Laging Ipinapahiya ng Dalaga ang Mahirap niyang Kaklase; Karma ang Kaniyang Aabutin dahil sa Kayabangan

Laging Ipinapahiya ng Dalaga ang Mahirap niyang Kaklase; Karma ang Kaniyang Aabutin dahil sa Kayabangan

InspiringKarmaStories

Lahat ay nagkakagulo habang tinitingnan ang ipinamamahaging imbitasyon ni Roxy sa kaniyang mga kamag-aral. 

“Isuot niyo na ang pinakamagandang swim suit niyo dahil pool party ito! Gaganapin ito sa resort namin na malapit lang dito kaya aasahan ko kayong lahat, a!” sambit ng dalaga sa kaniyang mga kaklase. 

Habang ang lahat ay abala sa pagkukwentuhan, ang dalaga namang si Lizelle ay tahimik lamang sa isang sulok at pilit na nagbabasa ng aralin. 

“Bes, nakatanggap ka ba ng imbitasyon kay Roxy? Sa tingin ko mukhang malaking party ito,” saad ni Abigail sa kaniyang kaibigan. 

“H-hindi, bes. Sa totoo lang ay mas gusto kong hindi na lang makatanggap ng ganiyan dahil kilala mo naman si Roxy. Alam mo kung paano niya ako pakitunguhan,” pabulong na sagot naman ni Lizelle. 

Ilang sandali pa ay napansin ni Roxy ang pag-uusap ng magkaibigan kaya agad siyang lumapit dito. 

“Pwede ba namang hindi kita imbitahin, Lizelle? Pero sa tingin ko ay wala kang swimsuit. Kaya sige, pwede mong isuot ang kahit anong damit mo kung gusto mong pumunta sa party ko,” natatawang sambit ni Roxy sabay paitsang abot ng imbitasyon. 

“H-hindi na ako pupunta, Roxy. May gagawin din kasi ako sa araw na iyan,” nahihiyang sambit ng ni Lizelle. 

“Naku, gusto ko ay naroon ka. Alam ko namang hindi ka pa nakakakita ng swimming pool kasi tanging ang maruming ilog sa iskwater ang nakikita mo. Para makalangoy ka naman sa malinis na tubig. Pangako, walang mga basura ang swimming pool namin,” pangungutya pa ni Roxy. 

“Salamat nalang, Roxy, pero hindi talaga ako makakapunta,” pagtanggi muli ng dalaga. 

“Kapag hindi ka nagpunta ay sasabihin ko sa daddy ko na singilin kaagad ang nanay mo sa utang niya sa amin. Gusto mo bang magipit ang nanay mo, Lizelle?” pagbabanta pa ni Roxy. 

Wala nang nagawa pa si Lizelle kung hindi pumayag sa gusto ng dalaga. Kahit alam niyang gagawin lamang siyang tampulan ng tukso ni Roxy sa kaniyang party. 

“Bakit kasi pumapayag ka na ginagano’n ka na lang ni Roxy? Hindi ka ba napipikon sa mga sinasabi niya?” tanong ni Abigail sa kaibigan. 

“Hayaan mo na lang, bes. Sa totoo lang ay pinipigilan ko lang ang sarili ko sa lahat ng panlalait niya sa akin. Wala akong magawa. Malaki ang utang ng nanay ko sa mga magulang niya. Itong nakaraan nga lang ay hindi nakahulog si nanay sa utang niya,” kwento pa ni Lizelle. 

“Pupunta na lang ako sa party para matapos na. Alam mo namang hindi ako titigilan niyang si Roxy,” dagdag na sambit pa ng dalaga. 

Dumating na ang araw ng party ni Roxy. Magkasamang nagpunta ang magkaibigang Lizelle at Abigail sa nasabing resort. 

Pagdating pa lamang ng dalawa ay nakatingin na ang lahat ng bisita sa kanila dahil sa kanilang suot. 

“Mahirap kasi ang dalawang iyan. Hayaan mo na at pinapunta ko lang naman siya dito upang may mapagtawanan tayo. O ‘di ba, ngayon pa lamang ay naaaliw na kayo!” sambit ni Roxy sa mga kaibigan. 

“Mamaya ay mas maliligayahan kayo sa mga gagawin ko sa kanila,” dagdag pa nito. 

Nilapitan ni Roxy ang dalawa at muli niyang ipinahiya si Lizelle. 

“Ngayon ka lang nakakain ng ganiyan, Lizelle, ‘no? Huwag kang mag-alala at marami pa akong handa. Mamaya ay pababalutan kita kaya hindi mo na kailangang ilabas ang plastik na dala mo,” sambit ni Roxy sa dalaga. 

Nagtawanan ang ilang bisitang nakarinig. 

“Wala naman akong plastik na dala, Roxy,” tugon ni Lizelle. 

“Kunwari ka pa! Alam ko namang gan’yan ang lagi mong ginagawa dahil nakakakain ka lang ng masarap kapag may birthday!” pamamahiya pa ng dalaga. 

“Tigilan mo na ito, Roxy. Alam ko namang pinapunta mo lang ako dito para hiyain. Ngayong nagawa mo na’y maaari na ba kaming umalis ni Abigail?” mahinahon na tanong ni Lizelle. 

“Bakit ka aalis kaagad? Hindi pa naman tapos ang party ko. Saka tingnan mo at nagsasaya ang lahat, bakit hindi ka makisama sa kanila? Ipakita mo sa amin ang galing mo sa paglangoy. Hindi ba’t sanay na sanay kang lumangoy sa ilog na puno ng basura?” natatawang sambit pa ni Roxy. 

Nang akmang aalis na si Lizelle upang balewalain ang sinasabing ito ni Roxy ay agad siyang tinulak nito sa pool. Sa mababaw na parte dahilan upang mabasa ang damit nito. 

“Hinahamon kita, Lizelle. Ipakita mo sa akin ang natutunan mong paglangoy sa ilog ng basura. Kapag tinalo mo ako sa paglangoy ay hindi na kita aasarin pa at sasabihin ko rin sa daddy ko na burahin na ang utang ng nanay mo sa kaniya. Ngunit kapag natalo kita’y kailangan mong maging sunud-sunuran sa lahat ng gusto ko,” hamon ni Roxy. 

“Tara na at huwag mo nang patulan iyang si Roxy. Wala kang laban diyan dahil isa siya sa mga pinakamabibilis sa swimming team ng unibersidad natin. Tara na, bes,” aya naman ni Abigail sa kaibigan. 

“Ano na, Lizelle? Natatakot ka ba? Naduduwag ka dahil alam mong wala kang laban sa akin?” pagyayabang pa ni Roxy. 

Tinanggap ni Lizelle ang hamon ni Roxy sa kaniya kahit pa pinipigilan siya ng kaniyang matalik na kaibigan. Alam ng lahat na dehado itong si Lizelle at sa galing ni Roxy na lumangoy ay wala siyang tiyansang manalo. 

Sabay na tumalon ang dalawa sa swimming pool upang magpabilisan. Ngunit laking gulat ng lahat nang sa kalagitnaan ay iniwan ni Lizelle si Roxy dahil sa bilis at galing nitong lumangoy. Napahanga niya ang mga bisitang naroon. 

Bandang huli ay siya ang nanalo sa kanilang dalawa at lubos na napahiya si Roxy. 

Dahil nakita ng ilang bisita na mula sa swimming team ang galing ni Lizelle sa paglangoy ay agad siya nitong nilapitan. 

“Dapat ay sumali ka sa team namin. Hindi namin alam na gan’yan ka palang kagaling at kabilis na lumangoy. Sa husay mo’y magdadala ka ng karangalan sa ating unibersidad,” wika ng leader ng koponan. 

“Saan ka natutong lumangoy ng gano’n, Lizelle?” tanong naman ng isang pang miyembro. 

“Saan pa kung hindi sa ilog ng basura na tinitirikan ng bahay namin!” sambit niya sa mga ito. 

Pahiyang-pahiya si Roxy sa nangyari. Ni wala na siyang mukhang maiharap pa sa mga bisita. Nawala ang lahat ng atensyon sa kaniya at napunta ito kay Lizelle dahil sa galing niya sa paglangoy. 

Pagkatapos ng araw na iyon ay tuluyan nang kinuha ng koponan ng mga manlalangoy itong si Lizelle. Naging sikat din siya sa kanilang unibersidad. At dahil nga natalo niya si Roxy ay naging malaya na ang nanay nito mula sa lahat ng kanilang pagkakautang sa magulang ng dalaga. 

 Simula noon ay hindi na ginambala pa ni Roxy si Lizelle. 

More Stories