Inday TrendingInday Trending
Bunga raw ng Pagkakamali ang Anak kaya Hindi Maganda ang Trato ng Babae Rito; Matatauhan Siya sa Aaminin ng Sariling Ina

Bunga raw ng Pagkakamali ang Anak kaya Hindi Maganda ang Trato ng Babae Rito; Matatauhan Siya sa Aaminin ng Sariling Ina

“Ilayo niyo sa akin ang batang iyan! Ayokong makita kahit na dulo ng daliri niyan!” gigil na gigil at walang patid sa pag-iyak si Annalyn habang pilit niyang itinutulak ang bagong silang na sanggol.

“Magpahinga ka na muna, Annalyn. Hindi makakabuti sa iyo ang ganiyan. Saka huwag kang magalit sa bata. Wala siyang kasalanan sa iyo,” pahayag ng ina ng dalaga na si Aling Upeng.

“Paano akong hindi magagalit sa kaniya kung bunga siya ng kahayupan sa akin ng lalaking iyon? Inilalaglag ko na kasi ang batang iyan, bakit ang tindi pa ng kapit! Basta, ilayo niyo sa akin ang batang iyan at ayoko siyang makita! Ipamigay niyo o itapon niyo, wala akong pakialam!” patuloy na sambit ni Annalyn.

Siyam na buwan na kasing nakakaraan nang bigla na lamang hal@yin ng isang lalaki itong si Annalyn. Ang masakit pa rito ay kapatid ito ng kaniyang kaibigan.

Dumalaw ito sa kaniyang kaibigan upang mangamusta. Ngunit may inilagay na kung ano sa inumin ang lalaki at nang mawalan ng malay si Annalyn ay doon na siya pinags@mantalahan ng lalaki.

Agad naman nilang inilapit ito sa awtoridad. Agad ding nahuli at ikinulong ang lalaki. Ngunit habang nasa kulungan ito ay naparambol at hindi inaasahang mas@ks@k ito ng kapwa preso dahilan upang sumakabilang buhay ito.

Ang akala ni Annalyn ay matatapos na ang lahat sa pagkawala ng taong gumawa sa kaniya ng masama. Ngunit laking gulat niya nang malamang siya pala ay nagdadalantao. Halos gumuho ang kaniyang mundo dahil hindi niya alam ang kaniyang gagawin.

Pilit man niyang ilaglag ang bata sa kaniyang sinapupunan ay hindi siya nagtatagumpay. Matindi ang kapit nito kaya noong lumalaki na ang kaniyang tiyan ay wala na siyang magawa pa kung hindi ipagpatuloy na lang ang pagbubuntis.

Ngunit walang araw at sandali na hindi siya napoot sa lahat ng nangyari sa kaniya. Lalo na nang lumabas na ang kaniyang anak.

“Annalyn, padedehin mo naman ang anak mo. Wala siyang patid sa pag-iyak. Ikaw ang gusto nitong bata,” saad ni Aling Upeng.

“Huwag niyong ipapakita sa akin ang batang iyan dahil kapag nakikita ko siya ay naaalala ko lang ang mga nangyari sa akin. Dahil sa kaniya ay nasira ang buhay ko!” sambit ng dalaga.

“Huwag mo siyang sisihin, anak. Inosente ang batang ito. Hindi niya kagustuhan na maipanganak sa ganoong paraan,” paliwanag muli ng ina.

Ngunit matigas ang puso ni Annalyn. Para sa kaniya ay wala siyang anak at ipinaubaya na niya ang pag-aalaga nito sa kaniyang ina.

“Ayaw niyo pa kasing ipaampon ang batang iyan. Kaya nahihirapan tuloy kayo!” saad ni Annalyn sa ina.

“Paano mo maaatim na ipamigay ang sarili mong laman at dugo, anak? Kahit anong gawin mo ay anak mo pa rin itong si Annika. Kailangan mo lang na matutunan siyang tanggapin, anak,” muling wika ni Aling Upeng.

“Tama na, ‘nay! Kahit anong pilit niyo sa akin ay hindi ko matatanggap ang batang iyan!” giit ng dalaga.

Habang lumalaki ang batang si Annika ay lalong lumalayo ang loob ni Annalyn dito. Madalas niya itong pagbuhatan ng kamay at sigaw-sigawan.

Hindi naglaon ay nagkaroon ng mga bagong relasyon si Annalyn. Ngunit sa tuwing malalamang may anak na ito sa pagkakamali ay hindi nila ito matanggap at agad na iniiwan ang dalaga. Labis itong ikinayayamot ni Annalyn.

“Annika! Tara nga ditong bata ka! Ikaw wala ka na talagang mabuting ginawa sa buhay ko! Bakit kasi hindi ka lang nabuo o hindi kaya ay pagkamanganak ko ay hindi ka lang nam@tay! Nagkanda malas-malas ang buhay ko nang dahil sa’yo!” sigaw ni Annalyn sa kaniyang anak sabay hambalos dito.

“Tama na po, ‘nay! Tama na po! Nasasaktan po ako! Tama na po!” pagsusumamo ng bata.

Nang madatnan ni Aling Upeng ang ginawang ito ni Annalyn sa anak na si Annika ay agad niyang iniiwas ang apo at inawat ang kaniyang anak.

“Annalyn, maawa ka naman sa bata. Wala siyang kasalanan sa iyo! Lahat na lang ng kamalasan mo sa buhay ay sa kaniya mo isinisisi! Gusto ba ng bata iyang mga nangyayari sa iyo?” sigaw ni Aling Upeng sa anak.

“Ialis niyo ang salot na ‘yan sa harapan ko! Ayokong ayokong makita ‘yan!” halos maputol ang litid ni Annalyn sa pangagalaiti.

“Tumigil ka na, Annalyn! Kahit kailan ay hindi ko ginawa sa iyo ang ganiyang bagay kahit na bunga ka rin ng isang pagkakamali!” sambit pa ng ina.

Nabigla ang dalaga sa kaniyang narinig.

“A-ano po ang ibig niyong sabihin sa sinabi niyo, ‘nay?” pagtataka ni Annalyn.

“Hindi ka ba nagtataka kung bakit wala ako ni isang larawan ng tatay mo? Dahil tulad mo, anak, pinags@mantalahan din ako noong dalaga ako at nabuntis ako. Ngunit kahit kailan ay hindi ko naisipan na ipalaglag ka. Nauunawaan ko na wala kang kasalanan.

Kaya pinalaki kita at minahal dahil alam kong tanging ako lamang ang makapagbibigay nito sa iyo. Kahit isang saglit ng buhay mo ay hindi ko ipinaramdam sa iyo na ikaw ang dahilan kung bakit nag-iba ang takbo ng buhay ko.

Kahit na itinakwil ako ng mga magulang ko at ng mapapangasawa ko, mas pinili kita. Kasi anak kita at wala kang kinalaman sa pagkakamaling nagawa sa akin,” pag-amin ni Aling Upeng.

Hindi makapaniwala si Annalyn sa katotohanang sumambulat sa kaniya. Hindi niya akalain na parehas lang pala sila ng kaniyang anak.

Napaluhod na lamang sa pagtangis si Annalyn. Sa puntong iyon ay natauhan siya. Labis ang kaniyang pagsisisi sa ginawa niyang pagtrato sa kaniyang anak. Napagtanto niya na hindi siya lubusang naging patas sa pakikitungo niya kay Annika.

Humingi ng kapatawaran ni Annalyn kay Annika. Simula noon ay ipinangako niya sa kaniyang anak na gagawin niya ang lahat upang ibaon na sa limot ang nakaraan at sisikapin niyang makabawi sa mga taon na tila walang ina ang bata. Pinunan niya ng pagmamahal ang bawat taong pilit niyang inilalayo ang sarili sa kaniyang anak.

Habang patuloy na inaalagaan ni Annalyn ang kaniyang anak ay lalong nagiging madali sa kaniya na mahalin ito. Lalo ring nagiging malinaw sa kaniya ang sinabi ng kaniyang ina na walang kasalanan si Annika sa lahat ng maling nangyari sa kaniyang buhay.

Sa ngayon ay pilit na bumabangon si Annalyn sa kaniyang pagkakadapa at patuloy na nagsisikap para mabigyan ng magandang buhay ang kaniyang nag-iisang anak.

Advertisement