Matinding Pamumuna ang Inabot Niya sa Kaibigan Dahil sa Kaniyang Pagpapakasal; Ngunit Tila Ito ang Hindi Sinuwerte sa Buhay May-asawa

“Bernadette!” halos magkakapanabay na tili ng kaniyang mga kaibigan nang bumungad siya sa pinto ng restaurant.

Ngiting ngiting nilapitan niya ang dalawa. Kitang kita niya ang galak at excitement sa mukha ng mga kaibigan.

“Congrats! Sa wakas, ikakasal ka na!” kinikilig na wika ni Amy nang makaupo siya sa silya sa tabi nito. Agad nitong sinipat ang suot suot niyang engagement ring.

“Oo nga! Ang tagal tagal kong hinintay, akala ko, hindi na ako makakapag-asawa,” natatawang komento niya habang inilalabas ang mga imbitasyon para sa mga ito.

“Bakit wala si Candy?” kunot noong tanong niya nang mapansing kulang sila.

Apat silang magkakaibigan. Siya, si Amy, si Joyce, at si Candy. Simula high school ay magkaklase na sila kaya naman ang tatlo ang pinakamalapit niyang kaibigan.

“Alam mo naman ‘yun, simula nung nakapag-asawa nang mapera, naging paimportante na!” biro ni Joyce na may halong katotohanan.

Totoo naman ang sinabi nito. Simula kasi nang ikasal ito ay napansin nilang nag-iba na ang personalidad nito. Hindi na ito ang jologs nilang kaibigan dahil naging pa-sosyal na ito at mahirap pakisamahan.

Advertisement

Gayunpaman, mahal nila ang kaibigan kaya naman iniintindi nila ito.

“Ayan, sakto, andiyan na ang bruha!” maya maya ay wika ni Joyce.

Nakangiti itong binigyan sila ng beso. Amoy na amoy niya ang mamahaling pabango ng kaibigan.

“So, balita ko, ikakasal ka na?” taas kilay na tanong nito habang ang mata ay nakadirekta sa kaniya.

“Oo, pumunta kayong lahat, ha!” matamis ang ngiting tugon niya.

“Sino naman ‘yang nakuha mong lalaki? Sigurado ka na ba riyan? Kaya ka bang buhayin niyan?” kastigo nito.

Bahagyang nawala ang ngiti sa kaniyang labi.

“Oo naman, Candy. Sigurado na ako kay Randy. Alam mo naman kung gaano ako kapihikan sa lalaki. Kaya nga umabot ako ng trenta ng walang asawa,” paliwanag niya sa kaibigan.

Advertisement

Tumango tango ang babae.

“Gaano katagal na kayo ni Randy? Bakit hindi mo man lang ipinakilala sa amin?” tila isang istriktong nanay na muling usisa nito.

“Nakilala na namin si Randy. Madalas ka kasi wala eh. Sobrang bait, at halatang mahal na mahal ang kaibigan natin,” hindi nakapagpigil na sabat ni Joyce. 

“Oo nga,” segunda naman ni Amy.

“Isang taon na kaming magkakilala. Anim na buwan kami naging magkasintahan bago kami nagdesisyong magpakasal.”

Sa panggigilalas nilang tatlo ay tumawa nang malakas si Candy.

“Bernadette, nahihibang ka na ba? Saglit na saglit mo pa lang kilala ‘yung tao, magpapakasal ka na? Paano kung masamang tao pala ‘yun? Paano kung nananakit pala ‘yun? “Wag kang magpadalos dalos!” tila inis na payo ng babae.

Nasaktan man siya sa komento ng kaibigan ay hindi niya iyon pinahalata. Pilit na ngiti ang iginawad niya sa kaibigan.

Advertisement

“Hindi mo pa naman nakikilala si Randy. Magtiwala ka naman sa kaibigan natin at maging masaya na lang para sa kaniya,” marahang saway dito ni Amy.

“Concerned lang naman ako. Ang sa akin lang, ay, kami nga ng asawa ko, limang taon, bago kami nagdesisyong magpakasal. Hindi basta basta ang pag-aasawa, Bernadatte. Hindi kaya nagmamadali ka lang kaya kung sino sinong lalaki na lang ang kinuha mo?” ayaw paawat na muling salita ni Candy.

“Candy!” halos mgakapanabay na wika ni Joyce at Amy.

Tuluyan nang napigtas ang pagtitimpa niya.

“Sumosobra ka na, ha! Kung hindi mo kayang maging masaya para sa’kin, ‘wag ka na lang magsalita! Hindi ‘yung pati ang boyfriend ko, hinuhusgahan mo!” sa sobrang inis ay naibulalas niya.

Tila nasaktan naman ang kaibigan sa sinabi niya. Padabog itong tumayo.

“Pinapaalalahan lang naman kita! Ikaw pa ‘tong galit!”

“Hindi mo ako pinapaalalahan. Hinuhusgahan mo ako,” nakairap na tugon niya sa kaibigan.

Advertisement

Hindi na ito sumagot at nagmamartsang umalis sa lugar na iyon.

Sinundan ito ni Joice habang si Amy naman ay sinamahan siya.

Marahil ay bakas pa rin ang inis sa kaniyang mukha dahil nagkomento ang kaibigan.

“‘Wag mo na masyado dibdibin ‘yun. Mag-focus ka na lang sa kasal mo,” pang-aalo nito sa kaniya.

Huminga siya ng malalim at binigyan ang kaibigan ng isang tipid na ngiti.

Tama ito. Hindi siya dapat magpaapekto sa sinasabi ng iba dahil siya ang tunay na nakakaalam sa pagkatao ng nobyo.

Nang ikasal sila ng nobyo ay walang pagsidlan ang tuwa sa kaniyang puso. Sigurado kasi siya na magiging mabuting padre de pamilya ang lalaki.

Ngunit sa kaniyang pagkadismaya ay hindi pumunta sa kasal niya si Candy. Tuluyan na rin yata nitong pinutol ang pagkakaibigan nila dahil hindi na ito muling nagpakita pa sa kanilang tatlo.

Advertisement

“Wala naman akong magagawa kung iyon ang desisyon niya,” pagkikibit balikat niya.

Mahabang panahon ang lumipas at lalo lamang niyang napatunayan na tama ang desisyon niya na pakasalan si Randy dahil naging mabuting ama ito sa dalawa nilang anak.

Isang araw habang nagbabakasyon silang mag-anak sa isang liblib na probinsiya ay isang pamilyar na mukha ang nakita niyang muli. Sa suot nitong uniporme ay nahinuha niya na isa sa mga saleslady sa tindahan ng damit.

“Candy?” paniniguro niya.

“Bernadette?” namimilog ang matang wika nito.

Halos hindi niya makilala ang babae sa laki ng itinanda nito. At hindi niya rin inaasahan na makikita niya ito sa isang liblib na probinsiya.

“Bakit nagtatrabaho ka rito?” gulong gulong usisa niya sa kaibigan.

Humagahulhol na ikinuwento nito ang sinapit.

Advertisement

Napanganga siya sa nalaman. Nambubugbog pala ang asawa nito. Tiniis nito ang lahat ngunit tuluyan nitong iniwan ang asawa nang makunan ito dahil sa pananakit ng asawa.

Hindi siya makapaniwala sa nalaman. Tila kasi maamong tupa ang lalaki nang minsan itong ipinakilala ni Candy sa kanila.

“Kaya ako nandito dahil nagtatago sa probinsiya dahil mahahanap niya ako kung mananatili ako sa siyudad. Ayoko nang makita pang uli ang demonyo na ‘yun. Siya ang dahilan kaya nawala ang anak ko,” umiiyak na salaysay pa nito.

Naiiyak na niyakap niya ang kaibigan. Damang dama niya ang pighati nito. Napakamalas naman nito sa lalaking napangasawa.

“Gusto kong humingi ng tawad sa mga nasabi ko noon. Hindi pala sa tagal ng relasyon nakabase ang pagiging masaya ng isang mag-asawa. Sa sobrang taas ko noon, pati kayong mga kaibigan ko ay itinapon ko.” Purong pagsisisi ang nakapaskil sa mukha nito.

Pinisil niya ang palad ng kaibigan upang ipaalam dito na kakampi siya nito at handa siyang damayan ito.

Sa kabutihang palad ay isang abogado si Randy, ang asawa niya. Tinulungan nito ang kaniyang kaibigan na makawala sa mga galamay ng malupit nitong asawa.

Nang tuluyan itong legal na mahiwalay sa asawa ay napaluha silang magkakaibigan sa galak.

Advertisement

Hangad niya na makahanap din ang kaibigan ng pagmamahal na kagaya ng nahanap niya sa katauhan ng asawang si Randy.

Nawa ay magkaroon ito ng isang relasyon na hindi nakabase sa dami ng pera, o sa tagal, kundi sa pagmamahal na nagmumula sa malinis na puso at magandang intensyon.