Inday TrendingInday Trending
Ginawang Katatawanan ang Isang Binata sa Isang Pagdiriwang; Hindi Nila Akalain na Ito pa ang Magiging Dahilan ng Pagyaman Nito

Ginawang Katatawanan ang Isang Binata sa Isang Pagdiriwang; Hindi Nila Akalain na Ito pa ang Magiging Dahilan ng Pagyaman Nito

“Samuel, kaarawan ko sa susunod na linggo. Sana ay makadalo ka,” saad ng dalagitang si Noreen sa kaniyang kamag-aral.

“S-sigurado ka ba, Noreen, na ako ang iniimbitahan mo?” sambit naman ni Samuel sa dalaga.

“Sino pa ba? Ikaw lang naman ang Samuel na kilala ko at nakausap ko ngayon,” tugon ni Noreen.

“S-susubukan kong makapunta sa kaarawan mo ngunit hindi ako nangangako. H-hindi pa kasi ako nakakapunta sa party kahit kailan,” nauutal nitong sagot.

“Basta, Samuel, pumunta ka sa kaarawan ko, a. Gusto ko naroon ka. Hihintayin kita. Kapag hindi ka dumating ay magtatampo ako,” saad pa ni Noreen.

Hindi lingid sa kaalaman ng dalaga ang malaking pagkagusto sa kaniya ni Samuel. Ngunit hindi ito maamin ng binata dahil sa mahirap lamang ito at may kaya naman ang pamilya ni Noreen. Ni hindi niya nga magawang lapitan ang dalaga dahil sa malaki ang pagkakaiba nila.

Sikat sa paaralan si Noreen dahil sa angking ganda nito. Maraming lalaki din ang nagkakagusto sa kaniya. Ngunit hindi maganda ang ugali niya. Sa totoo lang kaya niya inimbitahan sa kaniyang kaarawan si Samuel upang magkaroon sila ng pagtatawanan sa kaniyang party.

“Gusto mo ba talagang pumunta sa kaarawan mo ‘yang si Samuel? Tingnan mo nga ang itsura niya. Nakakadiri. Bukod sa luma na ang mga damit ay hindi pa marunong pumorma. Hindi siya bagay sa party mo!” saad ni Liz, kaibigan ni Noreen.

“Gag@! Siyempre ay pagti-tripan lang natin iyang si Samuel. Wala lang, gusto ko lang maniwala siyang gusto ko talaga siyang pumunta sa party ko. Tingnan natin kung ano ang isusuot niya,” natatawang saad ng dalaga.

Samantala, aligaga naman si Samuel sa paghahanap ng kaniyang susuot at ireregalo kay Noreen. Alam niyang hindi sapat ang kaniyang ipon upang bigyan ng maayos na regalo ang dalaga. Kaya naisipan na lamang niyang makipitas ng bulaklak sa hardin ng matandang kapitbahay.

Suot ang kaniyang pinakamaayos ngunit kupas na polo, nag-iisang pares ng pantalon at sapatos habang tangan ang mga rosas ay kinakabahang nagtungo si Samuel sa party na iyon ni Noreen.

Lahat ng imbitado ay nakatuon ang mga mata kay Samuel dahil sa gayak nito.

Dahil sa kahihiyan ay aalis na sana ang binata ngunit nang makita siya ni Noreen ay agad siyang pinigilan nito.

Pilit niyang itinatago ang kaniyang kilig.

“Kumain ka na muna, Samuel. Maraming pakain sa party na ito, kain ka lang,” sambit ni Noreen.

Tuwang-tuwa si Samuel sa pag-aasikasong ginagawa sa kaniya ni Noreen. Habang abalang kumakain ang binata ay doon na isinagawa ni Noreen ang kaniyang plano.

Nilagyan niya ng lumpiang shanghai ang bulsa ng pantalon ni Samuel.

Natatawa ang lahat ng nakakapansin ng pagkain sa bulsa ng binata. Wala siyang kaalam-alam sa nangyayaring ito. Hanggang sa isang kaklase rin ang mismong lumapit sa kaniya at pinahiya siya.

“Ganiyan bang kasarap ang lumpiang shanghai na iyan o talagang wala ka lang makain sa inyo kaya mag-uuwi ka pa?” sambit ni Greg, kaklase ng binata.

“Hanggang dito ba naman sa party ay dinadala mo ang pagiging hampas-lupa mo? Lumugar ka naman, Samuel!” dagdag pa ng binata.

“H-hindi ko alam kung paanong napunta ang lumpiang shanghai na iyan sa bulsa ko. B-baka may naglagay,” nahihiyang sambit ni Samuel.

“O baka tumalon ‘yung lumpiang shanghai papuntang bulsa mo. Nagmamaang-maangan ka pa, huling-huli ka na. Kung gusto mo talaga iyan ay pwede ka namang magpabalot. Hayaan mo sasabihin ko mamaya sa kanila para makapag-uwi ka pa!” pangungutya muli ni Greg.

Labis ang hiyang nararamdaman noon ni Samuel dahil sa hagalpakan na nangyayari. Nagsisisi siya kung bakit pumunta pa sa siya sa party na iyon.

Naging tampulan ng tukso itong si Samuel hanggang sa kanilang paaralan. Mabilis kasing kumalat ang nangyari sa kaniya. Kaakibat na ng kaniyang pangalan ang pagkaing nasa kaniyang bulsa noong araw ng party.

“Samuel, kumusta ang lumpiang shanghai? Naubos mo na ba?” natatawang tanong ng isang kaklase.

“Marami pang natirang lumpiang shanghai nung kaarawan ko, Samuel, hayaan mo ipagdadala kita bukas,” kantiyaw naman ni Noreen.

Kaliwa’t kanan na ang panunuksong nangyayari kay Samuel. Mali ang akala niyang magsasawa na lang ang kaniyang mga kaklase at malilimutan din ang mga nangyari.

Lalo pang kumalat ang nangyaring ito at lahat na ngayon ay idinidikit ang pangalan ni Samuel sa shanghai.

Nang makatapos na sila ng hayskul ay wala na silang narinig pa mula kay Samuel.

Makalipas ang isang dekada, habang naggogrocery si Noreen ay bigla na lamang siyang napangisi sa kaniyang nakita.

Ipinakita niya kay Greg, ang kaniyang napangasawa, ang isang balot ng frozen product.

“Babe, tingnan mo itong lumpiang shanghai. Samuel’s ang pangalan ng brand nito. Hindi ko tuloy maiwasang maisip si Samuel, ‘yung dati nating kaklase na sinisksikan ko ng shanghai sa bulsa niya,” natatawang sambit ng dalaga.

“Nasaan na kaya ‘yung si Samuel, ano? Siguro ay sa tabi pa rin ng riles iyon nakatira at hindi na nakapagtapos pa ng pag-aaral. Sobra ang hirap ng pamilya nun, ‘di ba?” saad naman ng mister.

Hanggang sa may dalawang misis ang narinig nilang nag-uusap.

“Iyong Samuel’s Lumpiang Shanghai ang bilhin natin, mare. Ubod nang sarap ang lumpiang shanghai niyan. Hindi tinipid sa rekado. Saka iba-iba pa ang flavor! Ang galing ng ideya niyan!” saad ng isang ale.

“Hindi nakakapagtaka na milyonaryo na siya. Napanood ko kasi sa telebisyon ng isang araw kung ilan planta na raw ang mayroon ‘yung may-ari ng kumpanyang gumagawa niyang mga lumpiang shanghai na iyan. Grabe, ubod nang yaman, ano!” sagot naman ng kumare nito.

“Kaya nga! Akalain mo dahil lang sa naging tampulan siya ng tukso noong hayskul siya dahil may naglagay raw ng lumpiang shanghai sa bulsa niya at ikinabit na sa pangalan niya ang shanghai. Kaya ayun, imbis nainis ay naisipan niya itong gawing negosyo. Ngayon ay sobrang yaman na niya! Ang galing talaga!” muling sambit ng ale.

Nanlaki ang mga mata nina Noreen at Greg at lumakas ang kabog ng kanilang mga dibdib.

“Hindi kaya ang Samuel na kaklase natin at ang Samuel na may-ari ng produkto ay iisa?” tanong ni Noreen.

Pag-uwi ng bahay ay agad nilang hinanap sa internet ang tunay na may-ari ng kumpanyang gumagawa ng mga lumpiang shanghai.

Laking gulat nila nang makita na walang iba kung hindi ang dati nilang kaklase na kinakawawa at pinagtatawanan lamang na si Samuel ay milyonaryo na ngayon at may-ari na ng maraming negosyo at ari-arian.

Hiyang-hiya sa kanilang mga sarili sina Noreen at Greg sa ginawa nila sa dating kaibigan. Ni sa hinagap ay hindi nila aakalain na gagamitin ng binata ang dahilan ng pagiging tampulan niya ng tukso upang maging isang negosyong magdadala sa kaniya ng yaman.

Advertisement