
Nagrebelde ang Dalagang ito dahil sa Kaniyang mga Magulang na Palaging Abala, Ito rin pala ang Magtatanggol sa Kaniya
“O, Athena, hindi ba’t kakauwi mo lang galing sa kaklase mo? Aalis ka na naman? Saan naman ang punta mo ngayon?” pang-uusisa ni Aling Dory sa anak, isang gabi nang mapansin niya itong nagsusuot ng sapatos sa kanilang sala.
“D’yan lang sa kaibigan ko sa kabilang barangay,” tipid na sagot ni Athena habang patuloy sa pagsisintas.
“Huwag mong sabihing mag-iinom ka na naman? Kababae mong tao palagi kang nasa inuman!” sermon pa nito sa kaniya dahilan upang siya’y makaramdam ng inis.
“Eh, ano naman? Bawal ba ako magsaya? Anong gusto niyo palagi lang akong nakakulong dito sa bahay? Lagi naman kayong wala rito, hindi ba?” tugon niya sa ina.
“Kasi naghahanap buhay kami ng papa mo!” sagot nito dahilan upang siya’y mapangisi.
“Hinahanap ko rin ‘yong buhay ko, kung saan ako sasaya, kaya huwag niyo akong pakialamanan!” sigaw niya saka nagmadaling lumabas ng kanilang bahay ngunit siya’y nahila ng ina at muling pinagsabihan.
“Athena, ayos lang na sulitin mo ang buhay dalaga mo, pero huwag mong hayaang masira nito ang buhay mo!” pangaral nito sa kaniya na hindi niya inintindi at agad na inalis ang kamay nito sa kaniyang braso.
“Sabing huwag mo akong pakialamanan!” bulyaw niya rito saka mabilis na naglakad palayo ng kanilang bahay.
Malayo ang loob ng dalagang si Athena sa kaniyang mga magulang. Kahit pa lahat ng gusto niya’y binibigay ng mga ito, hindi niya pa rin magawang kausapin ang mga ito nang maayos at may paggalang.
Simula kasi pagkabata niya, hindi siya naalagaan ng mga ito dahil sa negosiyong pinapatako sa Maynila.
Sa katunayan, mapahanggang sa ngayon, tandang-tanda niya kung paano siya manlimos ng oras sa kaniyang mga magulang noong siya’y nasa elementarya pa lamang at may mga aktibidad na kailangan ng magulang. Palaging sinasabi ng kaniyang ina, “Pasensiya na, anak, si lola muna ang dadalo, may pagpupulong pa kami ni papa mo sa isang malaking kumpanya, eh. Pangako, babawi kami,” na labis na ikinasama ng kaniyang loob.
Simula noon, tinatak niya sa isip na para sa kaniyang mga magulang, mas importante ang kanilang negosyo kaysa sa kaniya dahilan upang nang tumuntong siya sa kolehiyo, siya’y tuluyan nang magrebelde.
Ang perang binibigay ng kaniyang mga magulang, ginagasta niya sa alak at yosi na para sa kaniya, nakapagbibigay sa kaniya ng saya na hindi maibigay ng kaniyang mga magulang.
Doon na nagsimulang mag-iba ang pakikitungo niya sa kaniyang mga magulang, kung dati’y tinatago niya pa ang sama ng loob, ngayo’y isinusumbat na niya ito. Palagi na rin siyang nakasagot sa kaniyang ina tuwing pinapangaralan at tuwing kakausapin naman siya ng kaniyang ama, hindi niya ito iniimik dahilan upang labis na mag-alala ang mga ito sa kaniya. Ngunit imbis na matuwa sa atensyong binibigay ng mga ito sa kaniya ngayon, para sa kaniya, pagpapakitang tao lamang ito.
Noong gabing iyon, masaya siyang nakipag-inuman sa kaniyang mga kaibigan. May bagong salta pang mga lalaking nagpapakita ng motibo sa kaniya dahilan upang labis siyang matuwa sa selebrasyon na iyon.
Kinaumagahan, nagising na lang siya dahil sa bunganga ng kaniyang ina sa labas ng bahay ng kaniyang kaibigan dahilan upang agad siyang mainis.
“Ano ba? Alam mo bang alas singko pa lang ng umaga? Saka, wala ka sa bahay mo, kaya tumahimik ka!” sigaw niya sa kaniyang ina.
“Ikaw ang tumahimik, Athena, dahil uuwi na tayo!” bulyaw nito sa kaniya habang masama ang tingin sa kaniyang mga kaibigan dahilan upang siya’y magtaka at tignan din ang mga ito, “Mukhang hindi mo pa alam ang ginawa sa’yo ng mga tinuturing mong kaibigan! Ito, panuorin mo!” dagdag pa nito saka ipinakita sa kaniya ang isang bidyong nasa social media na.
Ganoon na lang siya nanlumo nang makita ang walang saplot niyang katawan sa bidyong iyon habang binababoy ng isa sa mga dayong lalaki at tuwang-tuwa pa ang kaniyang mga kaibigan habang siya’y walang malay dahil sa kalasingan.
Wala siyang magawa kung hindi ang mapaupo na lang at yakapin ang kaniyang sarili habang ang nanay niya’y nagwawala at pinapaamin kung sino ang nag-upload ng bidyong iyon.
“Walang aamin? Walang magbubura? Pwes, magkita-kita tayo sa korte! Mga walang puso!” sigaw pa nito saka siya kinaladkad patungo sa kanilang kotse.
Hinanda na niya ang sarili sa walang katapusang sermon ngunit kabaligtaran ang nangyari pagdating nila sa bahay. Agad siyang niyakap ng kaniyang ina’t ama habang paulit-ulit na humihingi ng pasensya.
“Sisiguraduhin kong mananagot silang lahat,” mangiyakngiyak na sambit ng kaniyang ina habang siya’y yakap-yakap na labis niyang ikinaiyak.
Katulad ng pinangako ng kaniyang ina, nasampahan nga ng kaso ang kaniyang mga kaibigan, lalo na ang gumalaw sa kaniya at ang nag-upload ng naturang bidyo sa social media.
Wala man siyang kaibigan ngayon, nalaman niya kung gaano pala talaga siya kamahal ng kaniyang mga magulang.