Inayawan ng Dalagang ito ang Hindi Kaguwapuhang Nakakausap sa Dating App, Ito pala’y May-ari ng isang Sikat na Kumpanya

Inayawan ng Dalagang ito ang Hindi Kaguwapuhang Nakakausap sa Dating App, Ito pala’y May-ari ng isang Sikat na Kumpanya

KarmaLoveStories

“Ay, Verna, kumusta na nga pala ‘yong nakakausap mo sa Dating App na nirekomenda ko sa’yo? Kayo na ba?” nasasabik na tanong ni Agnes sa kaniyang kaibigan, isang hapon habang sila’y nagkakape sa isang coffee shop. 

“Naku, hindi na, mag-iisang buwan ko na siyang hindi kinakausap. Sa katunayan, binlock ko na siya sa account ko roon,” sagot ni Verna. 

“Ha? Bakit naman? Hindi ba’t ang sabi mo sa akin noong isang buwan, parang siya na talaga ang para sa’yo dahil magkasundo kayo sa lahat ng bagay? Anong nangyari?” pang-uusisa pa nito dahilan upang siya’y mapakwento. 

“Eh, kasi isang beses, naisip kong manghingi ng picture niya, wala lang, bigla ko siyang gusto makita. Tapos todo tanggi siya, at dahil gusto ko nga makita itsura niya, pinilit ko siya. Nadismaya lang ako, friend, hindi gwapo. Hindi ko mairarampa sa kalsada at social media!” tugon niya dahilan upang mapailing ang kaniyang kaibigan. 

“Ayan ka na naman, eh, sa itsura ka na naman bumabase!” sermon nito sa kaniya saka siya bahagyang hinampas sa braso. 

“Hoy, isipin mo nga, ano na lang sasabihin ng mga ex ko sa akin? Ang gugwapo ng mga naging nobyo ko, ano!” giit niya saka humigop ng kape, napabuntong hininga na lang ang kaniyang kaibigan habang titig na titig sa kaniya kaya naman iniwas niya ang tingin at nagmasid sa kalsada. 

Kung pagsasama-samahin ang mga naging nobyo ng dalagang si Verna, maaari nang makabubuo na ng isang basketball team na pang modelo ang itsura at katawan ng mga miyembro. Mala-modelo rin naman kasi ang itsura niya, maputi, makapal ang kilay, natural at mapula ang labi, matangos ang ilong, balingkinitan ang katawan at may katangkaran dahilan upang makuha niya ang atensyon ng mga naggugwapuhang lalaki sa kanilang eskwelahan at lalawigan.

Ngunit sa dinami-dami ng lalaking nakarelasyon niya, wala ni isang tumagal kahit isang taon man lang. Kung hindi niya nahuhuling may kausap na ibang babae, iiwan na lang siya basta-basta ng mga ito. Kahit pa ganoon na ang ginagawa sa kaniya, hindi pa rin siya natuto at panay pa rin sa paghahanap ng gwapong binata. 

Laking tuwa niya nang may makapareha siya sa isang Dating App na talaga nga namang nakapalagayan niya ng loob. Parehas silang mahilig sa pagtugtog ng piano, parehas sila ng pangarap na maging piloto, at bukod sa lahat, palagi siyang pinapasaya nito dahilan upang labis na mahulog ang loob niya rito. 

Pero nang makita niya ang itsura nito, biglang nawala ang nararamdaman niya rito. Hindi kasi ito kaguwapuhan katulad ng kaniyang mga nobyo at nahihiya siya kung ito ang bagong nobyong ibibida niya sa kaniyang social media accounts. 

Noong araw ding ‘yon, sa sobrang inis ng kaniyang kaibigan, tahimik lang siyang pinagmasdan nitong maubos ang kaniyang kape. Nang matapos na siyang uminom, agad itong nagyayang maglakad-lakad, para naman daw maibsan ang inis na nararamdaman na agad niyang sinang-ayunan dahil alam niyang kagagawan niya ito. 

Habang sila’y naglalakad, umagaw ng atensyon niya ang isang matangkad na lalaking nakatalikod dahilan upang sabihin niya sa kaibigan, “Agnes, dali daan tayo roon, tapos itulak mo ako roon sa matangkad na lalaki!” saka niya hinila papunta sa kinatatayuan ng lalaki ang dalaga. 

Katulad ng sinabi niya, tinulak nga siya ng kaibigan sa naturang lalaki. Ngunit bago pa dumampi ang katawan niya rito, may tumawag sa pangalan ng lalaki, “Sir Benedict!” dahilan upang ito’y agad na maglakad. 

“Benedict?” sambit niya, naalala niya kasi ang lalaking nakakausap niya sa Dating App. 

“Bakit po? Sino po sila?” magalang na tanong nito, narinig pala nito ang kaniyang sinabi. 

“Ah, eh, wala po, wala po!” natataranta niyang sagot dahilan upang ngumiti ito at agad na umalis. 

“Agnes! Siya ‘yon!” sambit niya sa kaibigan habang sabay nilang pinagmamasdan kung saan ito papunta. 

Pumasok ito sa isang malaking gusali dahilan upang iangat nila ang kanilang mata at tumambad sa kanila ang malaking billboard na may mukha ng naturang binata. 

“Te-teka, siya ang may-ari ng kumpanyang iyan?” paninigurado niya at nang makita niya ang pangalan nito sa bandang baba ng billboard, doon na siya napaupo sa semento dahil sa panghihinayang na naramdaman. 

“Tama ‘yan, manghina ka lang para matuto ka! Pinakawalan mo ang isang diyamante para makabingwit ng graba na gwapo!” sermon ng kaniyang kaibigan dahilan upang siya’y makatulala na lang sa malaking billboard na iyon. 

More Stories