Nanggagalaiti ang Dalagang Ito sa Papansin Niyang Pinsan, May Malubha Pala Itong Karamdaman

“Mariel, tingnan mo si Ninya o, humaharot na naman sa mga kaibigan nating lalaki. Ganyan ba talaga ‘yang pinsan mo? Parang uhaw sa atensyon, eh,” nguso ni Sally sa kaibigan nang minsang mapansing nakikipagkwentuhan na ang pinsan nito sa kanilang mga kaibigan. 

“Naku, hindi naman talaga ‘yan ganyan. Lumalabas lang talaga ang pagkapapansin niya kapag may mga lalaki akong kasama rito sa bahay,” sagot ni Mariel saka masamang tiningnan ang pinsan.”Hindi ba siya nahihiya?” tanong nito sa kaniya. 

“Ewan ko ba d’yan! Kaya nga lagi kaming magkaaway niyan, eh, mantakin mo, ha, may nobyo na siya, nakikipagharutan pa siya sa dating nobyo ko. Kaya kami naghiwalay no’n, eh, tapos sasabihin niya, nakikipagkwentuhan lang daw siya? Eh, kung makahampas may simpleng paghaplos sa bisig!” inis niyang tugon dahilan upang mapailing ang kaniyang kaibigan.

“Eh, paano tayo niyan mamaya? Mag-iinuman pa naman tayo,” tanong pa nito. “Akong bahala, planado ko na ‘to,” sambit niya, bakas sa kaniyang mukha ang labis na pagkainis habang pinagmamasdan ang pinsang malakas na tumatawa sa harapan ng kanilang mga kaibigang lalaki.

Halos tatlong taon nang naninirahan sa bahay nila Mariel ang pinsang tinagurian niyang “papansin sa mga lalaki”.

Sa katunayan, malapit naman talaga sila sa isa’t-isa noon, lagi silang sabay pumasok sa eskwela, sabay kumain tuwing tanghalian, sabay umuwi, at marami pang gawain na sabay nilang ginagawa. Ngunit nang mapatira na ito sa bahay nila, unti-unting kumulo ang dugo niya rito.

Bukod kasi sa lumabas ang katamaran nito, halos lumabas din ang kaharutan nito sa tuwing may mga lalaking pupunta sa kanilang bahay. Ika naman ng kaniyang ina, “Hayaan mo na, Mariel, intindihin mo na lang, alam mo namang masakit ang mawalan ng mga magulang. Baka sa ganyang paraan niya nakakalimutan ang sakit na iyon,” dahilan upang labis pa siyang mainis dito, pakiramdaman niya kasi, kinakampihan pa ito ng kaniyang ina.

Noong araw ding ‘yon, nang makumpleto na ang kaniyang mga kaibigan, napagpasiyahan na nilang magdiwang. Ang iba’y naghanda na ng kanilang mga kakainin at iinuming alak, ang iba naman’y naghahanda na rin ng kanilang mga gagamitin sa palarong naisip.

Advertisement

Habang abala ang lahat, nakita ni Mariel na malagkit ang tingin ng kaniyang pinsan sa isa sa mga kaibigan niyang lalaki dahilan upang gawin na niya ang kaniyang plano. Kumuha siya ng isang basong alak, hinaluan niya ito ng pampatulog na gamot saka niya ito itinabi sa gilid ng lamesa.

“Ewan ko lang kung makakalandi ka pa ngayong gabi,” sambit niya, bigla naman itong napatingin sa kaniya dahilan upang mapangiti siya rito ng pilit.

Nagsimula na nga silang magdiwang. Nakaisip ang kaniyang mga kaibigan ng isang palaro at kung sino ang matatalo, pipili ng pagkaing kakainin bilang parusa. Sa kasamaang palad, ang grupo niya ang natalo, ang iba niyang mga kakampi’y pinakain ng luya, bawang, at sibuyas ngunit nang siya na ang paparusahan, napili niya ang sili dahilan upang mapailing na lang siya’t magtawanan ang kaniyang mga kaibigan.

Pikit mata niyang nginuya ang isang buong pulang sili at nang makaramdam ng anghang, nagsisisigaw siya’t humihingi ng maiinom. Agad naman siyang binigyan ng inumin ng kaniyang pinsan, dali-dali niya itong ininom upang maibsan ang anghang na nararamdaman.

Ngunit bigla niyang namukhaan ang basong hawak niya dahilan upang agad niyang tingnan ang tinimpla niyang alak sa gilid ng lamesa.

“Huwag kang mag-alala, Mariel, ‘yan yung tinimpla mo kanina, hindi ko ‘yan…” hindi na niya nagawang mapakinggan ang sinasabi ng kaniyang pinsan dahil nawalan na agad siya ng malay. 

Kinabukasan, nagising na lang siyang maayos na ang kanilang bahay. Agad siyang bumangon at nakita niyang nag-aalmusal na ang kaniyang ina kasama ang kaniyang pinsan dahilan upang lalo siyang mainis.

“Sinadya mong ipainom sa akin ‘yon para hindi ako makapagsaya kagabi, ano?” sambit niya dahilan upang magulat ang kaniyang ina’t pinsan. Hindi na niya pinasagot ang pinsan at agad niyang hinablot ang buhok nito na ikinagalit naman ng kaniyang ina.

Advertisement

“Mariel!” sigaw nito saka siya hinila papunta sa kaniyang silid.

Kinausap siya nito at pinagsabihan. Doon niya nalamang may problema na pala sa pag-iisip ang pinsan niyang ‘yon dahil sa pagkawala ng mga magulang nito.

“Pa-paano niyo po nalaman?” hindi siya lubos makapaniwala sa balitang narinig.

“Hindi na ‘yon importante, ang dapat mong gawin, tulungan siyang bumalik sa dating pag-iisip,” sambit nito, agad naman niyang pinuntahan ang pinsan at nakita niyang nagsasalita ito mag-isa. Mangiyakngiyak niya itong niyakap saka sinabing, “Patawarin mo ako, Ninya.”