Pinilit ng Isang Binata na Buhayin ang Apat pa Niyang mga Kapatid; Sa Huli’y Matamis na Tagumpay ang Bunga Nito

Pinilit ng Isang Binata na Buhayin ang Apat pa Niyang mga Kapatid; Sa Huli’y Matamis na Tagumpay ang Bunga Nito

InspiringStoriesSuccess

“Delfin, ipangako mo sa akin na kahit anong mangyari ay hindi mo pababayaan ang mga kapatid mo. Ikaw na lang ang tanging maaasahan ko sa pagkalinga sa kanila. Nawa’y kahit ano man ang mangyari sa akin ay manatili kayong sama-sama,” saad ni Loyda sa kaniyang panganay na anak. 

“Makakaasa ka po sa akin, ‘nay. Ako na po ang bahala sa mga kapatid ko,” tugon naman ni Delfin. 

Mag-isang binubuhay noon ni Aling Loyda ang lima niyang mga anak dahil maaga silang inulila ng kaniyang asawa. Ngunit hindi inaasahan na pati pala siya’y magkakaroon ng matinding karamdaman. Kaya gano’n na lamang ang pagbilin ng ina sa binatang anak. Ayaw man niyang iwan ang mga ito’y alam niyang malapit na siya sa kaniyang hantungan. 

Ilang araw pa ay tuluyan na ngang namaalam si Aling Loyda. Buhat noon ay pinasan na ni Delfin ang responsibilidad para sa kaniyang mga kapatid. 

“Titigil na lang kaming mag-aral, kuya, para makatulong kami sa’yo,” saad ng pangalawang kapatid na si Patricia. 

“Walang titigil sa pag-aaral. Mas mainam nga na nasa eskwelahan kayo habang nasa construction site ako para hindi ako mag-alala. Kailangan lang nating magtulungan, mga kapatid. Makakayanan din natin ito,” sambit naman ni Delfin. 

Pilit na pinagkakasya ni Delfin ang kaniyang kita mula sa pagiging manggagawa. Bukod pa do’n, pagkatapos niya sa construction ay umeekstra pa siya bilang taga-buhat sa Divisoria. Minsan ay nagtitinda rin siya ng mga sili at kung anu-ano pang napulot na gulay. Nais man niyang humanap ng mas magandang trabaho ay hindi niya magawa dahil hindi man lamang siya nakatapos ng hayskul. 

“Kuya, baka mamaya ay ikaw naman ang magkasakit. Hihinto na lang ako sa pag-aaral. Maghahanap na lang ako ng trabaho sa palengke para magtinda. O kaya magmamanikurista ako o maglalako ng kahit ano para lang makatulong sa iyo!” sambit muli ni Patricia. 

“Sinabi ko nang walang hihinto ng pag-aaral. Gusto mo bang maging kagaya ko na walang pinag-aralan kaya ito lamang ang kaya kong gawin? Gagawin ko ang lahat para mabigyan kayo ng magandang buhay. Iyan ang pangako ko kay nanay!” giit ni Delfin.

Hanggang isang araw ay bigla na lamang nagkasakit ang kanilang bunso. Hindi na nila alam ang kanilang gagawin kaya humingi sila ng tulong sa isa nilang tiyahin. 

“Hindi mo na kaya ang lahat ng ito, Delfin. Kukunin ko na lang ang dalawang nakababata mong kapatid para mas makakilos ka,” saad ng tiyahin. 

“Maaari po bang sumama na rin kami, tiya?” tanong naman ni Patricia. 

“Pasensiya na kayo, gusto ko mang kupkupin kayo lahat ay hindi ko kaya. Ipapakiusap ko nga lang itong dalawa sa asawa ko,” tugon pa ng ginang. 

“Tiya, pasensiya na po. Kung hindi po kami magkakasama’y huwag na lang po. Ako na po ang bahala sa kanila,” wika naman ni Delfin. 

“Hindi mo na nga kaya, Delfin! Tingnan mo nga itong nangyari sa bunso niyo!” dagdag pa ng tiyahin. 

“Nangako po ako kay nanay. Kahit na mahirapan ako’y hindi kami maghihiwa-hiwalay. Maraming salamat na lamang po sa alok niyo pero kakayanin ko po,” wika muli ng binata. 

Napailing na lang ang ginang sa katigasan ng ulo ni Delfin. Ngunit buo ang loob ng binata na magsama-sama lamang silang magkakapatid.

Ilang araw pa ay muling bumalik ang kanilang tiyahin upang tingnan ang kalagayan ng magkakapatid. 

“Delfin, may nakausap ako na malayong kamag-anak. Pwede raw manatali sa kanila si Patricia at isa mo pang kapatid. Gagawin atang tindera sa palengke si Patricia. Mas makakatulong siya sa’yo,” mungkahi ng ginang. 

“Tapos sa akin mo na ibigay ang dalawang bunsong kapatid mo. Hindi ka na mahihirapan pa at mas makakaipon ka,” dagdad pa ng tiyahin. 

“Bakit ginawa niyo po iyon ng hindi ako kinukunsulta? Ano ang tingin niyo sa mga kapatid ko, mga tuta na pwede na lang ipamigay? Sa akin po mananatili ang mga kapatid ko at ako po ang magtataguyod sa kanila,” giit ni Delfin. 

“Napakatigas ng ulo mo. Nakapataas ng pride mo! Kayo na nga ang tinutulungan ay ikaw pa ang nagmamataas! Bahala ka sa buhay mo! Kung ano man ang mangyari sa mga kapatid mo ay kargo de konsensya mo! Akala mo kung sino kang makapagsalita, ni wala ka ngang narating sa buhay!” wika pa ng kapatid ng ina. 

Narinig ni Patricia ang usapang ito ng kaniyang kuya at tiyahin. Labis siyang nahabag sa kapatid dahil sa pagnanais nitong tumupad sa sinumpaan sa ina’y ipinaglalaban talaga niyang hindi sila maghiwa-hiwalay. 

Upang makatulong sa kaniyang Kuya Delfin ay minarapat ni Patricia na maglako ng puto bago ang kaniyang klase. Dahil dito ay kinailangan ng tatlong mas batang kapatid na asikasuhin ang kanilang sarili. Kahit na hirap sila pare-pareho sa kanilang sitwasyon ay nauunawaan naman nila. Kahit kailan ay hindi sila nagreklamo. 

Makalipas ang isang taon ay nakatapos ng hayskul si Patricia. 

“Kuya, ayos lang naman sa akin kung hindi na ako magkokolehiyo. Saka na lang kapag may ipon na tayo,” sambit ng dalaga. 

“Hindi ka titigil sa pag-aaral, Patricia. Mas gaganda ang buhay natin at mas makakatulong ka kapag nakatapos ka ng pag-aaral. Hayaan mo at lalo kong paghuhusayan ang aking trabaho,” sambit ni Delfin sa kapatid. 

Nagpatuloy sa pag-aaral si Patricia. Upang hindi maging pabigat ay naghanap din siya ng trabaho sa isang restawran. Samantala, dahil sa kasipagan ni Delfin ay natuwa sa kaniya ang isang inhinyero at kinuha siya bilang tauhan nito. 

Pinagtiyagaan ng dalawang magkapatid na magtulungan upang umasenso ang kanilang buhay. 

Unti-unti ay nakapagtapos na ng pag-aaral si Patricia at nagkaroon ng mas magandang trabaho. Lahat ng pagtitipid ay kanilang ginawa upang mairaos ang pag-aaral ng tatlo pa nilang mga kapatid. 

Sa paglipas ng panahon ay isa-isa na ring nakatapos ang mga ito at nagkaroon ng magagandang trabaho. Unti-unti din silang nakapagpatayo ng sari-sarili nilang bahay. Napapanganga na lamang ang lahat sa tuwing malalaman ang kanilang kwento. 

“Masaya ako sa narating niyo sa buhay. Sa palagay ko’y natupad ko na ang pangako ko kay nanay. Alam kong masaya na ang mga magulang natin sa langit,” sambit niya sa kaniyang mga kapatid. 

“Hindi naman magiging posible ang lahat ng ito, kuya, kung hindi dahil sa iyo. Ang pagpupursige mo at ang pagtitiyaga mo sa amin ang nagbigay sa amin ng inspirasyon upang hindi tumigil sa pag-abot sa aming mga pangarap. Ayaw namin na masayang ang lahat ng sakripisyo mo,” sambit ni Patricia. 

Hindi na naiwasan pa ng magkakapatid na maluha habang inaalala nila ang nakalipas. Malaki ang utang na loob ng magkakapatid sa kanilang Kuya Delfin na inalay ang buong lakas at sarili upang itaguyod sila. 

Ngayon ay kapit-kamay ang magkakapatid patungo sa mas maganda pang bukas. Alam nilang kaya nilang pagtagumpayan ang lahat ng pagsubok sa buhay basta’t sila ay sama-sama. Siguradong nakangiti ang kanilang ina habang sila ay ginagabayan nito mula sa langit.

More Stories