Sinasaktan ng Lalaking Ito ang Asawa sa Harap ng Kanilang Anak, Ito ang Nagsumbong ng Katiwalian Niya

Sinasaktan ng Lalaking Ito ang Asawa sa Harap ng Kanilang Anak, Ito ang Nagsumbong ng Katiwalian Niya

FamilyKarmaStories

“Wala na naman tayong ulam, Agnes? Hindi mo ba naiisip na baka gutom ako pagkauwi galing trabaho, ha?” galit na bulyaw ni Tyrone sa kaniyang asawa, isang hapon nang umuwi siyang walang nakahandang ulam. 

“Eh, wala ka namang iniwang pera, Tyrone. Kila mama na nga lang kami nakikain ng anak mo kanina kasi kahit bigas, wala tayo,” kalmadong sagot nito habang binibihisan ang bagong paligo nilang anak. 

“Anong wala? Hindi ba’t kahapon lang nag-abot ako sa’yo ng dalawang daang piso? Saan mo ginastos ‘yon? Ikaw talaga, hindi mo magawang tipirin ang perang binibigay sa’yo!” bulyaw niya pa rito dahilan upang mapatakip na lang ng tainga ang kaniyang anak dahil sa lakas ng boses niya. 

“Malamang ipinangbili ko ng pagkain natin kahapon! Doon ko pa kinuha ang pangbaon ng anak mo at pamasahe niya papuntang school!” sigaw nito sa kaniya nang makitang tila naapektuhan ang kanilang anak dahilan upang unti-unti siyang lumapit dito. 

“O, bakit mo ako sinisigawan? Lalaban ka na ba?” tanong niya rito habang sinasabunutan ito. 

“Tama na, Tyrone, pinapakita mo na naman kay Clyde na sinasaktan mo ako!” mangiyakngiyak na sigaw nito habang pilit na tinatanggal ang kaniyang kamay. 

“Ayaw mo no’n? Para malaman niya kung gaano ka kairesponsableng ilaw ng tahanan!” sigaw niya sa mukha ng asawa saka binitawan ang buhok nito at sinampal ng malakas, “Clyde! Halika sumama ka sa akin sa bangko, gutumin natin ang nanay mong walang kwenta!” tawag niya sa anak, agad naman itong lumapit sa kaniya at sumama palabas. 

Halos araw-araw napagbubuhatan ng kamay ng padre de pamilyang si Tyrone ang kaniyang asawa. Pilit man niyang pinipigilan ang sarili lalo na kapag andoon ang kanilang anim na taong gulang na anak, hindi niya makontrol ang sarili lalo na kapag usapang pera ang kanilang pinagtatalunan. 

Nais niya kasing magtipid ang kaniyang asawa sa paggastos ng perang binibigay niya dahil palagi na lang siyang nauubusan ng pera.

Gusto niyang ang dalawang daang pisong inaabot niya kada makalawahan, mapagkasiya nito para sa kanilang pagkain at baon at pamasahe ng kanilang anak na hindi magawa nito dahil sa taas ng bilihin na lingid sa kaalaman niya pagkat palagi lamang siyang nasa opisina. 

Noong hapon ding ‘yon, agad siyang nagtungo sa bangko upang kumuha ng pera kasama ang kaniyang anak. Balak niyang kumain sa labas kasama ito upang huwag sumama ang tingin nito sa kaniya at gutumin ang asawa niyang kinaiinisan niya. 

“Gusto mo ba ng burger, anak? Bibili kita mamaya, ha?” sambit niya rito, ngumiti lang ito saka tumango-tango sa kaniya. 

Ngunit habang sila’y nakapila sa ATM machine ng naturang bangko, nagulat na lang siyang biglang magsalita ang kaniyang anak. 

“Pulis po ba kayo? Gusto ko po maging katulad niyo paglaki ko para mahuli ko po ‘tong daddy kong laging sinasaktan si mommy,” tuloy-tuloy na wika nito na labis niyang ikinagulat pati na ng pulis na nasa likuran niya dahilan upang takpan niya ang bibig ng kaniyang anak. 

“Ah, eh, palabiro po talaga ‘tong anak ko, ma’am,” patawa-tawa niyang sambit sa pulis na babae.  

“Hindi ako nagbibiro, daddy, umiiyak nga si mommy pag-alis natin dahil sa sampal mo, hindi ba?” pagpupumilit ng walang muwang niyang anak. 

“Sir, pwede ko bang makausap ang misis niyo?” magalang na tanong ng naturang pulis dahilan upang siya’y kabahan na. 

“Naku, ma’am, huwag po kayong magpapaniwala sa anak kong ‘to,” kamot-ulo niyang sagot. 

“Ipakausap niyo na lang po sa akin ang asawa niyo, sir, saan po kayo nakatira?” pagpupumilit nito habang may tinatawagan na sa selpon. 

Wala na siyang nagawa kung hindi ang isama ang naturang pulis na ito sa kanilang bahay. Habang nasa daan, malamig na pawis ang tumutulo mula sa kaniyang ulo habang kinakausap ng pulis na ito ang kaniyang anak. 

Nang makarating na sila sa bahay, naabutan nilang nakatulala ang kaniyang asawa, bakas pa sa mukha nito ang palad niya dahilan upang mapabuntong hininga na lamang siya. ‘Ika niya, “Kung minamalas ka nga naman!” 

Ilang minuto lang kinausap ng naturang pulis ang kaniyang asawa at pagkatapos noon, agad na siyang dinakip ng mga pulis na naghihintay sa labas ng kanilang bahay. Nagpumiglas man siya, wala siyang magawa ng sabihin ng kaniyang asawa, “Tama na, Tyrone, kailangan mo talagang pagbayaran lahat ng ginawa mo sa akin at pinakita mo sa anak mo,” dahilan upang tuluyan na siyang sumama sa mga pulis. 

Ganoon na lang ang pagsisisi niya nang siya’y makausap na ng pulis, doon niya napagtantong bukod sa nasira niya ang kanilang pamilya, tila nalamatan niya ang pag-iisip ng kaniyang anak. 

Pilit man niyang naising maipakita ang pagbabago niya sa kaniyang mag-ina, hindi niya magawa dahil siya’y nakulong na sa rehas. 

More Stories