Palaging May Naliligaw na mga Baka sa Bakuran ng Bahay ng Mag-Ama; Ito pala ang Magiging Dahilan ng Kanilang Pag-Asenso

Palaging May Naliligaw na mga Baka sa Bakuran ng Bahay ng Mag-Ama; Ito pala ang Magiging Dahilan ng Kanilang Pag-Asenso

InspiringStoriesSuccess

Maagang-maaga pa lamang ay gising na si Mang Kadyo para ipastol ang kaniyang nag-iisang baka. Dinala niya ito sa isang bukirin na hitik sa damo. Matapos ang ilang oras ay inuwi na rin niya ito upang gatasan. 

“Inumin mo na ang gatas na ito, anak. Bumili rin ako ng pandesal para sa agahan mo, kumain ka na. Pupunta lang ako saglit kina Ka Minyong at magtatanong ako kung may trabaho ngayong araw para makaekstra man lang. Pasensiya ka na at tuyo na naman ang ulam para sa tanghalian,” sambit ni Mang Kadyo sa anak na si Junior. 

“Huwag na po kayong mag-alala sa akin, ‘tay. Ayos lamang po ako. Hati na po tayo dito sa pandesal. Kumain muna kayo bago umalis,” saad ng bata. 

“Sige na, anak, at uminom na rin ako ng gatas. Kainin mo na ang lahat ng iyan,” sambit pa ng ama habang naggagayak sa pag-alis. 

“Itatali ko na muna dito ang baka natin, anak. Tingnan-tingnan mo na lang at baka mamaya’y matanggal ang lubid sa pagkakatali at makawala ito,” bilin ng ama at saka tuluyan nang umalis. 

Maagang yumao ang asawa ni Mang Kadyo na si Aling Celia dahil sa isang karamdaman. Mahirap lamang kasi ang kanilang pamilya at hindi na nagawa pang maipagamot ni Mang Kadyo ang karamdaman sa atay ng kaniyang asawa. Mula noon ay mag-isa na lamang niyang itinaguyod ang kaniyang nag-iisang anak. 

Umeekstra lamang sa pagkakarpintero itong si Mang Kadyo. Kapag walang trabaho ay nagpupunta siya sa ilog upang mamansing ng mga isdang maaaring ibenta. Ngunit madalang lamang ang mga isda kaya hindi rin gano’n kalaki ang kita. 

Nang makarating si Mang Kadyo ay nalungkot ito nang malamang walang trabaho para sa kaniya ngayong araw. Muli siyang umiisip ng paraan upang bukas ay may ipangbuhay siya sa kaniyang anak. 

“‘Tay, bakit ang aga niyo po ngayon? Wala po bang trabaho kina Ka Minyong?” bungad ng anak. 

“Oo, anak, e. Ito at nag-iisip ako ng paraan para sa mga susunod na araw ay may panggastos tayo,” wika pa ng ginoo. 

Nakatingin siya sa kaniyang baka at napansin ito ng kaniyang anak. 

“Balak niyo po bang ibenta ang baka natin, ‘tay? Huwag naman po. Dahil po sa bakang ito ay nakakainom ako ng masustansyang gatas. Saka kawawa naman po siya baka katayin lang,” wika pa ni Junior. 

“Patawad kung naisip kong ibenta ang baka natin. Hindi ko na kasi alam ang gagawin ko. Nahihiya na rin ako sa iyo sapagkat hindi man lamang kita mapag-aral. Hindi ko man lamang masigurado sa iyo ang magandang bukas,” malungkot na sambit ng ama. 

“Hindi naman po ako nagdadamdam sa inyo, ‘tay. Nauunawaan ko po,” sagot ng bata. 

Napabuntong hininga na lamang si Mang Kadyo. Kahit ganito kasi ang sagot ng kaniyang anak ay alam niyang nahihirapan din ito. 

Kinaubukasan ay maagang gumising muli si Mang Kadyo upang ipastol ang kanilang baka. Laking pagtataka niya nang dalawang baka na ang nasa harap ng kanilang bahay. 

“Kanino kaya ang bakang ito?” tanong ng ginoo. 

Dahil mag-iisang oras na at wala pa ring kumukuha sa baka’y naisipan na lamang niyang isama ito na pakainin ng damo. 

Pagkatapos ay saka rin niya ito ginatasan. Ibinigay niya ang isang bote sa kaniyang anak ay ipinamahagi naman sa ilang bata ang natira. 

Hanggang sa kinahapunan ay may isang lalaki nagtungo sa kanilang bahay upang kunin ang baka. Isa pala ito sa mga bakang nawawala mula sa isang malapit na farm. Malugod naman itong ibinalik ng ginoo.

“Ginatasan ko ang bakang iyan. Pasensiya na at naipamigay ko na kasi. Kung gusto mo ay gagatasan ko na lang ang baka ko para ipalit sa gatas na nakuha ko sa baka ninyo,” wika ni Mang Kadyo. 

Ngunit tumanggi na ang lalaki at humingi na lang ng paumanhin sa ginoo. 

Kinabukasan ay ganito na naman ang nangyari. Ngunit sa pagkakataong ito ay tatlong baka na ang nakatakas sa nasabing farm at naroon sa tapat ng ganiyang bahay. Muli ay sinama niya ito sa pagpapastol at hinintay na lamang ang mga tauhan ng farm na kunin ang naturang baka. 

“Paumanhin po sa inyo, ginoo, kung nakakaabala ang mga baka namin. May nasira kasing bakod kaya nakakatakas sila,” saad ng lalaki. 

“Walang anuman. Mas mainam na dito na sila mapunta upang makuha niyo silang muli,” tugon ni Mang Kadyo. 

“Hayaan niyo at gawa na ang bakod kaya hindi na kayo maiistorbo ng mga baka namin,” saad pa ng lalaki. 

Ngunit kinabukasan ay muling nagpuntahan ang mga bakang ito sa bakuran ni Mang Kadyo. Tamang-tama dahil muling nagpuntahan ang mga batang binigyan niya ng gatas upang muling humingi sa kaniya. 

“Hindi sa akin ang mga bakang ito. Sa tingin ko naman ay hindi ito ikakagalit ng may-ari kung isang bote lang naman. Sasabihin ko na lang sa kaniya mamaya pagsundo niya sa mga baka,” wika ni Mang Kadyo. 

Habang ginagatasan ni Mang Kadyo ang mga baka ay siyang dating ng isang lalaki. Hindi na ito ang tauhan ng farm kung hindi ang mismong may-ari. 

“Pasensiya na po kayo, ginoo. Kinuhaan ko lang po ng kaunting gatas para po dito sa mga bata,” pakiusap ni Mang Kadyo. 

“Ayos lamang sa akin,” wika ng matandang may-ari. 

“Narito lang ako upang tingnan kung bakit patuloy na binubutas ng mga alaga ko ang bakod at saka magpupunta dito. Sa tingin ko ay gusto nila ang pag-aalaga mo,” sambit ng ginoo. 

“Gusto mo bang magtrabaho sa farm ko? Sa tingin ko ay kailangan ko ng isang magaling at mapag-alagang tauhan na kagaya mo. Huwag kang mag-alala at maayos akong magpasahod. Marami rin akong ibinibigay na benepisyo sa aking mga empleyado,” sambit ng matandang ginoo. 

Hindi makapaniwala si Mang Kadyo sa alok ng matanda. Magandang pagkakataon ito upang tuluyan na niyang mapag-aral ang kaniyang anak at mabigyan ito ng magandang buhay. 

Bukod sa malaking sweldo ay binigyan si Mang Kadyo at ang kaniyang anak ng isang maliit na bahay sa farm. Ginawang tagapamahala si Mang Kadyo ng naturang farm. At dahil sa kaniyang sipag at tiyaga sa pag-aalaga ng mga naturang hayop ay lalong umasenso ang negosyo ng matanda. 

Nang makaipon ay bumili rin ng mga baka itong si Mang Kadyo. Imbis na ibenta ang mga baka upang katayin ay kinuhaan niya ito ng gatas at kaniyang ibinenta sa merkado sa murang halaga. 

Ang nais kasi niya’y makatikim din ang mga taong salat sa buhay na tulad nila noon ng sariwa at masustansiyang gatas. 

Patuloy ang naging pag-asenso ni Mang Kadyo. Labis ang kaniyang pasasalamat sa mga bakang naliligaw sa kanilang bakuran. Kung hindi dahil sa mga ito’y hindi sana nila tatamasahin ang buhay na mayroon sila ngayon. 

More Stories