Inday TrendingInday Trending
Inakala ng Dalaga na Katapusan na ng Kaniyang Pangarap nang Mawala ang Ama, May Ibang Plano Pala ang Tadhana Para sa Kaniya

Inakala ng Dalaga na Katapusan na ng Kaniyang Pangarap nang Mawala ang Ama, May Ibang Plano Pala ang Tadhana Para sa Kaniya

Bata pa lamang ay hilig na talaga ni Jill ang pagkanta. Lahat ng singing contest sa kanilang lugar ay sinasalihan niya at hindi naman siya nabibigo dahil palaging siya ang nanalo. Doon nagsimulang mangarap na maging isang sikat na singer si Jill.

“Balang araw, magiging isang sikat na singer ako sa buong mundo. Maniwala ka sa’kin ‘tay, at pag nangyari yun ay bibilhan ko kayo ng bahay at lupa ni nanay. Tsaka bibilhan din kita ng kotse ‘tay. Magtiwala ka lang sa’kin, matutupad ko lahat ng pangarap na’tin,” puno ng pangarap na saad ng batang si Jill sa kaniyang ama.

Natawa naman ang tatay niya sa kaniyang sinabi, “Oo naman anak, naniniwala sa’yo ang tatay.”

Napaluha sa lungkot si Jill nang maalala ang pangako niya sa tatay niya. Isang taon na ang nakalilipas simula nang binawian ito ng buhay dahil sa sakit. Hanggang ngayon ay hindi pa rin siya makapaniwala na wala na ang tatay niya at iniwan na sila. Hindi man lang siya nito binigyan ng pagkakataon na tuparin ang mga pangako niya.

“Anak, alagaan mo ang nanay at kapatid mo ha? Ikaw na ang bahala sa kanilang dalawa,” nanghihinang bilin sa kaniya ng tatay niya bago ito binawian ng buhay.

“Huwag po kayong mag-alala, ‘tay. Pangako pong aalagaan ko sila at hindi pababayaan,” sagot niya sa tatay niya. Isang pangakong balak niyang tuparin hanggang sa kaniyang huling hininga.

Pagkatapos nang libing ng tatay niya ay agad na naghanap ng trabaho si Jill. Sinubukan niyang ipagsabay ang pagtratrabaho at pag-aaral. Ginawa niya ang lahat ng kaniyang makakaya para matupag ang kaniyang pangako sa namayapang tatay niya.

“Oy Jill, my pa-audition daw ngayon ang The Next Singing Sensation Season 3. Mag-aaudition ka ba?” tanong sa kaniya ng katrabaho niya. Nagtratrabaho kasi siya bilang isang waitress sa isang café sa Makati.

“Ha? Kailan daw ba?” tanong niya sa katrabaho habang inilalagay sa lababo ang mga tasa ng kape at pinggan na pinagkainan ng mga customer nila.

“Sa susunod na linggo,” maikling sagot nito. Napatigil naman siya sa sinabi nito.

“Hindi eh. May exam ako sa araw na iyon,” sagot niya sa tanong nito bago pinuntahan ang bagong dating na customer at kinuha ang order nito.

Trabaho. Aral. Trabaho. Aral. Parang d’yan na lang umiikot ang buhay ni Jill. Kailangan niya kasing kumita ng pera para makatulong sa gastusin nila sa bahay, at kailangan niya ring makapagtapos ng lalong madaling panahon para makahanap ng mas magandang trabaho. Hindi siya pwedeng bumagsak sa kahit anong klase niya.

“Anak, maaari ba kitang maistorbo?” tanong ng nanay niya sa kaniya. Tumingin naman siya rito.

“Ah opo ‘nay. Ano po iyon?” sagot niya sa ina.

“Ano kasi, yung sa bill ng kuryente at tubig,” nag-aalangang sagot nito sa kaniya.

“Ay oo nga pala. Pasensiya na po ‘nay nakalimutan ko po. Sobrang busy lang po kasi. Exam week po kasi ngayon sa school eh,” sagot niya sa ina.

“Okay lang, anak. Nahihiya nga ako sa’yo at nagtratrabaho ka pa habang nag-aaral eh. Pasensiya ka na anak ha? Kung sana lang ay hindi pa tayo iniwan ng tatay niyo,” malungkot na sagot ng nanay niya. Ngumiti naman ang dalaga sa ina.

“Okay lang po ako ‘nay. Kaya ko po ito. Ako pa, malakas po ‘tong anak niyo. Kaya ko lahat,” nakangiti niyang sagot sa ina upang ipakita rito na wala itong dapat ipag-alala sa kaniya.

Dumating ang araw ng exam niya at audition. Patungo na sana sa eskwelahan si Jill ng narinig niya ang sabi ng isang batang babae sa tatay nito.

“Balang araw, magiging sikat na singer ako ‘tay at makikita ako ng lahat sa TV,” nakangiting sabi ng bata sa ama nito.

Bigla niya namang naalala ang pangako niya sa tatay niya noong bata pa siya. Kusang kumilos ang kaniyang katawan at imbis na eskwelahan ay natagpuan niya ang sarili niya na nasa audition ng The Next Singing Sensation Season 3.

Sobra mang kinakabahan ay nagawa pa rin kantahin ng maaayos ni Jill ang kantang inaalay niya sa tatay niya, ang Dance with my Father. Napahanga niya ang mga tagapakinig pati na rin ang mga hurado sa audition.

Pinalad na makapasa sa audition si Jill. Halos magtatatalon siya sa tuwa nang malaman ang resulta. Sobrang pasasalamat sa Diyos ang kaniyang ginawa hanggang sa makarating siya sa kanilang eskwelahan.

Nagpaliwanag siya sa kaniyang guro. Mabuti na lang at naintindihan siya nito at pinayagan pa ring magtake ng exam.

Lumipas ang dalawang taon at nakapagtapos na rin ng pag-aaral si Jill. Isa na rin siyang sikat na singer gaya ng kaniyang pangarap. Siya ang tinanghal na The Next Singing Sensation Season 3 at doon na nagsimula ang kaniyang pagsikat.

Tinupad niya ang lahat ng kaniyang pangako sa tatay niya. Bumili siya ng bahay at lupa at binigyan ng komportable at maginhawang buhay ang kaniyang ina at kapatid.

Sa langit, nakangiti habang nanonood sa kanila ang kaniyang ama na araw-araw na gumagabay sa kaniyang naulilang pamilya.

Advertisement