Isang Mabigat na Parusa ang Ipinataw ng Misis sa Kaniyang Mister na Manloloko; Labis Itong Pinagsisihan ng Lalaki

Pauwi na si Jenna nang makita niya ang kotse ng kaniyang mister na nakaparada sa labas ng isang building malapit sa pinagtatrabahuan nito. Bahagya pa siyang nagtaka dahil ang naturang building kung saan nakaparada ang kotse nito’y isang motel.

“Anong ginagawa ni Alex rito?”

Nagpatuloy siya sa paglalakad upang tingnan ang harapan ng sasakyan. Agad ring nawindang sa nakita. Si Alex, ang kaniyang asawa, may kahalikang ibang babae.

Gusto niyang magwala at mag-iskandalo ngunit hindi niya ginawa. Sa halip ay kinuha niya ang kaniyang selpon at kinuhanan ang dalawa ng litrato. Sabik na sabik ang dalawang love birds, dahilan upang hindi nito mapansin ang kaniyang presensya.

Umalis siya sa lugar na may iniindang sakit sa puso. Pakiramdam niya’y nararanasan niya ang buong ibig sabihin ng kanta ni Michael V.; Sinaktan mo ang puso ko, sinaks@k mo ng kutsilyo! Binuhusan mo ng asido, pinukpok ng martilyo! Damang-dama ni Jenna ang mga katagang iyon ngayon.

Makalipas ang isang Linggo ay laking gulat ni Alex sa balitang kaniyang nalaman.

“Totoo bang gusto mong ipa-annul ang kasal natin, Jenna? Bakit? Ano na naman ba ito?” Galit at naguguluhang wika ni Alex sa asawa.

“Buo na ang desisyon ko, Alex. Hindi na ako masaya sa pagsasama natin. Na-ipasa na ni Atty. Sam ang mga papeles ng pagpapa-walang bisa sa kasal natin. Ang kailangan mo na lang gawin ay pirmahan ito. Tapos ang lahat,” blankong ekspresyon na wika ni Jenna sa asawa sabay higop ng kape.

Advertisement

“Nga pala, kapag naipa-walang bisa na ang kasal natin ay wala kang mahihita sa’kin na kahit singkong duling, Alex. Isa iyon sa mga kundisyon na sinabi ko,” nakangiting wika ni Jenna.

Lalong kumunot ang noo ni Alex sa sinabi ni Jenna. “Anong trip ‘to, Jenna?”

“Trip? Mukha bang trip-trip lang itong ginagawa ko?” sarkastikong wika ni Jenna. “Pumasok ka sa buhay ko nang walang-wala, Alex. Kaya aalis ka sa buhay kong wala kang dadalhin na kahit ano. Hindi ba’t iyon naman ang tama?”

Mula noong nahuli niya ang panlolokong ginawa ng asawa’y hindi niya ito minsan man kinumpronta at inaway. Hinayaan lamang niya ang pagsisinungaling at pang-g@g*go nito. Kaya labis na nagtataka si Alex sa mga nangyayari ngayon.

“Ano ba ang dahilan, Jenna?”

Tabinging ngumiti si Jenna, sabay kuha ng selpon kung saan naroon ang lahat ng litratong nakuha niya habang pinagtataksilan siya nito.

“Ito ang mga dahilan ko kaya nakapag-desisyon akong makipaghiwalay sa’yo, Alex,” kalmado pa ring wika ni Jenna.

Agad namang namutla ang mukha ni Alex sa nakita. Para itong natuklaw ng ahas.

Advertisement

“Matibay ang mga iyan upang gawing dahilan sa pagpapa-walang bisa ko sa kasal natin, Alex. At kahit isa man sa mga anak natin ay wala kang pwedeng kunin. Kahit sa pera at yaman na mayroon ka ngayon ay hindi mo rin maaaring dalhin,” wala pa ring emosyong wika ni Jenna.

Naubos na ang kaniyang luha. Namanhid na rin siya sa sakit dahil sa ginawa nito sa kaniya.

“Mamimili ka lang naman, Alex. Pipirmahan mo ang annulment papers o kakasuhan at ipapakulong ko kayo ng kabit mo?” Nanghahamon na wika ni Jenna.

“Minahal kita, Alex, nang higit pa sa buhay ko. Ayokong isumbat ito, pero ako ang nagbihis sa’yo upang magmukha kang tao. Hindi ko kailanman tiningnan ang estado mo sa buhay. Dahil sa pagmamahal ko, binigay ko sa’yo ang lahat, pati ang sarili ko.

Iisa lang ang kapalit nang lahat ng iyon. Tanging pagmamahal mo lang. Pero anong ginawa mo? Gin@go mo ako at pinagtaksilan. Hindi ko alam kung saan ako nagkulang! Bilang parusa sa kataksilan mo, makikipaghiwalay ako sa’yo at sisiguraduhin kong babalik ka sa dati mong buhay!” matigas na wika ni Jenna, saka umalis sa harapan ng asawa.

Walang nagawa si Alex kung ‘di pagsisihan ang ginawang kasalanan. Ilang beses man siyang nanghingi ng tawad kay Jenna ay buo na ang desisyon nitong makipag-hiwalay sa kaniya.

Kaysa ipakulong at kasuhan ni Jenna ay pinili ni Alex ang nais nito. Pinirmahan niya ang annulment papers at tuluyan na ngang nakipaghiwalay sa asawa.

Ang dating karangyaan at kasaganahan sa buhay ay nawala sa kaniyang lahat. Gaya ng sinabi ni Jenna ay hindi nito hinayaang makakuha siya ng kahit singkong duling man lang sa yaman nito. Umalis siyang tanging mga damit lamang ang dala.

Advertisement

Pinagbawalan din siya ni Jenna na makasama ang mga anak nila. Lahat ng mayroon siya ay nawalang lahat dahil sa pagkakamaling kaniyang ginawa. Nasa huli nga talaga palagi ang pagsisisi. Aminin man niya o hindi ay labis-labis siyang nagsisisi sa ginawa niya.

Maliban sa yaman ay mas pinagsisihan niya ang pagkawala ng kaniyang sariling pamilya. Kung sana’y natuto siyang makuntento sa kaniyang misis, hindi sana nangyari ang lahat ng iyon sa kaniya.