
Nagpapadala ng Pera ang Dalagang Ito sa Lalaking Nakakausap Online, Ito pala’y Pamilyado na
“Saan na naman ang punta mo, Jona? May lakad ka na naman? Baka bukas, wala ka na namang pera, ha? Wala akong maipapautang sa’yo,” sambit ni Josy sa kaniyang nakababatang kapatid, isang umaga nang mapansin niya itong nag-aayos ng sarili.
“Ayos lang po, ate, kakasweldo ko lang naman po kahapon. D’yan lang po ako magpupunta sa kanto,” sagot ni Jona saka tinapos ang paglalagay niya ng lipstick.
“Sa kanto? Ano, magpapadala ka na naman doon sa ka-chat mo sa Cebu?” tanong nito, bakas sa boses nito ang bahagyang pagkagalit.
“Ah, eh, opo, ate. Dadalawin niya po ako rito sa Laguna, eh, kaso wala po siyang pamasahe kaya bibigyan ko po muna. Pangako niya naman na ibibigay niya ulit sa akin ‘to sa sweldo niya sa katapusan,” sagot niya habang nakamot ng ulo.
“Naku, Jona, hindi ka na nadala! Ilang swelduhan na ang nagdaan, ni piso wala ‘yang binayad sa’yo!” sigaw nito sa kaniya dahilan upang siya’y pilit na mapangiti.
“Ayos lang po ‘yon, ate, mabuti nga at nakatutulong ako sa pamilya niya. Nakakaawa rin kasi sila ate,” sambit niya.
“Bahala ka, Jona, basta ako, iba ang pakiramdam ko d’yan! Masyado ka nagtitiwala sa nakilala mo lang sa internet!” bulyaw pa nito sa kaniya dahilan upang magmadali siyang lumabas ng kanilang bahay upang huwag nang mapigilan sa pagpapadala ng pera sa binatang nakakausap.
Tatlong buwan nang may nakakausap na binata mula sa Cebu ang dalagang si Jona. Dahil nga siya’y wala pang nagiging nobyo, ganoon na lang ang tuwa niya nang minsan itong magpadala ng mensahe sa kaniya sa kaniyang account sa isang social media.
Sa kabutihang palad naman, agad niyang nakapalagayan ng loob ang binatang ito. Halos gabi-gabi niya itong kausap sa selpon pagkatapos ng kaniyang trabaho hanggang siya’y makatulog na. Ito ang naging dahilan upang unti-unti siyang mahulog dito.
At dahil nga halos gabi-gabi, minu-minuto sila magkausap, mapatawag man o chat, lubos niya itong nakilala. Noong malaman niyang ito pala’y nagsasaka lamang sa bukid at ang nanay nito’y may sakit, agad siyang nagpadala ng pinansiyal na tulong dahilan upang labis itong matuwa sa kaniya.
Ngunit, hindi ro’n natapos ang kaniyang pagpapadala dahil tuwing sweldo niya, dumadaing na ito sa kaniya dahilan upang palagi niya rin itong padalhan na ikabahala na ng kaniyang kapatid. Depensa naman niya palagi, “Ayos lang naman ‘to, ate, mahal ko na, eh. Saka, mas may kaya naman tayo kumpara sa kanila kaya dapat tumulong ako,” na labis na hindi sinasayang-ayunan nito.
Noong araw na ‘yon, pagkatapos niyang magpadala sa binata, agad siya nitong tinawagan at labis na nagpasalamat.
“O, paano, mag-aayos na ako ng gamit para bukas, ha? Marami talagang salamat sa’yo! Sa wakas makikita na kita!” magiliw nitong sambit dahilan upang siya’y mapangiti at manaba ang puso.
Ngunit tila iyon na ang huli niyang kausap sa binata dahil pagkatapos ng pag-uusap nilang iyon, hindi na ito sumasagot sa tawag at mensahe niya na labis niyang ikinapag-alala. “Baka busy lang, bukas, hihintayin ko pa rin siya sa airport katulad ng usapan namin!” pagpapalakas niya sa kaniyang loob.
Sa kasamaang palad, halos ilang oras na siyang naghintay sa airport kinabukasan, wala ni anino ng binatang iyon ang dumating. Muli niya itong sinubukang tawagan ngunit nakita niyang siya’y naka-block na rito ngunit dahil sa kagustuhan niyang makausap ang binata, tinawagan niya ang numerong binigay nito at isang babae ang sumagot, “Hoy, kung sino ka mang babae ka, tigilan mo na pakikipag-usap sa asawa ko! May anak na kami! Ngayong may trabaho na siya, hindi ka na namin kailangan!” dahilan upang ganoon na lang siya makaramdam ng kirot at bigat sa puso.
Doon niya napagtantong tila nagpaloko nga siya sa isang lalaking hindi niya kilala. Halu-halong emosyon ang kaniyang nararamdaman dahilan upang panandalian siyang matulala sa harapan ng naturang airport at doon umiyak nang umiyak.
Pagkauwing-pagkauwi niya, agad niyang nakita sa kanilang sala ang kapatid dahilan upang lumihis siya ng tingin dito.
“O, nasaan na ang Cebuano mong kausap? Na-scam ka, ano?” tanong nito dahilan upang agad na siyang mapaluha at mapayakap dito, “Naku, ang bunso talaga namin! Sabi naman sa’yo, huwag kang agad na magtitiwala! Bukod sa kinalahati ng mokong na ‘yon ang sweldo mo sa loob ng tatlong buwan, nasaktan ka pa! Pero, hayaan mo na ‘yon, ang mga taong ganoon, walang patutunguhan sa buhay,” dagdag pa nito dahilan upang lalo siyang mapaiyak.