magkakapatid. At kahit na mahirap, hindi man lamang kayo nag-isip na ipaampon kami o ibigay ang responsibilidad sa iba. Hindi po lahat ng magulang ay katulad ninyo. Kaya napakaswerte po naming magkapatid at sa inyo kami napunta,” pahayag ni Tonyo.
Buhat noon ay hindi na nagtrabaho pa sina Aling Lourdes at Mang Jun. Sinuportahan na lamang sila ng kanilang walong anak na pawang mga propesyunal lahat at magaganda ang buhay.
Hindi makapaniwala ang marami sa kinahantungan ng buhay ng pamilyang ito. Naging inspirasyon ang kwento ng mag-asawa at ng kanilang walong anak sa maraming tao sa kanilang lugar.