Matagal nang Nanliligaw sa Dalagang ito ang Isang Lalaki, Tunay kaya Siyang Nahintay nito?

“Hannah, may alam ka bang murang hotel sa Tagaytay?” tanong ni Krista sa kaniyang kaibigan, isang tanghali habang sila’y nanananghalian sa bahay nito. 

“Wala, eh, pero pwede naman akong mag-search sa internet, sabihan kita mamayang gabi kapag may nakita ako. Para kanino ba? May katrabaho ka na namang nagpapahanap ng hotel? Naku, dapat maningil na kamo tayo, sigurado ako, malaki ang kikitain natin sa ganiyan,” sambit nito saka humigop ng mainit na sabaw na kanilang niluto. 

“Ah, eh, hindi, para sana sa amin ni John,” nahihiya niyang tugon saka hinawi ang kaniyang buhok.

“Te-teka, kayo ni John, maghohotel? Nasa tamang pag-iisip ka ba? Hindi ba’t hindi mo pa sinasagot ‘yon? Naku, Krista, ha, umayos ka!” bulyaw nito sa kaniya dahilan upang siya’y magpigil ng ngiti.

“Hindi pa nga, pero balak ko na siyang sagutin sa Linggo kaya naghahanap ako ng hotel. Gusto kong ibigay ‘yong sarili ko bilang tugon sa matagal niyang panliligaw,” sagot niya rito dahilan upang bahagya na itong mapangiti.

“Sigurado ka ba d’yan?” tanong nito.

“Oo, naman, napamahal na rin naman ako sa kaniya,” nakangiti niyang sambit dahilan upang magalak ang kaibigang matagal nang nais siyang magkanobyo.

“O, sige, basta kapag may aberya, tawagan mo lang ako, ha? Teka, maghahanap na ako ng hotel!” galak na galak na sambit nito saka agad na kinuha ang selpon.

Advertisement

Walang inatupag sa buhay ang dalagang si Krista kung hindi ang maiangat sa buhay ang kaniyang pamilya. Nag-aral siyang mabuti kasabay nang pagsisimula niya ng maliit niyang negosyo na labis namang ikinatuwa ng kaniyang mga magulang. Ang libreng oras niya sa gabi, paminsa’y nilalaan niya pa sa paggawa ng proyekto ng iba upang makadagdag sa kaniyang ipon.

Ito ang dahilan kung bakit hindi niya mapagtuunan ng pansin ang pagpasok sa isang romantikong relasyon. Kahit pa maraming nagkakagusto sa kaniya dahil sa kagandahan at deteminasyon sa buhay na mayroon siya, lahat ng ito’y agad na sumusuko dahil bukod sa paminsan lang siyang magparamdam dahil sa pagiging abala sa pag-aaral at negosyo, hindi niya pa magawa ang kayang gawin ng ibang babae na isang yaya lang, sasama na agad.

Kaya naman, ngayong nakapagtapos na siya’t naiangat na sa kahirapan ang pamilya, nagdesisyon na siyang sagutin ang manliligaw na si John na sumuyo sa kaniya sa loob ng tatlong taon. Labis siyang napahanga ng binatang ito dahil kahit anong gawin niya, imbis na siya’y sukuan, sinusuportahan pa siya nito.

Ito ang naging dahilan upang mapagsiya na siyang sagutin ito sa pamamagitan ng pagbibigay ng sarili. Ika niya, “Tiyak, matutuwa siya, alam kong matagal na niyang gustong gawin namin ‘to. Salamat naman at nakapaghintay siya!”

Noong araw na ‘yon, nang makakita ng murang hotel sa Tagaytay ang kaniyang kaibigan, agad na siyang nagpa-book dito. Agad na niya ring sinabihan ang kaniyang manliligaw, sa kabutihang palad, wala rin itong gagawin sa Linggo dahilan upang ito’y sumang-ayon.

Ilang araw lang ang lumipas, dumating na nga ang araw ng Linggo, sabik na sabik siyang nag-ayos habang hinihintay ang binatang susundo sa kaniya.

Halos dalawang oras pa ang nakalipas, sila’y nakarating na sa naturang hotel at wala siyang sinayang na oras. Agad na niyang binigay sa binata ang sarili at laking tuwa naman niya dahil pansin niya ang kasiyahang mayroon ito.

Kinabukasan, nagising na lang siyang wala na ang naturang binata. Tanging isang sobre sa lamesa ang bumungad sa kaniya. Agad siyang napabalikwas at ito’y binasa.

Advertisement

“Pasensiya ka na, Krista, ayokong masayang ‘yong tatlong taon kong paghihirap sa pag-iintindi sa’yo kaya sinang-ayunan kita sa gusto mo, pero, hindi na ako maaaring pumasok sa isang relasyon kasama ka. Tatlong buwan na noong mabuntis ko ang kaibigan ko, pasensiya ka na, hindi kita nahintay,” mga katagang nakasulat sa puting papel na iyon na talaga nga namang dumurog sa kaniyang puso. 

Wala siyang maiiyak na luha noong mga oras na ‘yon dahil sa sakit na nararamdaman.

“Akala ko, ikaw na, akala ko, ikaw na!” paulit-ulit niyang sigaw habang hinahagis-hagis ang mga una sa kamang hinihigaan.

Nang magkaroon na siya ng lakas, agad niyang tinawagan ang kaibigan at ikinuwento ang nangyari. Alalang-alala ito sa kaniya dahilan upang agad siyang puntahan nito.

Agad siyang niyakap nito nang makita siyang tulala sa naturang silid na iyon. ‘Ika nito, “Hindi maiinip ang taong para sa’yo,” na labis na tumusok sa kaniyang puso dahilan upang maiiyak na niya ang sama ng loob na mayroon.