Inday TrendingInday Trending
Malaking Halaga raw ang Ipinundar ng Kaniyang Magulang Makapagtapos lamang Siya, May Karapatan nga Kaya Siyang Suwayin ang mga Ito?

Malaking Halaga raw ang Ipinundar ng Kaniyang Magulang Makapagtapos lamang Siya, May Karapatan nga Kaya Siyang Suwayin ang mga Ito?

“Magpapatayo ako ng isa pang klinika at gusto ko na ikaw ang magdu-duty roon,” utos ni Doktor Aguinaldo, ang ama ni Olivia.

“Papatuyuan mo na ba ako ng sarili kong clinic, papa?” masayang tugon nito sa kaniyang ama.

“Hindi, hindi pa, pero ‘wag kang mag-alala dahil makakatanggap ka naman ng sahod na para ka na ring nagtrabaho sa isang ospital,” sagot ng kaniyang ama.

Hindi na nagsalita pa si Olivia at nagpatuloy na lamang siya sa kaniyang pagsusulat.

“Isa pa, tigilan mo na ‘yang kakasulat ng mga kung ano-ano. Hindi ka yayaman diyan, Olivia, ang pagtuunan mo ng pansin ay ang ipapatayo ko, ang pagiging doktor,” wika pang muli ni Doktor Aguinaldo.

“Hindi naman ito pera lang, papa, sana naiintindihan mo. Ang tagal ko nang gusto ito,” mahinang sagot ni Olivia sa kaniyang ama ngunit bago pa man siya makatanggap ng sagot ay umalis na ang kaniyang ama.

Napabuntong hininga na lamang ang dalaga at napatingin sa kaniyang mesa na punong-puno ng mga libro na nais niyang basahin ngunit hindi pa rin niya matapos-tapos.

32 anyos na si Olivia at kakatapos lamang niya sa kurso ng medisina. Nag-iisang anak lamang siya at kahit na hindi naman niya pangarap na sundan ang yapak ng kaniyang mga magulang ay wala siyang nagawa.

“Bakit hindi ka magsulat habang nasa clinic ka? Kontrolado mo naman ang oras dahil sa inyo naman iyon kaya mas maluwag para sa’yo,” saad ni Sherwin, lihim na nobyo ng dalaga.

“Ayoko na talaga maging doktor, hindi pa ba sapat na natapos ko na ang gusto nila. Gusto ko naman gawin ang gusto ko. Trenta anyos na ako, ay, hindi trenta mahigit na ako pero sila pa rin ang nasusunod sa buhay ko,” himutok nito sa nobyo.

“Kausapin mo na lang ang daddy mo, siyempre iniisip din noon na sayang naman ang pinag-aralan mo kung hindi mo magagamit,” paliwanag muli ni Sherwin sa kaniya.

Sasagot pa sana si Olivia nang laking gulat niyang makita ang kaniyang ama sa salamin na nakatayo sa kaniyang pinto. Dali-dali niyang sinarado ang laptop at hinarap ang kaniyang ama.

“Ano gusto mong sabihin sa akin, Olivia?” matapang na boses ng kaniyang ama.

“Pa, alam mo naman na ‘yun ‘di ba? Alam mo naman na ayaw ko maging kagaya niyo,” diretso sabi ni Olivia rito.

“Ngayon mo talaga ‘yan sasabihin sa akin? Ang tagal mong nag-aral, ang tagal na panahon ang ginugol mo para maging doktor at kahit kailan ba hindi mo iyon nagustuhan? Baka gusto mo rin sabihin ko sa’yo kung gaano kalaki ang ginastos namin sa pag-aaral mo? Tandaan mo, Olivia, kung nasaan ka man ngayon at kung ano man ang dinaranas mong rangya ng buhay ay kami lahat ang may gawa. Dahil doktor ang mga magulang mo kaya ka may marangyang buhay!” baling ni Doktor Aguinaldo sa kaniya.

“Ayan ang hindi niyo nakikita, kaya ayaw ko maging doktor na kagaya niyo dahil hindi niyo na alam maging isang magulang. Hindi niyo ako nakikita bilang isang anak, nakikita niyo ako bilang isang tao na kailangan magbayad sa lahat ng pinundar niyo sa akin. Hindi ba’t kapag magulang ka ay susuportahan mo ang anak mo at hahayaan niyo silang abutin kung ano man ang pangarap na mayroon sila. Bakit kayo hindi ganun? Dahil ba sa mas malaking pera? Pera lang ba? Pera lang ba ang lahat, papa? Bastos man ako sa sasabihin kong ito pero sige, paki-kwenta po lahat ng utang ko sa inyo at babayaran ko hayaan niyo lang akong tuparin ang pangarap ko,” baling din ni Olivia rito at sa unang pagkatataon ay sumagot siya sa kaniyang ama. Ngayon lamang niya nailabas lahat ng kaniyang hinaing sa kaniyang magulang.

Saglit na hindi nakapagsalita ang kaniyang ama at mas minabuti nitong umalis na lamang.

Hindi nag-usap ang dalawa ng halos isang linggo kahit na humingi na ng tawad si Olivia rito.

“Sabihin niyo lang kung anong araw ang pasok ko sa bagong clinic, patawarin niyo po ulit ako,” wika nito sa kaniyang ama habang sila ay kumakain ng hapunan.

“Ikaw ang pumili ng araw na gusto mong pumasok, ‘yung araw kung saan magagawa mo pa rin ang pagsusulat. Patawarin mo rin ako, anak,” sagot nito sa kaniya.

Hindi na sumagot pa si Olivia at naluha na lamang ito. Alam niya na sa pagkakataong iyon ay naitindihan na siya ng kaniyang mga magulang. Hindi niya sasaying ang kaniyang tinapos ngunit hindi rin niya ipagkakait sa sarili ang nais ng kaniyang puso.

Masama nga siguro na sumagot sa ating mga magulang ngunit kung parehas na magbubukas ng tenga ay tiyak na magkakaintindihan ang bawat isa.

Advertisement