Inday TrendingInday Trending
Pinangunahan ng Takot na Mahusgahan ang Dalagang Ito, Magkaroon kaya Siya ng Tapang na Kaharapin Ito?

Pinangunahan ng Takot na Mahusgahan ang Dalagang Ito, Magkaroon kaya Siya ng Tapang na Kaharapin Ito?

“Melissa! Nabalitaan mo na ba na mayroong audition sa pag-aartista na magaganap sa bayan bukas? Hindi ba’t nais mong maging artista? Gusto mo bang samahan kitang mag-audition? Naku, tiyak makakapasa ka!” masiglang balita ni Graciel sa kaniyang kababata, isang hapon pagkatapos ng kaniyang trabaho sa palengke sa bayan.

“Ah, eh, gusto ko nga mag-artista kaso mukhang hindi pa ako handa,” nakatungong tugon ni Melissa habang kinukusot ang damit ng kaniyang mga kapatid.

“Anong hindi ka pa handa? Eh, parang nasa dugo mo na ang pag-aartista! Isipin mo ha, bukod sa maganda ka, may balingkinitang katawan, magaling sumayaw at umawit, ang galing galing mo pang umarte! Anong hindi handa roon, ha?” pang-uusisa pa nito dahilan upang siya’y mapabuntong hininga.

“Hindi pa ako handa sa mga sasabihin ng ibang tao. Kilala mo naman ako, mabilis akong maapektuhan ng mga negatibong komento. Natatakot din ako na baka hindi ako makapasa tapos pagtsismisan nila ako,” nakatungong sambit niya saka pilit na ngumiti sa kaibigan.

“Anong balak mong gawin?” tanong nito na ikinatahimik niya, wala siyang ibang maisagot kung hindi ang pagtaas ng balikat.

Bata pa lamang, hinangad na ng dalagang si Melissa na maging isang tanyag na artista dahilan upang pagyabungin niya ang mga talentong unti-unti niyang natutuklasan.

Sa katunayan, ang pagsali niya sa mga patimpalak sa kanilang lugar ang nagbigay sa kaniya ng kumpiyansa at tiwala sa sarili. Bukod pa roon, ito rin ang nakatulong kahit papaano sa kaniyang pag-aaral. Kada may naiuuwi siyang premyo, agad niya itong tinatago upang magamit sa oras ng pangangailangan dahilan upang kahit sa simpleng bagay na iyon, makatulong siya sa gastusin ng kanilang pamilya.

Ngunit, nang siya’y matalo sa isang patimpalak ng pag-awit sa kanilang paaralan, sandamakmak na negatibong komento ang natanggap niya dahilan upang tumigil siya sa pagpapayabong ng kaniyang talento. Hindi niya kasi nakayanan ang mga sinasabi ng ibang mag-aaral na halos pati kaniyang mga magulang, dinadamay ng mga ito.

Ito ang naging dahilan upang makaramdam siya ng takot sa pag-abot ng kaniyang pangarap.

Noong araw na iyon, habang tahimik na nagkukusot ng damit, tinitingnan lamang siya ng kaniyang kaibigan.

“Hanggang kailan mo ba ako papanuorin maglaba, wala ka bang gagawin sa bahay niyo?” tanong niya saka bahagyang tumawa.

“Mayroon, pero tititigan kita hanggang sa mapagtanto mong hindi lahat ng nakatitig sa’yo, ibababa ka. Nandito ako, pati ang pamilya mo para suportahan ka,” tugon nito.

“Kahit na, natatakot pa rin ako,” nakatungong sambit niya.

“Melissa, normal lamang na matakot kapag inaabot ang pangarap. Kapag hindi ka nakaramdam ng takot, hindi para sa’yo ang pangarap mong iyon,” sambit nito at doon siya labis na tinamaan.

Napagtanto niyang tila tama nga ang mga sinasabi ng kaniyang kaibigan. Buong buhay niya, kinakatakutan na niya ang araw na darating kung saan masusubok ang kaniyang talento at pakiramdam niya, ito na ang araw na pinaghahandaan niya dahilan para masabi niyang, “Sige, tulungan mo ako, ha?” kaya naman bigla na lang napatalon ang kaniyang kaibigan.

Pagkatapos na pagkatapos niyang maglaba, agad siyang sinamahan ng kaniyang kaibigan sa isang ukay-ukay upang maghanap ng maaari niyang masuot bukas. Sa kabutihang palad, sa halagang sikwenta pesos, nakahanap sila ng isang magandang bestida na labis niyang ikinatuwa.

Kinabukasan, nang makarating sa bayan, bumungad sa kaniya ang sandamakmak na tao na nais mag-audition dahilan para makaramdam siya nang labis na kaba. Mabuti na lang at andoon ang kaniyang kaibigan upang palakasin ang kaniyang loob.

Ilang oras pa ang lumipas, natagpuan na niya ang sarili sa entablado, pinapalakpakan ng mga hurado’t taong bayan na labis na ikinataba ng kaniyang puso.

Maya maya pa, inanunsyo na ang limang kabataang nakapasa sa nasabing audition at hindi siya lubos na makapaniwala nang banggitin ang pangalan niya at siya’y abutan ng plaka at pinansiyal na premyo.

“Bukas na bukas, luluwas tayo ng Maynila upang maumpisahan na ang proyektong nakatakda sa inyo,” sambit ng isang hurado dahilan upang maiyak na lamang siya sa tuwa.

Iyon na ang naging simula ng kaniyang pagsikat at unti-unting pag-angat sa kahirapan ng kaniyang buong pamilya. Siyempre, hindi niya kinalimutang iangat din pataas ang dalagang sumama at nagtulak sa kaniya upang mag-audition.

Maraming tao man ang manghusga sa kaniya, hindi nito natalo ang dami ng taong humahanga sa kaniya, lalo na nang maibahagi niya sa isang TV show ang takot na hinarap niya bago maabot ang pangarap na maging artista.

Advertisement