Inday TrendingInday Trending
Ipinapakain ng Ina ang Lahat sa Kaniyang mga Anak; Maaantig ang Puso Niya sa Igaganti ng mga Ito

Ipinapakain ng Ina ang Lahat sa Kaniyang mga Anak; Maaantig ang Puso Niya sa Igaganti ng mga Ito

“Mga anak, hali kayo at may uwi ang nanay! Pagsaluhan natin ito!” masayang tawag ni Gina sa kaniyang apat na anak.

Dali-dali namang pumanaog ang mga ito mula sa kanilang munting silid upang salubungin ang ina.

“Saan po kayo galing, nanay? Ano po ba iyang uwi niyo?” tanong ng sampung taong gulang na panganay na anak na si Precious.

“Naglaba kasi ako doon kila Aling Baby. Kaarawan daw ng kaniyang apo at naghanda sila ng kaunti. Ayan at pinabalutan ako ng pansit at kaunting cake. Heto, Precious, at isalin mo nga sa plato nang makakain na kayo,” sambit pa ng ina.

Dali-daling kinuha ng panganay ang bitbit ni Gina at nang maihain ay agad na nagkainan ang mga ito.

“Ang sarap naman nitong pansit. Wala na ba?” tanong ng pangalawang anak na si Bobby.

“Ang daya ni Kuya, nanay, kinuha niya ang parte ko! Ang taba-taba niya na nga tapos ay mas marami pang pansit ang nakain niya,” sumbong naman ng pangatlong si Karel.

“Huwag kayong maglamangan. Magkakapatid kayo at kailangan ay magbigayan,” paalala ni Aling Gina.

“Bobby, kapag nakain mo na ang parte mo ay hayaan mo naman ang tatlo mo pang kapatid na makakain din,” dagdag pa ng ina.

“Kayo po, nanay? Kumain na po ba kayo?” tanong ni Precious sa ina.

“Sige lang, anak. Kumain na kayo. Ito pa ang keyk, kainin niyo na rin,” saad pa ng ginang.

Sa totoo lamang ay hindi pa kumakain si Aling Gina. Meryenda sana niya iyon mula sa paglalabada niya kila Aling Baby ngunit mas pinili na lamang niyang iuwi ito sa kaniyang mga anak.

Tinitigan ni Aling Gina ang keyk. Hahatiin sana niya ito sa lima upang makatikim din siya ngunit hinati na lamang niya ito sa para sa kaniyang mga anak.

“Akala ko po ba ay kakain din kayo ng keyk, nanay?” pagtataka ni Precious.

“Naku, naalala ko, nasasamid pala ako sa keyk. Kahit kailan ay hindi ko nagustuhan ang pagkain niyan. Kaya ubusin niyo na ang lahat ng iyan, anak,” sambit pa ni Aling Gina.

“Sigurado po ba kayo na ayaw niyo ng keyk, nanay? Hindi po araw-araw ay makakakain tayo nito. Mabibilang nga lang sa kamay kung ilan beses na po tayo nakakain nito kaya po tumikim na kayo,” dagdag pa ng anak.

“Hindi ko talaga gusto ang lasa ng keyk, anak, dahil sobrang tamis. Kuhain niyo na ang mga parte niyo at kainin na,” giit ng ina.

Lingid sa kanilang kaalaman ay hindi pa nakakakain o nakakatikim man lamang ng keyk si Gina kahit noong siya ay bata pa lamang.

Mag-isang itinataguyod ni Aling Gina ang kaniyang apat na anak sa pamamagitan ng paglalaba at pamamalantsa simula nang sumakabilang buhay ang kaniyang asawa mula sa aksidente sa pinagtatrabahuhan nito.

Halos isang kahig, isang tuka ang mag-iina. Maswerte na kung mayroong bigas at ulam sa buong araw. Kaya ganito na lamang ang saya nila nang pagsaluhan ang uwing pansit at keyk.

Nakatingin pa rin si Precious sa kaniyang ina. Ramdam niya ang pagod dito at gutom ngunit mababanayad mo pa rin sa mukha nito ang saya habang pinagmamasdan ang kaniyang mga anak na nagsisikainan.

Ilang buwan pa ang nakalipas at muling nag-uwi si Aling Gina ng keyk at palabok. May handaan na naman kasi kila Aling Baby. Muli ay ibinigay ng ina sa kaniyang mga anak ang pagkaing nakalaan para sa kaniya. Hinati niya sa apat muli ang kakarampot na pagkaing dala-dala.

“’Nay, hati po tayo dito sa keyk. Tag-isang kagat po tayo,” alok ni Precious.

“Naku, anak, sinabi ko na sa iyo na hindi ako kumakain ng keyk. Kaya ubusin niyo na iyan,” tugon muli ng ina.

Bitin man ay nagpapasalamat ang mga anak sa masarap na pagkaing uwi ng ina.

Nang huhugasan na ni Gina ang pinggan ay nakakita siya ng tirang icing mula sa cake. Sinimot niya ito gamit ang kaniyang mga daliri at saka niya tinikman. Napapikit na lamang siya sa sarap nito.

Ang hindi niya alam ay nakita ni Precious ang kaniyang ginawa. Nahabag siya sa ginawa ng ina. Tinitiis nitong hindi makakain ng masarap para lamang sa kanilang mga anak niya.

Kaya nag-isip ng paraan si Precious kung paano mabibigyan ng kaunting kaligayahan ang kaniyang ina.

Sa tuwing naglalaba si Gina ay dumidiskarte ang bata sa pagsunod sa mga munting utos ng kanilang mga kapitbahay kapalit ang kaunting barya. Sa loob ng tatlong linggo ay nakaipon siya ng singkwenta. Agad siyang nagtungo sa panaderya at bumili ng isang parte ng keyk.

Masaya niya itong iniuwi sa kanilang bahay at inihanda bilang surpersa sa kaniyang ina. Nagkasundo ang magkakapatid na hindi sila hihingi sa kanilang ina at hahayaan lamang itong namnamin at ubusin ang isang parte ng keyk na iyon.

Hindi pa man nakakatuntong ng bahay si Aling Gina ay bakas na ang pagkasabik ng kaniyang mga anak. At nang makapasok siya sa bahay ay masayang iniabot ng mga bata ang keyk sa kanilang ina.

“Para saan ito? Saan kayo nakakuha nito?” pagtataka ng ina.

“Binili ko po ang keyk na iyan, nanay. Pinag-ipunan ko po talaga ‘yan para sa inyo. Umupo na po kayo at kainin ang keyk,” sambit ni Precious.

“Kayo na ang kumain nito at alam kong gustung-gusto niyo ito. Alam niyo namang hindi ako kumakain ng keyk,” pilit ng ina.

“Alam po namin, nanay, na hindi pa kayo nakakakain ng keyk. Lahat ng masasarap na pagkain ay napakadalang niyo lang matikman. Isusubo niyo na lang ay ibibigay niyo pa po sa amin. Kulang pa po ang keyk na iyan sa lahat ng sakripisyo niyo sa aming magkakapatid. Kaya po, nanay, kainin niyo na po iyan at ubusin niyo. Para po iyan sa lahat ng pagod at pagtitiis niyo po para sa amin,” saad pa ng bata.

Hindi maiwasan ni Gina na mangilid ang kaniyang luha habang kinakain niya ang keyk na bigay ng kaniyang mga anak. Hindi niya maipaliwanag ang sarap at tamis ng keyk. Marahil ay dahil mula ito sa mga taong pinakamalapit sa kaniyang puso.

“Saluhan niyo na ako rito, anak. Lalong sasarap ang keyk na ito kung hati-hati tayo,” alok muli ni Aling Gina sa mga bata.

Naglapitan na ito at yumakap sa kanilang ina.

“Maraming salamat, mga anak. Kahit anong pagod at gutom ay kakayanin ko basta para sa inyo. Mahal na mahal ko kayo,” wika ni Gina.

“Mahal na mahal ka rin po namin, nanay. At hinding-hindi ka po namin ipagpapalit kahit kanino,” tugon naman ng mga anak.

Masayang pinagsaluhan ng mag-iina ang naturang keyk. Sa puntong iyon ay hindi mo mababanaad sa mukha ng mag-iina ang hirap na kanilang pinagdaraanan basta’t sila’y magkakasama.

Advertisement