Inday TrendingInday Trending
Hindi Raw Matutupad ng Bata ang Pangarap Dahil Magbobote Lamang ang Tatay Nito; Bandang Huli ay Tunganga ang Lahat sa Naabot Nito

Hindi Raw Matutupad ng Bata ang Pangarap Dahil Magbobote Lamang ang Tatay Nito; Bandang Huli ay Tunganga ang Lahat sa Naabot Nito

“Papasok ka na ba sa eskwela, anak? Halika na at sumabay ka na sa akin para hindi ka na maglakad pa,” saad ni Mang Narciso sa kaniyang anak na si Boyet habang lulan ng kaniyang bisikleta.

“Mukhang maaga po kayo ngayong mangangalakal, ‘tay. Wala po bang trabaho ngayon sa bahay nila Ka Edong?” tanong naman ng anak.

“Mamayang hapon pa raw kami magpipintura, anak. Kaya ngayong umaga na ako mangangalakal. Sayang din kasi ang kikitain ko. Pandagdag na rin sa gastusin natin sa bahay,” tugon naman ng ama.

Masayang sumakay si Boyet sa sidecar ng ama na ginagamit sa pangongolekta ng bakal, bote at karton. Walang tigil ang pagkukwentuhan ng dalawa habang tinatahak ang daan papunta sa paaralan na pinapasukan ni Boyet.

Simple lamang ang pamumuhay ng mag-anak ni Mang Narciso. Nagtatrabaho siya bilang karpintero, taga-pinta o tubero. Kung anong trabaho ang mayroon ay iyon ang kaniyang pinapasok. Sa tuwing may bakanteng oras siya ay nangangalakal naman siya upang may pandagdag sa pantustos ng kanilang pangangailangan.

Samantala, ang asawa naman niya ay isang manikurista. At siya rin ang nag-aalaga sa dalawa nilang anak. Salat man sa buhay ay nagsisikap ang mag-asawa upang mabigyan nila ng magandang buhay ang kanilang mga anak.

Habang papasok sana si Boyet sa eskwela ay naisipan na rin ni Mang Narciso na daanan ang isang bahay na palaging nagbibigay sa kaniya ng mga kalakal.

Huminto sila sa tapat ng isang bahay at kumatok ang ginoo sa gate nito. Akma naman na papalabas na ang may-ari ng bahay.

Maya-maya ay nakita ni Boyet na doon pala nakatira ang kaniyang kaklaseng si Luis. Nginitian niya ito ngunit tila wala itong nakita.

Iniabot ng isang lalaki ang mga naipong garapon at mga bote pati na rin mga karton kay Mang Narciso at saka sumakay ng motor kasama ang bata.

“Mabait ang ginoo na iyon. Palagi niya ang binibigyan ng mga kalakal,” sambit ni Mang Narciso.

“Kaklase ko po ang batang kasama niya, tatay. Hindi ko nga alam kung bakit hindi niya ako pinansin. O baka siguro ay hindi lang niya ako nakita,” wika pa ng bata.

Pagpasok sa eskwelahan ay nagulat na lamang si Boyet ng ang lahat ng kaniyang mga kaklase ay tila nakatingin sa kaniya at nagtatawanan.

“Kaya pala minsan ang dungis mo, Boyet, kasi nangangalakal pa kayo ng tatay mo bago ka pumasok. Sigurado ka ba na naligo ka ngayon?” kantiyaw ni Luis sa kaklase.

“Sinamahan ko lang ang tatay ko na dumaan sa inyo kasi ihahatid niya ako,” nakayukong tugon naman ni Boyet.

“Sige, punta lang kayo sa bahay namin, Boyet, marami pa kaming mga kalakal. Ibibigay ko lahat sa tatay mo para may makain kayo. Itanong mo na rin sa mga kaklase natin kung mayroon silang mga bote at dyaryo sa bahay nang sa gayon ay mabigay din sa tatay mo!” natatawang sambit muli ni Luis.

“Sayo na ‘tong bote ng ininuman kong tubig. Baka makadagdag sa kita ng tatay mo ‘to!” kantiyaw ng isa pang kaklase.

Hindi na lamang pinansin ni Boyet ang panunukso ng mga kaklase.

Dumaan ang mga araw at tampulan pa rin ng tukso si Luis dahil sa pangangalakal ng kaniyang ama.

Ngunit isang araw ay nagtuturo ang kanilang guro tungkol sa mga pangarap na nais marating ng mga bata. Nang sumagot si Boyet ay sinabi niya’y isang piloto.

“Piloto ng basura!” sigaw ni Luis sabay tawanan ng mga kaklase.

“Sigurado ka ba na makakapagkolehiyo ka pa, Boyet? Sabi ng papa ko ay mahal daw ang gagastusin kung magpipiloto ka. Paano mo iyon gagawin? ‘Yung tatay mo nga nanghihingi lang ng basura sa amin para ibenta,” dagdag pa nito.

“Tigilan mo na ang pamamahiya sa tatay ko. Ako na lang ang pahiyain mo pero huwag mong idadamay ang tatay ko! Balang araw ay makikita niyong lahat. Magiging isang piloto ako!” naiiyak na wika ni Boyet.

“Anong sasakyan mo? Eroplanong dyaryo o karton?” patuloy sa hagalpakan ang mga magkakaklase.

Hindi makakalimutan ni Boyet ang araw na iyon. Lalong umigting ang kaniyang pagnanais na makapagtapos ng pag-aaral nang sa gayon ay maiangat niya ang pangalan ng kaniyang ama.

Nang makatapos ng elementarya at makatuntong ng hayskul ay nagsumikap si Boyet. Itinuon niya ang sarili sa pag-aaral. Kailangan niya kasing makakuha ng parangal upang magkaroon siya ng skolarsyip sa kolehiyo.

Sa kabila nito ay tinutulungan pa rin niya ang kaniyang ama sa pangangalakal at sa pagkakarpintero nito. Hindi niya kinahihiya kung ano man ang hanapbuhay ng ama. At kahit na palagi siyang pinagtatawanan ng dati niyang mga kaklase ay hindi niya ito alintana.

Laman lagi ng kaniyang isipan ang sinabi ng ama na marangal na trabaho ang kanilang ginagawa.

Nang makatapos ng hayskul ay nakuha ni Boyet ang unang karangalan. Dahil dito ay mas marami na siyang oportunidad upang makapasok sa magandang kolehiyo at mga unibersidad.

Naging iskolar siya ng bayan at lalong pinaghusay ang kaniyang pag-aaral. Kasabay pa nito ang pagtatrabaho niya bilang waiter.

“Kaunting panahon na lang po, tatay, ay titigil na kayo sa pangangalakal. Pangako ko po sa inyo ni nanay na kapag naging piloto na ako ay ako na po ang bahala sa inyo,” saad pa ng binata nang si Boyet.

Hindi naging madali ngunit patuloy sa pagsusumikap si Boyet hanggang sa tuluyan siyang nakatapos ng kolehiyo. Nagtrabaho sandali at nang makaipon ay muling nag-aral para maging isang piloto.

Abot-kamay na niya ang kaniyang mga pangarap. Unti-unti na ring umunlad ang kanilang pamumuhay. Hanggang sa tuluyan na ngang naging isang piloto si Boyet.

Isang araw ay inanyayahan ang lahat ng kaklase ni Boyet noon sa elementarya para sa isang reunion. Bibigyan kasi daw ng parangal ang mga katangi-tanging mag-aaral ng kanilang batch.

Doon ay muling nagtagpo ang mga landas nina Boyet at Luis.

Malaki man ang pinagbago sa itsura ni Boyet ay naniniwala si Luis imposibeng marating ng dating kaklase ang kaniyang pangarap dahil mahirap sila.

Nang tawagin ang pangalan ng bibigyan ng katangi-tanging parangal ay nagulat na lamang ang lahat nang marinig ang pangalan ni Boyet. Lalo nilang ikinabigla nang malaman na isa na itong ganap na piloto at hindi lamang basta piloto dahil mataas ang ranggo nito.

Nang tanungin siya kung paano niya ito nagawa ay simple lamang ang kaniyang naging tugon.

“Inspirasyon ko ang tatay ko. Masipag siya at matiyaga. Kahit anong trabaho ay kayang pasukin basta para sa aming kinabukasan. Naisip ko, bakit hindi ko tularan ang aking ama. Wala siyang pakialam sa sasabihin ng iba. Basta hindi siya nakakatapak ng sinuman ay patuloy lamang siya sa kaniyang mga ginagawa. Dahil para sa kaniya, ang mahalaga ay mabuhay niya kami. Iyon ang layunin niya sa buhay.

Kaya ginamit ko ang lahat ng pangungutya sa akin bilang inspirasyon. Ang lahat ng mga taong nagsabi na hindi ko kaya ay lalong nagpataas ng pagnanasa ko na tuparin ang aking mga pangarap. Lalo na kapag tinitingnan ko ang pamilya ko lalo na ang tatay ko. Sisipagan ko rin at pagtitiyagaan ko ang aking mga pangarap kahit gaano pa ito katayog,” sambit pa ni Boyet.

Napayuko na lamang ang ilan dahil sa mga sinabi ng binata. Ang ilan naman ay napatunganga dahil ni isa sa kanila ay walang nag-akala na magiging isang mahusay at magaling itong piloto.

Nagsilbing aral sa kanilang lahat ang nangyaring ito kay Boyet. Tunay ngang hindi hadlang ang kahirapan sa isang taong may matinding paghahangad na makamit ang kaniyang mga pangarap.

Advertisement