Yumaman ang Lalaking Ito Dahil Ginawa Niyang Inspirasyon ang Pagtapak sa Pagkatao Niya ng Dating Amo
Nagmamadaling dinampot ni Louie ang mga inihandang folder, kailangang mai-submit niya ang mga ito ngayon sa kanyang boss dahil deadline na. Alam niya namang kaya pinagawa sa kanya ang project ay para gamitin nanaman ng boss ang gawa niya at angkinin ang mga iyon bilang gawa nito, hindi dahil gusto siya nitong ma-promote. Masakit magsalita ang boss ni Louie, nilulunok niya na lang lahat dahil siya lang ang inaasahan ng nanay at mga kapatid niya. Matalino siya pero nagtyatyaga siya sa ganito, natatakot kasi siyang wala nang ibang tumanggap pa sa kanya. Maliit pa lang ang naiipon niya. “Sir,” sabi niya sa pinto ng opisina ng amo sabay katok. “Pumasok ka,” masungit na wika nito. Nagta-type ito sa laptop at saglit lang siyang sinulyapan, hindi nagbago ang nakasimangot na ekspresyon ng mukha nito. “Tapos mo na?” tanong nito sa kanya. “Yes sir, pa-check na lang po.” sabay abot dito ng folder, tapos si Louie ng kursong Business Management at magaling siya sa paggawa ng mga business plans. Sobrang nai-impress ang mga ka-sosyo nila sa negosyo, ang masama lang doon, sinasabi ng boss niya na ito ang may gawa sa mga project niya. Makalipas ang ilang sandali ay oras na para mag-meeting, ipe-present na ng amo niya ang project na ilang gabi niyang pinagpuyatan. Hindi maiwasang may mga magtanong at dahil hindi naman talaga orihinal na gumawa ang amo niya ay hindi makasagot ang lalaki, sa halip ay si Louie ang sumasagot sa mga ka-sosyo nila sa negosyo. “Wow, alam na alam mo ang project ah. Parang ikaw ang gumawa, ang galing mo naman hijo. Bata ka pa ay marami ka nang alam, your parents must be proud.” sabi ni Mrs. Castro, isa sa pinakamalaking investor nila. “Sala-” akmang magsasalita si Louie nang sumabat ang kanyang boss. “Ako ang may gawa nito, hindi si Louie. Paano magiging proud ang parents ng batang yan eh pasaway nga yan dito sa opisina. Tsaka for sure bobo din ang parents niya, katulad niya.” nakangising sabi nito, alam na hindi siya makakapalag. Naikuyom ni Louie ang palad, tumayo at umalis na sa meeting room. Alam niya namang masakit magsalita ang kanyang amo pero di nya akalaing idadamay nito ang nananahimik niyang pamilya. Naisip niya, bahala na. Bahala na kung paano sila mabubuhay basta dapat umalis na siya dito dahil natatapakan na siya bilang tao. Naglakas loob siyang magsimula ng maliit na negosyo gamit ang konting ipon, sa tulong ng kanyang ina na magaling magluto ay nagtayo sila ng karinderya. Na sa paglipas ng panahon ay naging restaurant at dumami ang branches. Samantalang ang dating pinapasukang kumpanya ay nabalitaan niyang nagsara na, malaking kawalan sa kanila si Louie. Naging mabait na amo ang binata, mahal niya ang bawat empleyado. Isang araw habang nagpapahinga siya sa balkonahe ng bagong biling bahay ay napangiti siya, naalala niya na kung hindi siya sinigaw sigawan at ipinahiya ng amo noon ay di sya maglalakas loob na umalis sa kumpanya at magtayo ng negosyo na ngayon ay matagumpay na. May dahilan talaga ang lahat ng bagay. At minsan kailangan lang nating maniwala sa sarili nating kakayahan upang makamit ang ninanais natin sa buhay. Wag nating hayaang ibang taong hindi marunong magpasalamat ang makinabang sa talentong ibinigay sa atin ng Maykapal. Disclaimer: Ang kwentong ito ay kathang-isip lamang. Ang mga nabanggit na pangalan, karakter, negosyo, lugar, pangyayari at mga insidente ay maaaring produkto lamang ng imahinasyon ng may-akda. Anumang pagkakapareho sa sinumang nabubuhay o pumanaw na tao o personalidad at aktwal na pangyayari ay nagkataon lamang. Ang Inday Trending ay isang website na ang layunin ay magbigay ng aral, inspirasyon at katuwaan sa mambabasang Pilipino sa pamamagitan ng pagpapalawig ng aming imahinasyon upang makagawa ng makabuluhang akda na tumatalakay sa pang-araw-araw nating buhay. Ang mga akdang ito ay orihinal na gawa ni Inday Trending at ng kanyang mga manunulat. sa ibaba.Para sa mas maraming updates,i-like lamang ang aming Facebook page.