Inday TrendingInday Trending
Ipinagtabuyan ng Guwardiya ang Babaeng Mukhang Pulubi; Napahiya Siya Nang Malaman ang Totoong Katauhan Nito

Ipinagtabuyan ng Guwardiya ang Babaeng Mukhang Pulubi; Napahiya Siya Nang Malaman ang Totoong Katauhan Nito

“Good Morning, ma’am!” nakangiting bati ng guwardiyang si Tony nang pumasok ang isang maganda at mukhang edukadang babae sa loob ng bangko.

Kabubukas pa lang ng bangko kaya kaunti pa ang mga tao na naroon. Maya-maya ay may pumasok na babae na hindi maayos ang pananamit. Butas-butas ang suot nitong kulay dilaw na T-shirt at maong na pantalon na halatang pinaglumaan na. Kahit ang suot nitong tsinelas ay tila pinaglipasan na rin nang panahon.

“Ngayon ko lang nakita ang babaeng ito na mukhang pulubi pa yata,” sabi niya sa isip.

Dahil isa pa lang ang staff ng bangko na nag-aasikaso sa mga kustomer na naroon ay umupo muna sa isang tabi ang babae habang palinga-linga ang mga mata nito.

Lumipas pa ang ilang minuto at dumami na ang mga tao sa loob ng bangko. Napansin ng guwardiya na pinagtitinginan ng mga kustomer ang babaeng mukhang pulubi na nakaupo pa rin at palinga-linga sa paligid. Nang biglang lumapit sa kaniya ang isang matandang babae.

“Manong guwardiya, hindi mo pa ba palalabasin ang babaeng ‘yan na mukhang pulubi? Aba’y kanina pa ‘yan narito at nakatambay. Baka bigla na lang mandukot ‘yan o mangholdap dito, mahirap na, eh nagwiwithdraw pa naman kami ng pera rito!” reklamo sa kaniya ng matandang babae.

“Hayaan niyo po at papaalisin ko na ang babaeng ‘yan. Kanina ko pa rin napapansin na palinga-linga ang pulubing ‘yan dito sa loob ng bangko na parang may gustong gawing hindi maganda,” sagot niya sa kustomer.

Agad niyang nilapitan ang nakaupong babae.

“Hoy, lumabas ka na nga, wala ka namang ginagawa rito sa loob. Walang manlilimos sa iyo rito! Kaya umalis ka na!” pasigaw niyang sabi sa babae.

Tumingin sa kaniya ang babae.

“Sir, sandali lang, may gagawin akong transaksyon dito at may hinihintay pa ako,” tugon nito.

Dahil naiilang na rin ang mga tao sa ayos ng babae ay nagsisilayuan na ang mga ito na parang may nakahahawa itong sakit. Napansin iyon ni Tony kaya mas desidido siyang palabasin ito.

“Pasensiya ka na, pero kailangan mo nang lumabas. Nakakaistorbo ka rito, eh! Ano pang hinihintay mo? Labas na!” inis na sabi ng guwardiya saka sapilitang hinila sa braso ang babae at ipinagtabuyan palabas ng bangko.

“Teka muna, sandali lang sir, bakit mo ako pinapalabas?”

Nag-umpisa na ring uminit ang ulo ng babae sa ginawang pagtataboy ng guwardiya.

“Natatakot na sa iyo ang mga kustomer sa loob! Kung gusto mong manlimos diyan ka sa kalsada at huwag sa loob ng bangko. Nakakahiya sa mga tao sa loob!”

“Ano’ng akala mo sa akin, hindi kustomer?!” galit na tanong ng babae.

Nang biglang dumating ang isang babaeng staff ng bangko at naabutan ang dalawa na nagtatalo sa labas.

“Tony? Ano’ng ginagawa mo rito sa labas? ‘Di ba dapat doon ka nagbabantay sa loob?”

“Pinalabas ko lang po itong babaeng pulubi, ma’am. Nanggugulo po kasi sa loob, eh!”

Nang tingnan ng staff ang babae ay nanlaki ang mga mata nito.

“Naku, Ms. Ramos, pasensiya na po kayo sa ginawa niya. Tony, hindi siya pulubi, siya si Ms. Ramos na regular na kustomer natin!” bunyag ng babaeng staff.

“Mabuti naman at dumating ka na, Ms. Pinky, kanina pa kita hinihintay. Magdedeposito sana ako ng pera at magbubukas ng account nang bigla akong palabasin nitong guwardiya!”

“Pasensiya na po talaga, Ms. Ramos. Bago palang kasi siyang guwardiya kaya hindi niya kayo kilala. Ikaw naman Tony, ganyan talaga manamit si Ms. Ramos kapag pumupunta sa bangko. Ayaw niya kasing lumalabas ng bahay na maayos ang suot niya para makaiwas siya sa mga mandurukot,” sabi pa ng babaeng staff.

Sobrang napahiya si Tony sa ginawa niya sa babae. ‘Di niya akalaing regular na kustomer pala ito sa bangkong iyon at sinadya pala nito na magsuot ng ‘di maayos na damit. Hinusgahan agad niya ang pagkatao nito na napagkamalan pang pulubi. Humingi siya ng tawad kay Ms. Ramos at nangakong hindi na mauulit ang nangyari. Tinanggap naman nito ang paumanhin niya.

Mula noon ay hindi na naging mapanghusga si Tony sa kaniyang kapwa.

Advertisement