Inday TrendingInday Trending
Pinandidirihan at Ikinahihiya ng Dalaga ang Tiyahing Nasiraan ng Bait; Nagulat Siya nang Malamang ang Tunay na Pagkatao Nito

Pinandidirihan at Ikinahihiya ng Dalaga ang Tiyahing Nasiraan ng Bait; Nagulat Siya nang Malamang ang Tunay na Pagkatao Nito

“Ampon! Ampon! Ampon ka lang Paulene kaya huwag kang mayabang,” sigaw ng mga bata sa batang si Paulene. Ito ang madalas na marinig ni Paulene sa kaniyang paligid, ang tinatawag siyang ampon ng mga tao. Lalo na ng mga batang ka-edad niya.

“Hindi totoo ‘yan! Sabi ng mommy at daddy ko, anak nila ako!” sigaw niya rin sa mga bata.

Umiiyak na tumakbo si Paulene pauwi sa bahay nila para hanapin ang mommy niya at isumbong ang batang nang-aaway na naman sa kaniya. Papasok na sana siya sa bahay nila ng makita niya ang tiyahin niyang nasiraan ng bait na nasa sala nila.

Napatigil si Paulene sa pagtakbo. Ayaw niya sa tiyahin niyang iyon kaya naisipan niyang dumaan na lamang sa likod ng bahay nila, ngunit huli na ang lahat dahil nakita na siya ng babae. Ngumiti ito sa kaniya at nilapitan siya.

Tatakbo na sana siya kaso nakita niya ang daddy niya. Paniguradong papagalitan na naman siya nito pag tinakbuhan niya ang kapatid nito. Bunsong kapatid kasi ng daddy niya ang tiyahin niyang nasiraan ng bait at ayaw nitong iniiwasan niya o pinagsasabihan ng masama ang kapatid nito.

“Baby girl! Ang laki na ng baby girl ko, namiss mo ba si mommy? Nasaan ang daddy mo? Umuwi na ba siya? Kasama mo ba siya? Nasaan ang daddy mo, anak?” sunod-sunod na tanong sa kaniya ng babae habang nakahawak sa mga balikat niya.

Natatakot talaga siya sa tiyahin niyang ito. Madalas kasi siyang mapagkamalang anak nito at parating hinahanap sa kaniya ang asawa nito. Na ni minsan ay hindi niya pa nakita.

“Ah eh,” gaya ng dati ay hindi alam ni Paulene kung ano ang isasagot sa tiyahin.

“Bakit ka umiiyak, anak? Pinagalitan ka ba ng daddy mo?” tanong ulit sa kaniya ng babae ng mapansin ang luha sa kaniyang pisngi. Agad din naman itong pinunasan ni Paulene.

Sasagot pa sana siya nang biglang magsalita ang daddy niya.

“Paulene, pumasok ka na sa kwarto mo at kanina ka pa hinihintay ng mommy mo,” utos sa kaniya ng daddy niya. Napatingin naman sila pareho ng babae sa daddy niya.

“Kuya! Kanina ka pa ba nandyan?” gulat na tanong ng babae sa daddy niya.

Agad namang tumakbo si Paulene patungo sa kwarto niya para na rin takasan ang baliw niyang tiyahin. Pagkapasok niya ng kwarto niya ay nadatnan niya ang mommy niya na inaayos ang mga damit niya. Hinihintay nga siya nito gaya ng sabi ng daddy niya.

Gaya ng plano niya kanina ay isinumbong niya sa mommy niya ang mga batang nang-away na naman sa kaniya kanina nang pauwi na siya galing eskwela. Pati na rin ang mga kaklase niyang ganun din ang ginagawa.

“Mommy, anak niyo naman po ako ‘di ba? Kahit na medyo malaki ang agwat ng edad namin ng mga kapatid ko, anak niyo naman po ako ‘di ba?” paniniguradong tanong pa ni Paulene sa ina.

Bagama’t hindi naniniwalang ampon siya ay hindi maiwasan ng batang si Paulene na mapansin ang malaking age gap niya sa kaniyang mga kapatid.

Medyo may edad na rin ang kaniyang mga magulang. Sa katunayaan ay mas paniniwalaang apo siya ng mga ito kaysa sa anak.

Kaya minsan ay hindi maiwasan ng bata na magduda na baka totoo nga ang sabi-sabi na ampon lamang siya ng mga magulang niya.

Natigilan man sa narinig ay agad namang nakabawi ang kaniyang ina at ngumiti sa kaniya.

“Oo naman. Ikaw ang bunsong anak namin ng daddy mo,” sagot ng mommy niya at marahan siyang niyakap. Yakap na puno ng pagmamahal.

Ilang taon ang lumipas at nagdalaga na si Paulene. Sa araw ng kaniyang ika-labing walong kaarawan ay kinausap siya ng kaniyang mga magulang.

“Anak, may importante kaming sasabihin sa’yo,” panimulang pahayag ng daddy niya.

“Ano po iyon, Dad?” tanong naman ng dalaga sa ama.

“Sana ay maintindihan mo kung bakit pansamantalang itinago naman sa’yo ang katotohanan,” saad naman ng mommy niya. Bigla namang kinabahan si Paulene sa sinabi ng kaniyang ina.

“Mahal na mahal ka namin anak, pero hindi kami ang tunay mong mga magulang,” parang nawasak ang mundo ni Paulene sa narinig sa ina.

Biglang nakaramdam ng panghihina ang dalaga kaya napaupo ito. Hindi siya makapaniwala sa kaniyang nalaman. Pakiramdam niya ay trinaydor siya ng kaniyang mga magulang. Pinaniwala siya sa isang kasinungalingan. Tinago ng mga ito ang kaniyang tunay na pagkatao sa kaniya.

Pero alam niyang labis siyang mahal ng kaniyang mga magulang kaya kahit nasasaktan at naguguluhan man ay pinili niyang manatili at makinig sa paliwanag ng mga ito.

“Bagong panganak ka pa lamang noon nang pilit na ipinaghiwalay ang totoo mong ina at ama. Pareho pa silang bata noon. Nagtanan sila pero natunton din naman sila agad ng lolo mo. Noong nahanap sila ng papa ay naroon ka na. Isang buwan ka pa lang noon. Pareho kayong kinuha ng lolo mo at iniwan ang ama mo. Ayaw kasi papa sa ama kasi mahirap lamang siya. Ikinulong ng papa ang mama mo hanggang sa nasiraan ito ng bait. Inatake naman sa puso ang lolo mo at binawian ng buhay ng malamang tuluyan ng nasiraan ng bait ang nag-iisang anak na babae at bunso nito. Kinuha kita at pinalaking anak ko,” paliwanag ng daddy niya. Kusang tumulo ang mga luha sa mga mata ni Paulene sa nalaman.

Hindi niya alam na may ganung kasakit na pangyayari sa kanilang pamilya. Hindi siya makapaniwala sa kwento ng daddy niya.

“Ibig niyo pong sabihin…” hindi niya matapos ang tanong sa ama.

“Oo anak, ang Tita Cecil mo ang tunay mong ina,” pagkumpirma naman ng daddy niya sa tanong niya. Napatingin naman siya sa mommy niya na nasa tabi ng daddy niya at tahimik na lumuluha.

“Mommy,” tawag niya sa mommy niya. Agad namang lumapit ito sa kaniya at niyakap siya ng mahigpit.

“Anak… patawad, anak. Patawarin mo kami ng daddy mo. Mahal na mahal ka namin,” lumuluhang saad nito sa kaniya.

Marami pa silang pinag-usapan tungkol sa kaniyang pagkatao. Mga kwentong kailangan niyang malaman. Hanggang sa natapos ang gabi at kinailangan na nilang magpahinga.

Kinabukasan ay nagising si Paulene ng hindi alam ang mararamdaman. Hindi siya sigurado kung ano ang gagawin. Kung paano tatanggapin ang lahat, kaya naman nagpunta siya sa simbahan at taimtim na nagdasal na gabayan siya ng Panginoon.

Hindi naging madali ang lahat para sa dalaga, ngunit ayaw niyang biguin ang kaniyang mga magulang. Gusto niyang ipakita sa kanila na malakas at matapang siya gaya ng pagpapalaki nila sa kanila.

Hinarap niya ang lahat. Kung dati ay iniiwasan niya ang tiyahin dahil ikinahihiya niya ito at natatakot siya rito, ngayon naman ay sinusubukan niya itong kilalanin. Madalas niya itong bisitahin sa bahay nito at nakiki pagkwentuhan dito.

Kasalukuyan niya ring hinahanap ang tunay na ama. Umaasa siyang baka gumaling na ang kaniyang Mama Cecil kung sakaling mahanap niya ang ama at muli silang mabuo bilang isang pamilya.

Naniwala ang dalaga na balang araw ay matutupad din ang kaniyang kahilingan na maging maayos na ang kanilang pamilya at ng matahimik na rin at tuluyan nang maging masaya silang lahat.

Advertisement