Naghimutok Siya Dahil Hindi Napagbigyan ng Magulang; Napahiya Siya nang Malaman ang Totoo

Asar na ibinalibag ni Emil ang pinto ng kaniyang kwarto. Umupo siya sa kaniyang kama.

Nagtalo kasi sila ng kaniyang mommy at daddy. Masyado raw mahal ang computer na ipinabibili niya. Ibibili raw siya pero yung mas mura ng kaunti.

Natural ayaw niyang pumayag. ‘Yun talaga ang napili niya kahit na alam niyang may kamahalan kasi ‘yun daw ang pinakamaganda para sa online class sabi ng mga kaklase niya.

Isa pa, halos wala naman ang mga itong oras sa kaniya dahil subsob ang mga ito sa trabaho. Kaya papaanong hindi nila mabili kung ano mang gusto niya?

“Nakakabwisit naman!” Naghihimutok niyang ibinagsak ang katawan sa malambot niyang kama.

“Emil, anak?” Narinig niyang tawag ng kaniyang mommy mula sa labas.

Hindi niya ito pinansin at nagkunwari siyang walang naririnig. Nagpatuloy ito sa pagkatok.

Marahil ay napagod ito sa kakakatok dahil pagkaraan ng ilang minuto ay huminto din ito bago niya narinig ang papalayong hakbang nito.

Advertisement

Nakatulog siya nang nakasimangot dahil sa kaniyang kapritsong tila hindi mapagbigyan ng kaniyang mga magulang.

Sabado. Huling weekend bago magsimula ang online class nila. Nakatanggap si Emil ng mensahe mula sa kaniyang kababata na si Edward. Maglaro raw sila ng online games sa bahay nito.

“Punta lang po ako sa bahay nila Edward.” Hindi lumilingong wika niya sa mga magulang na kasalakuyang kumakain ng almusal.

Masama pa rin ang loob niya sa mga magulang. Hindi niya pa rin matanggap na hindi siya mapagbigyan ng mga magulang.

“Bro! Musta?” Bungad sa kaniya ng kababata nang pagbuksan siya ng pinto. 

“Badtrip, bro.” Nakasimangot siyang umupo sa sofa nito.

“Bakit?” Kunot noo nitong usisa.

“Basta, bro! Nakakainis sila mommy.” Reklamo niya rito.

Advertisement

“Oo nga pala, nabili mo na ba ‘yung sinasabi mong computer na gusto mo?” Tanong ng kaniyang kaibigan.

“‘Yun nga yung kinaiinis ko, e.” Bumalik ang simangot sa mukha ni Emil. “Ibang computer daw muna ibibili nila sa akin, mahal daw masyado ang pinapabili ko.” Nakangusong sumbong niya sa kaibigan.

Natawa ito. “Grabe ka naman, bro! Ano namang pingahihimutok mo diyan? Buti ka nga ibibili pa, marami diyan, ni hindi man lang makapagpatuloy ng pag-aaral kasi kahit lumang computer hindi sila maibili ng magulang nila.”

Tumayo ito. “Tara sa kwarto, may ipapakita ako sa’yo.” Aya nito sa kaniya.

Iminuwestra nito ang computer na nakalagay sa maliit nitong lamesa sa kwarto.

“Eto lang yung nakayanan ibili sa akin nila tatay.”

Nakita niya ang isang simpleng computer. Sa tingin niya ay second hand ito.

“Second hand lang ito, bro. Pero malaki pa rin ang pasasalamat ko sa mga magulang ko kasi patuloy sila sa pagtatrabaho para matustusan ang pangangailangan naming magkakapatid,” paliwanag nito.

Advertisement

“Saka kung mahal mo ang magulang mo, dapat intindihin mo rin ang mga desisyon nila. Lagi naman silang may dahilan kapag hindi nila naibibigay ang mga gusto natin.” Patuloy na pangangaral sa kaniya ng kaibigan.

“Sa akin, sabi nila tatay eh dahil nga may pandemya, kinailangan ng kompanya nila na magbawas ng sweldo para hindi nila kailangan magtanggal ng mga tao.” Maya-maya ay tila nag-iisip na huminto ang kaibigan.

“Teka, sa iisang kompanya nagtatrabaho ang mga magulang natin, ‘di ba? Malamang iyon ang rason nila kaya hindi ka nila maibili ng computer na gusto mo,” pumapalatak na sabi ng kaibigan. 

Nag-isip naman si Emil. Hindi niya nga man lang dininig ang dahilan ng magulang kung bakit hindi nila maibigay ang gusto niyang computer, samantalang iyon ang unang pagkakataon na hindi siya napagbigyan ng kaniyang mommy at daddy.

Napahiya si Emil sa sinabi ng kaniyang kaibigan. Nahiya siya sa kaniyang sarili, at higit sa lahat, napahiya siya sa mga magulang. 

Habang naglalaro sila ng kaibigan ay hindi mawala sa isip ni Emil ang mga sinabi ng kaibigan.

Kaya naman napadesisyunan niyang humingi ng dispensa sa kaniyang mga magulang.

Pag-uwi niya sa bahay ay naghahapunan ang mga magulang. Agad siyang ipinaghain ng kaniyang mommy.

Advertisement

Hindi na siya nagpatumpik-tumpik pa. “Mommy, daddy… sorry po sa inasal ko kagabi. Mali po na ipilit kong bumili ng mahal na computer kung hindi naman po talaga natin kaya. Okay lang po kahit mumurahin na computer lang ang bilhin natin.” 

Maunawaing ngumiti naman ang kaniyang ama. Misteryosong ngiti naman ang iginawad ng kaniyang ina dito ng magkatinginan ang mga ito, bagay na ipinagtaka ni Emil.

“Mabuti naman at naiintindihan mo, anak. Natutuwa kami ng daddy mo na marinig ‘yan.” Matamis ang ngiti ng kaniyang ina.

Masaya nilang tinapos ang hapunan habang nagkukwentuhan.

Nakangiting pumasok sa kaniyang silid si Emil nang gabing iyon. Tila mabigat na bagay ang naalis sa kaniyang dibdib. 

Umupo siya sa kaniyang kama ngunit agad na napabalikwas nang may mapansin sa kaniyang lamesa.

Nanlaki ang kaniyang nang busisiin ang bagong bagong computer sa kaniyang lamesa. 

“Mommy! Daddy!” Napasigaw siya sa pagkabigla. Ang computer kasi na iyon ang eksaktong modelo ng computer na ipinabibili niya!

Advertisement

“Nakita mo na ang surpresa namin sayo?” Nakangiting sumilip sa kaniyang silid ang kaniyang ina. 

Niyakap niya sa sobrang tuwa ang mga magulang. Mahal na mahal talaga siya ng mga ito.

“Mahal na mahal ka namin, anak. Gusto naman ay masaya ka.” Wika ng kaniyang ama.

Napahikbi naman si Emil. “Mahal na mahal ko rin po kayo.”