Nag-Asawa Muli ang Ginoo dahil Sampung Taon nang Comatose si Misis; Paggising Nito’y Masisiwalat ang Katotohanan

Nag-Asawa Muli ang Ginoo dahil Sampung Taon nang Comatose si Misis; Paggising Nito’y Masisiwalat ang Katotohanan

FamilyLoveStories

Humahangos sa pagmamadali ang mag-amang sina Arthur at Katie. Nakatanggap kasi sila ng tawag mula sa ospital. Sa loob kasi ng sampung taong pagkaka-comatose dahil sa isang matinding aksidente ay nagising na rin ang ilaw ng tahanan na si Judith. 

Magkahalong saya at pangamba ang kanilang nararamdaman. Maligaya sila sapagkat sa wakas ay may malay na ang ginang ngunit hindi nila alam kung paano sasabihin dito ang buong katotohanan. 

Sa tagal kasi ng panahon ay nagkaroon na ng ibang kinakasama itong si Arthur. 

“Pa, paano natin sasabihin kay mommy?” tanong ng dalaga sa kaniyang ama. 

“Sa ngayon ay hindi ko muna ito iniintindi. Kailangang tulungan muna natin ang mommy mo na maging mas maayos ang kaniyang kalagayan,” tugon naman ni Arthur. 

“Hindi ba mas kailangan niyang malaman? Kapag tuluyan nang makauwi si mommy ay paano natin sasabihin ang tungkol kay Tita Sandra,” muling sambit ni Katie. 

“Ayoko munang isipin ang lahat ng iyan ngayon. Hindi pa natin pwedeng sabihin ‘yan sa mommy mo dahil baka kung ano ang mangyari sa kaniya. Sa ngayon ay kakausapin ko muna ang Tita Sandra. Iisip muna ako ng paraan kung ano ang kailangan nating gawin,” sagot ng ama. 

Tila nawala ang lahat ng kanilang inaalala nang sa wakas ay tuluyan na nilang masilayan ang ginang. Nanghihina man ito’y pilit niyang sinalubong ng matamis na ngiti ang kaniyang asawa. 

“Sampung taon, Judith. Hindi pa rin ako makapaniwala na narito ka na,” saad ng ginoo. 

“Napakatagal na panahon nga no’n. Ang daming kaganapan ang hindi ko man lang natunghayan. Ngayong narito na ako’y babawi talaga ako sa iyo. Nga pala, nasaan na si Katie?” sambit ng ginang. 

Marahang lumapit si Katie sa kaniyang ina. 

“A-ako po si Katie, ma. Masayang-masaya po ako dahil sa wakas ay narito na kayong muli sa amin!” naiiyak na sambit ng dalaga. 

“Dalaga ka na pala. Ang natatandaan ko ngayon ay ‘yung batang Katie pa rin. Halika nga dito at nang mayakap naman kita, anak,” sambit pa ng ginang.

Sa pagkakataong iyon ay hindi na naiwasan pa ng mag-anak na pare-parehong tumulo ang kanilang mga luha dahil sa kaligayahan. 

“Hayaan mo, anak, at babawi ako sa’yo. Babawi sa’yo si mommy, ha. Kaunting panahon na lang at ako na ang lagi mong makakasama. Marami tayong kailangang pag-usapan,” lumuluhang sambit ni Judith. 

Kailangan pa ni Judith na manatili sa ospital para sa tuluyan niyang paggaling. 

Samantala’y kinausap ni Arthur ang kinasakasama tungkol sa kanilang sitwasyon. 

“Bakit ako kailangang umalis ng bahay na ito, Arthur? Kailangang malaman ni Judith na wala na siyang parte sa pamamahay na ito. Sa loob ng limang taon ay ako ang nagpuno ng lahat ng pagkukulang niya! Tapos ay basta mo na lang akong paaalisin?” sambit ni Sandra. 

“Hindi naman kita pinapaalis, Sandra. Ikukuha kita ng apartment. Doon ka na muna habang nagpapagaling si Judith. Mas makabubuti ito upang mas mapabilis ang kaniyang paggaling. Sa ngayon ay unawain mo muna ang sitwasyon,” pakiusap ng ginoo. 

“Hindi ako makakapayag, Arthur! Hindi ako aalis ng bahay na ito! Sa pagtuntong ko pa lamang sa pamamahay na ito’y nawalan na siya ng karapatan sa inyo! Sinasabi ko sa iyo, Arthur, hindi mo na lang ako basta mapapaalis,” wika pa ni Sandra. 

Lingid sa kanilang kaalaman ay narinig ito ni Katie. Kaya nang makakuha ng tiyempo ay kinausap niya ang kaniyang ama. 

“Bakit hindi mo na lang hiwalayan si Tita Sandra, pa? Hindi naman siya naging mabuting asawa sa iyo at hindi rin naman siya naging mabuting ina sa akin. Iba pa rin si mommy. Higit sa lahat ay hindi niyo ba naisip kung ano ang mararamdaman ni mommy kapag malaman niyang ipinagpalit niyo siya sa matalik niyang kaibigan?” saad ng dalaga. 

“Oo nga. Pero may punto rin kasi ang Tita Sandra mo. Noong mga panahon na kailangan ko ng katuwang sa pagpapalaki sa iyo’y siya ang nariyan. Mahal niya tayo kaya hindi mo rin maiiwas sa kaniya ang magdamdam,” paliwanag ng ama. 

Labis na naguguluhan si Arthur sa sitwasyon. Ilang beses man niyang kinumbinsi si Sandra ay labis ang pagtutol nito. Dahil na rin malapit nang umuwi ng bahay si Judith ay sapilitan nang inilipat ni Arthur si Sandra sa isang apartment. 

Inayos ng mag-ama ang kanilang bahay upang hindi makahalata si Judith. Mababanaag mo sa mukha ang labis na pagkasabik na makitang muli ang kanilang bahay. 

Si Arthur at Katie mismo ang nag-aalaga kay Judith hanggang sa tuluyan na itong nakalakad. Marami pa rin itong mga hindi naaalala ngunit mas bumubuti na ang lagay nito. 

Sa tagal ng panahon na sila ay magkakasama’y hindi maiwasan na manumbalik kay Arthur ang lahat ng pinagsamahan nila ng kaniyang misis. Tanging si Judith lamang ang nakakapagpasaya sa kaniya nang gano’n. 

Habang tumatagal ay muling nanunumbalik kay Arthur ang pagmamahal sa kaniyang asawa hanggang sa tuluyan niyang makalimutan na si Sandra. 

Nang maramdaman ni Sandra na tila wala nang pakialam sa kaniya si Arthur ay agad siyang umuwi sa bahay upang siya na mismo ang magsabi ng katotohanan kay Judith.

Habang masayang nagsasalo-salo sa hapag-kainan ang tatlo’y siya namang dating ni Sandra. 

“A-anong ginagawa mo rito, Sandra? Ang lakas namang loob mo na magpakita pa rito!” galit na sambit ni Judith sa dating kaibigan. 

“Dito ako nakatira kaya malamang ay uuwi talaga ako dito! Bakit hindi mo tanungin si Arthur ng buong katotohanan?” bulyaw ni Sandra. 

Napayuko na lamang si Arthur at saka niya ikinuwento ang lahat ng nangyari. 

“Nang ma-comatose ka kasi’y hindi ko alam paano palalakihin si Katie. Kailangan niya ng isang ina. At si Sandra ang laging narito para sa amin. Patawarin mo ako,” paglalahad ni Arthur.

“Hindi kita masisisi kung nagawa mo iyan, Arthur. Alam kong hindi mo alam ang buong katotohanan. Si Sandra ang may kasalanan kung bakit ako naaksidente noon. Balak ka talaga niyang agawin sa akin pati si Katie!” pagbunyag ng ginang. 

“Akala mo ba’y nakalimutan ko na ang lahat, Sandra? Ikaw ang nagsabi sa akin na nasangkot ang asawa ko sa isang aksidente kaya kahit na malakas ang ulan ay nagtungo ako sa takot na baka may nangyaring masama nga kay Arthur. Pero kitang-kita kita. Ikaw ang nagmamaneho ng sasakyan na nang-ipit sa akin kaya ako nawalan ng kontrol at tuluyang bumangga,” lahad pa ni Judith. 

Labis na nabigla ang lahat sa isiniwalat ni Judith. Hindi makapaniwala si Arthur na pakana pala itong lahat ni Sandra upang tuluyang makapasok sa kanilang pamilya. Kaya ganoon na lang pala ang giit nito dati na tuluyan nang tanggalan ng life support itong si Judith. Mabuti na lamang ay hindi pumayag si Arthur at ang kaniyang anak. 

“Wala nang dahilan pa para manatili ka dito, Sandra. Wala kang puwang sa pamilyang ito. Pinaniwala mo kami ng anak ko sa kasinungalingan mo. Dinamay mo pa ang asawa ko!” galit na sambit ni Arthur. 

Dahil sa kahihiyan ay tuluyan nang umalis si Sandra. 

Labis naman ang paghingi ng tawad ni Arthur sa kaniyang asawa. Mabuti na lamang ay naunawaan ito ng ginang. 

Sa puntong iyon ay muli silang nabigyan ng pagkakataon upang maayos ang kanilang pamilya. Hindi nagtagal ay bumuti na ang lagay ni Judith.

Pinagmamasdan ni Katie ang kaniyang ama habang nakangiting nakatitig sa kaniyang ina. Hindi niya naiwasan pang magtanong dito. 

“Sa tagal nang nakaratay ni mommy noon, pa, bakit hindi mo pinatanggal ang kaniyang life support? Bakit hinayaan mong magbayad ng malaki buwan-buwan para lamang sa kaniya?”  tanong ni Katie sa ama. 

“Marahil ay may parte sa aking puso na kumakapit pa rin sa muli niyang pagbabalik. Na ang araw tulad nito ay darating na muli nating siyang makakapiling at muli kong makikita ang mga ngiti niyang nagpa-ibig sa akin,” tugon ng ama. 

Mula noon ay naging masaya na muli ang mag-anak. Pinunan nila ang bawat araw na hindi sila magkakasama. Muling pinakasalanan ni Arthur ang kaniyang asawa.

Napagtanto ni Arthur sa puntong iyon na talagang wala nang hihigit pa sa pagmamahal ni Judith sa kanilang mag-ama. 

More Stories