Nakahanap ng Kaibigan sa Isa’t Isa ang Dalawang Batang Nasa Bahay-Ampunan; Bandang Huli’y Tuluyan Silang Naging Magkapamilya

Nakahanap ng Kaibigan sa Isa’t Isa ang Dalawang Batang Nasa Bahay-Ampunan; Bandang Huli’y Tuluyan Silang Naging Magkapamilya

FamilyInspiringStories

Dinig sa bawat pasilyo ng bahay-ampunan ang walang patid na pag-iyak ng isang batang kakarating lamang doon. 

Agad na nagtakbuhan ang ilang bata upang makiusyoso sa kaganapan sa tanggapan ng namumuno. 

“Huwag kang mag-alala, Totoy. Hindi mo kailangang matakot dahil hindi ka na masasaktan pa ng mga taong iyon. Tutulungan ka namin na mahanap mo ang tunay mong pamilya,” sambit ng Mother Superior sa umiiyak na bata. 

“Ibalik niyo na lang po ako sa mommy ko! Gusto ko po ang mommy ko!” pumalahaw ulit ng iyak ang batang lalaki. 

“Alam mo ba ang buo mong pangalan? Ang mga pangalan ng mga magulang mo? Alam mo ba kung saan ka nakatira?” tanong pa ng madre. 

Sa puntong iyon ay wala silang makuhang sagot sa bata dahil patuloy ang pag-iyak nito. 

“Bigyan muna natin siya ng pagkakataong makapagpahinga. Marahil ay malaking trauma ang inabot niya mula sa mga sindikato na iyon. Samahan ninyo na lang muna siya sa silid na tutuluyan niya para makapagpahinga na at bukas na lang natin tanungin kapag handa na siya,” saad pa ng matandang madre.

Agad na dinala ng mga kawani ng bahay-ampunan ang bata sa kaniyang silid. Doon ay makakasama niya ang batang si Nestor. 

“Anong nangyari sa iyo? Ipinaampon ka rin ba ng nanay mo?” tanong ni Nestor sa bata. 

Hindi pa rin umiimik ang bata at patuloy sa kaniyang pagmumukmok. 

“Pasensiya ka na. Ako nga pala si Nestor. Ako ang makakasama mo sa silid na ito. Sampu tayong maghahati-hati sa silid na ito. Huwag kang mag-alala at ako ang bahala sa iyo rito,” saad pa ni Nestor. 

Ngunit kahit anong sabihin ni Nestor ay hindi sumasagot sa kaniya ang bata. Kaya hinayaan na lamang niya ito. 

Sa paglipas ng araw ay laging mag-isa lamang si Totoy. Hind man lamang siya nakikipag-usap o nakikipaglaro sa kapwa niya bata na nasa bahay-ampunan. Para sa kaniya’y hindi dapat siya narooon dahil alam niyang may mga magulang pa siya. 

Hanggang isang araw ay nakita na lamang ni Nestor si Totoy na pinagtutulungan ng iilang binatilyo na nasa bahay-ampunan. Agad niya itong pinuntahan at tinulungan. 

Buhat noon ay naging magkaibigan na ang dalawa. 

“Ako na lang muna ang kuya mo habang wala ka pa sa totoong pamilya mo. Pasensiya ka na ata akala ko’y ipinamigay ka rin ng mga magulang mo. Gano’n kasi ang ginawa sa akin ng nanay ko. Hayaan mo at hindi ka na matutunton ng mga taong dumukot sa iyo,” saad ni Nestor kay Totoy. 

“Ang sabi mo ay ipinamigay ka ng mga magulang mo? Paano ka naman napadpad dito?” tanong naman ni Totoy. 

“Ipinagbili raw ako dahil wala silang makain. Tapos hindi na ako maalagaan ng mga bumili sa akin kaya iniwan na lang din ako sa kalye. Tulad mo ay iniligtas din ako ng mga kawani ng bahay-ampunan na ito. Ayun lang, magsasampung taon na ako rito pero wala pa ring umaampon sa akin,” tugon naman ng binatilyo. 

“Hindi mo ba gustong hanapin ang tunay mong mga magulang? Kapag sinundo na ako dito ng mommy at daddy ko’y sasabihin ko sa kanila na hanapin ang mga magulang mo,” saad ng bata. 

“Hindi na siguro natin mahahanap ang mga ‘yun kahit ano ang gawin natin. Wala akong pagkakakilanlan nila. Saka mahirap hanapin ang mga taong ayaw magpakita. Malungkot man ay natutunan ko nang tanggapin ang sitwasyon ko,” muling sambit ni Nestor. 

Sa pagtagal ng araw ay halos hindi na mapaghiwalay ang matalik na magkaibigan. Hindi na magawa pang malungkot ng dalawang bata dahil alam nilang mayroon silang masasandalan. 

Lumipas ang dalawang taon at masayang ibinalita ng Mother Superior na tuluyan nang nahanap ang mga magulang ni Totoy. 

“Anumang araw ay darating na sila dito at kukunin ka na nila, Totoy. Hindi na sila makapaghintay na makasama ka!” saad ng matandang madre. 

Nang malaman ito ni Nestor ay magkahalong saya, lungkot at inggit ang kaniyang nararamdaman. 

“Mabuti ka pa at makakasama mo na ang pamilya mo. Ako, heto, maiiwan na naman dito sa bahay-ampunan. Huwag mo akong kakalimutan kapag nakaalis ka na dito, a. Kapag may panahon ka ay dalawin mo ako,” pilit na pinipigil ni Nestor ang pagtulo ng kaniyang mga luha. 

“Siyempre, hinding-hindi kita makakalimutan. Ikaw kaya ang Kuya Nestor ko. Salamat sa’yo dahil muli mong pinaramdam sa akin ang magkaroon ng tunay na pamilya,” wika naman ni Totoy. 

Kinabukasan ay sinundo na si Totoy ng kaniyang mga magulang. Mula pala noong dukutin siya ng mga sindikato ay walang tigil ang mga ito sa paghahanap sa kaniya. Si totoy ang nag-iisang anak ng isang mayamang mag-asawang negosyante. 

Nakipagkasundo sa kaniyang mga magulang ang mga sindikato ngunit imbis na ibalik siya nang makuha ng mga ito ang ransom na hinihingi ay ginawa siyang pulubi upang pagkakitaan pa. 

Kaya labis ang pananabik ng mga ito na sa wakas ay makakasama na nila ang anak na matagal nang nawalay. 

Nabalot ng tuwa at mga luha ang muling pagkikita ni Totoy at ng kaniyang mga magulang. Agad siyang iniuwi ng mga ito upang makabawi sa lahat ng mga taong wala siya. 

Samantala’y walang patid naman sa pagbagsak ang mga luha ni Nestor habang tinatanaw ang sasakyan nila Totoy na papalayo sa bahay-ampunan. 

“Hanggang sa muling pagkikita, bunso,” pabulong na sambit ni Nestor. 

Ilang araw ang nakalipas at labis ang pangungulila ni Nestor sa kaniyang kaibigan. Umaasa siyang isang araw ay muli siya nitong dalawin. Ngunit lumipas na ang dalawang buwan ay ni anino ni Totoy ay hindi pa rin niya natatanaw. 

Hindi maiwasan ni Nestor na kausapin ang Panginoon.

“Marahil ay nakalimutan na niya ako. Basta ang dalangin ko lang ay kung nasaan man siya ay sana’y nasa mabuti siyang kalagayan at lagi siyang masaya,” pabulong niyang wika. 

Hanggang sa ilang sandali ay pinapatawag siya ni Mother Superior upang sabihin ang magandang balita sa kaniya. 

“May nais nang mag-ampon sa iyo, Nestor. Ayos na ang mga papeles at anumang oras ay darating na sila upang sunduin ka. Gumayak ka na at ayusin mo na ang mga gamit mo. Sa wakas ay magkakaroon ka na rin ng tunay na pamilya, anak,” saad ni Mother Superior. 

Agad na nag-ayos si Nestor ng kaniyang mga gamit. 

Nang makabalik siya sa tanggapan ng madre ay nakiusap siya rito. 

“Maaari po bang kapag bumalik si Totoy dito ay ibigay niyo ang address at telepono ng aampon sa akin. Nang sa gayon ay magkita kaming muli,” pakiusap ni Nestor. 

Hanggang sa isang pamilyar na tinig ang kaniyang narinig. 

“Hindi mo na kailangang iwan ang address at telepono mo dahil mula ngayon ay sa amin ka na titira,” saad ng isang tinig. 

Paglingon ni Nestor ay hindi na niya naiwasan ang humagulgol dahil sa lubusang tuwa na makitang muli si Totoy. 

“Hiniling ko sa aking mga magulang na ampunin ka para kahit kailan ay hindi na tayo magkahiwalay pa. Pasensiya ka na, Kuya Nestor, kung natagalan. Nais kasi talaga kitang surpresahin,” wika pa ni Totoy. 

“Ngayon alam ko na kung bakit sa dami ng taon na ako’y narito ay walang nag-aampon sa akin. Kayo pala ang pamilyang matagal ko nang hinihintay,” lumuluhang sambit ni Nestor. 

Tuluyan nang naging parte ng pamilya ni Totoy si Nestor. Hindi akalain ng binatilyo na sa tagal niya sa bahay-ampunan ay darating din ang araw na siya naman ang makakaranas na magkaroon ng tunay na pamilyang kakalinga, gagabay at magmamahal sa kaniya. 

Salamat sa matalik na kaibigan na ngayo’y nakababatang kapatid na niyang si Totoy. 

More Stories