Ayaw na Ayaw ng Binata na Naaalala ang Mataba at Iyaking Kaklase; Ito Pala ang Nakatadhana sa Kaniya

Pitong taong gulang pa lamang noon si Marvin ngunit kinaiinisan na niya ang batang iyakin na kaniyang kaklse. Ilang taon na ang lumipas pero naaalala pa rin niya ang batang iyon na kapag nakikita niya ay ‘di niya mapigilang maasar.

“Kay aga-aga, nakabusangot na naman ang mukha mo. Ano na naman ang kinaiinisan mo, pre?” tanong ng ka-opisina niyang si Perry nang makita nitong nakasimangot na naman siya.

“Wala! May naalala lang ako na nakakabuwis*t,” aniya.

“Sino, EX mo?”

“Buti sana kung ex na lang, e kaso hindi!”

Nang umagang iyon ay tinawagan siya ng matalik niyang kaibigan na si Ruel. Iniimbitahan siya nito na sumama sa isang mini-reunion nilang magkakaklase nung elementarya.

“Ano, sumama ka na! Hindi makukumpleto ang barkada kapag wala ka,” yaya ng kaibigan.

“Kailan ba iyan? Baka kasi may makita lang akong hindi kaaya-aya riyan, baka imbes na mag-enjoy ako ay masira lang ang araw ko.”

Advertisement

“Teka, sino naman ang tinutukoy mo?”

“Sino pa, e ‘di iyong batang iyakin! Mataba na nga, iyakin pa!”

“Si Rachelle ba ang sinasabi mong batang mataba at iyakin? Naalala ko na, inis na inis ka kapag tumatabi sa iyo ang kaklase nating iyon sa upuan. Kasi naman napaka-iyakin niya at kay taba-taba pa,” natatawang sabi ng kausap.

“Huwag mo na ngang ipaalala sakin ang baboy na iyaking iyon!” inis niyang wika.

“Uy, huwag ka namang ganiyan, pare. Babae pa rin ‘yon ‘no!”

“Basta, ayoko nang maalala pa siya! Inimbitahan din ba siya?”

“Hindi ko sure kung inimbitahan siya. Kapag pumunta, e ‘di huwag mong pansinin.”

Napabuntong-hininga na lang si Marvin. Mukhang wala siyang magagawa kundi ang pumunta dahil napilit na siya ni Ruel.

Advertisement

Dumating ang araw ng reunion at naroon lahat ng mga kaklase ni Marvin noong elementarya. Gaya ng inasahan niya ay pagandahan at pabonggahan ang mga suot na damit ang mga lalaki at babae niyang kaklase.

“Ang ganda ng porma mo, pre. Bagay na bagay sa iyo ang suot mo!” puri ni Ruel.

“Naman! Siyempre, kailangan na guwapung-guwapo ako sa reunion na ito,” aniya.

Maya maya ay may dumating na isa pang bisita. Marami ang napalingon nang pumasok ang isang babae sa venue ng kanilang reunion. Nagulat siya nang makita ito.

“Napakaganda naman ng babaeng ito at ang sexy. Sino kaya siya? Hindi ko matandaan kung naging kaklase ko siya,” takang tanong sa sarili.

‘Di nagtagal ay nilapitan ito ng isa niyang kaklaseng babae at binati.

“Uy, Rachelle long time no see, a! Kumusta ka na?” anito.

Parang sinampal sa magkabilang pisngi si Marvin nang malaman ang pangalan ng magandang babaeng dumating.

Advertisement

“Grabe, siya na ba si Rachelle, iyong kaklase nating matabang iyakin na kinaiinisan mo?” manghang tanong ni Ruel.

Halos hindi nakilala ng binata ang batang iyakin na kinamuhian niya noon, na ngayon ay isa ng maganda at seksing bebot.

Mas lalo siyang nagulat nang bigla siya nitong lapitan.

“Hi, Marvin!”

“K-kilala mo ako?”

Napangiti ang babae. “Oo, naman. Kilalang-kilala pa rin kita. Ikaw ‘yung kaklase kong galit na galit sa akin noon.”

Parang napahiya ang binata sa sinabi nito kaya napayuko ang kaniyang ulo.

“Sorry kung kinainisan kita. Ikaw naman kasi napaka-iyakin mong bata,” aniya.

Advertisement

Hinawakan ng babae ang kaniyang mga kamay. “Kinalimutan ko na iyon. Alam mo ba kung bakit hindi ako nagalit sa iyo kahit inis na inis ka sa akin? Nahihiya lang akong sabihin dahil nga wala pa tayong mga muwang noon, pero aaminin ko sa iyo na crush kita noon kaya hindi ko magawang magalit sa iyo kahit pa palagi mo akong kinaiinisan at tinutukso na mataba ako. Mula noon ay binago ko na ang aking sarili at nagbawas ng timbang. At nang mabalitaan ko ang tungkol sa reunion ay nagkaroon ako ng pagkakataon na muli kang makita. Umaasa ako na sa pagkakataong ito ay nawala na ang galit at inis mo sa akin,” bunyag ng babae.

Pinamulahan ng mukha si Marvin sa ipinagtapat ni Rachelle. Crush pala siya nito noon hanggang sa ngayon. Hindi niya malaman kung ano ang sasabihin niya, para siyang napipi sa pinaghalong gulat at saya na kanyang nararamdaman. Ang batang iyakin na kinaiinisan niya ay may patatangi sa kaniya at kahit kailan ay hindi nagtanim ng sama ng loob.

Nang biglang naghiyawan ang kanilang mga kaklase. Pinatunog pa ng mga ito ang mga baso.

“Wooohh! Mabuhay ang bagong kasal!” sigawan ng lahat.

Mas lalong pinamulahan ng pisngi ang dalawa.

“Sorry sa lahat, Rachelle,” muli niyang sabi sa babae.

“Wala na ‘yon sa akin. Ano, friends na tayo?”

Si Marvin naman ang humawak sa kamay ni Rachelle. “Friends lang? Baka naman maaaring mas higit pa roon?” sabi ng lalaki.

Advertisement

Ngumiti si Rachelle. “Puwede naman. Sa ngayon, friends muna. Darating din tayo sa ganun,” sagot ng babae.

Maya maya ay niyaya ni Marvin si Rachelle na magsayaw. Buong gabi silang nagsayaw sa saliw ng romantikong musika na punumpuno ng kasiyahan ang kanilang mga puso.

Sino ba ang mag-aakala na ang kinabuwisitan noon na kaklase ni Marvin ay ang kaniya na ngayong girlfriend at future wife.