
Palaging Tinutulungan ng Batang Tindero ng Sampaguita sa Pagtawid ang Isang Matanda; Hindi Niya Akalaing iyon Pa Pala ang Maghahatid sa Kaniya ng Ginhawa
Hapon na naman nang araw na iyon. Tulad ng nakasanayan nang gawin ni Estong ay itinigil muna niya ang pagtitinda ng sampaguita sa gilid ng simbahan. Naglakad ang bata hanggang sa makarating siya sa parke kung saan siya pumupunta tuwing sasapit ang ganitong oras, at doon ay natagpuan niyang naghihintay ang isang matandang babae…
“Nariyan ka na pala, Estong, hijo!” Bakas ang ligaya sa bating iyon ng matanda kay Estong. Agad naman siyang kumaway at bumati rito pabalik.
“Kanina pa po ba kayo naghihintay, lola?” magalang na tanong ng bata. “Pasensiya na ho kayo, ha? Medyo dinagsa ho kasi ng mga kostumer ngayon dahil sa nalalapit na semana santa kaya medyo nahuli ako,” aniya pa bago sinimulang alalayang makatayo ang matandang tinatawag niyang Lola Yolanda.
“Ayos lamang iyon, hijo. Mabuti nga ’yon at nang ika’y makarami ng benta,” sagot naman ng matanda na tinapik pa nang marahan sa ulo si Estong. “Sana’y hindi ka magbago, Estong, kahit ano pa man ang marating mo sa buhay. Ipangako mo sa akin na mananatili kang mabuting tao hanggang sa ika’y tumanda kahit pa makamtan mo na ang lahat ng mithiin mo sa buhay.”
Napakamot sa kaniyang ulo si Estong dahil sa sinabi ng matanda. “Lola naman, para naman po kayong nagpapaalam niyan,” nakasimangot pang sabi niya ngunit tinawanan lamang siya ng matanda.
Nagsimulang alalayan ni Estong sa paglalakad si Lola Yolanda hanggang sa marating nila ang pedestrian lane na siya nilang daraanan upang makatawid sa kabilang bahagi ng kalsada. Marahan ang naging paglalakad nila, dahil sa pagiging mahina na rin ng matanda, ngunit matiyaga pa rin sa pagtulong si Estong sa kaniyang itinuturing na lola.
Nagsimula ang pagtulong na ito ni Estong sa matanda nang minsang makita niya itong nahihirapan sa pagtawid habang siya ay nagtitinda. Galing din ito noon sa parke kung saan anito’y paborito nitong panoorin ang paglubog ng araw at ang pagsapit ng dapit hapon katulad ng ginagawa nila noon ng kaniyang nasirang asawa. Simula nang araw na iyon ay palagi nang sinasadya ni Estong na magpunta sa lugar na iyon upang tulungan ang matanda na kalaunan ay naging routine na nilang dalawa.
Walang kapalit ang ginagawang iyon ni Estong ngunit masaya siya sa kaniyang ginagawa. Talaga kasing pinalaking mabuting bata ng kaniyang mga magulang si Estong sa kabila ng kanilang kahirapan sa buhay. Nakatira lamang ang kanilang pamilya sa ilalim ng tulay na malapit sa simbahan at alam iyon ni Lola Yolanda.
Nang sumunod na araw ay laking pagtataka ni Estong nang hindi niya matagpuan sa parke si Lola Yolanda. Inabot na siya nang gabi roon ngunit hindi pa rin niya nakita ang matanda kaya naman napilitan na lamang siyang umuwi. Kinabukasan ay ganoon din ang naging senaryo kaya naman nagsimula nang mangamba si Estong, ngunit wala siyang magawa dahil hindi naman niya alam kung saan ito nakatira. Basta’t noon, sa tuwing matatapos niyang itawid ang matanda ay may sumusundo rito kaya naman kampante na niya itong iniiwan.
Isang linggo nang hindi nagkikita sina Estong at Lola Yolanda nang biglang may nagtungong tao sa kanilang tahanan. Ang sabi nito ay iniimbitahan daw siyang pumunta sa bahay ni Lola Yolanda, kasama ang kaniyang mga magulang.
“Wow! Napakalaki naman po ng bahay na ’to at napakaganda!” bulalas ni Estong matapos silang bumaba sa sasakyang sumundo sa kanila mula sa kanilang tahanan.
“Ang Lola Yolanda mo ang may-ari nito,” sagot naman ng nakangiting lalaki na mukhang tauhan sa bahay na iyon ayon na rin sa uniporme nito.
“Wow! Hindi ko alam na mayaman po pala si Lola Yolanda! Pero, nasaan na po ba siya?” takang tanong naman ni Estong ngunit pagkasabi niya niyon ay nalungkot ang mukha ng lalaki… saka nito sinabi sa kaniya ang isang nakalulungkot na balita.
“Wala na siya, Estong… sumakabilang buhay na si Donya Yolanda at kahapon ang kaniyang libing,” sabi nito. Tila natigilan ang bata at hindi napigilan ang mapahagulhol. Hindi man niya kaanu-ano si Lola Yolanda ay napalapit na ito sa kaniya.
“Hindi namin agad naipaalam sa ’yo dahil isa ’yon sa bilin ng donya. Ayaw niya raw na makita kang umiiyak habang nililisan niya ang mundo dahil ikaw raw ang nagbigay ng ngiti sa kaniyang mga huling araw dito… ang dahilan kung bakit ka namin sinundo ngayon ay para ibalitang… ikaw na ngayon ang may-ari ng lahat ng ari-ariang naiwan ng Donya Yolanda dahil sa ’yo niya ito napiling ipamana. Sana ay gamitin mo ito sa maayos, iyon ang tanging hiling niya.”
Matapos marinig ni Estong at ng kaniyang mga magulang ang balitang iyon ay halos hindi sila makapaniwala! Ngunit totoo ang lahat ng sinabi nito, dahil sa lalong madaling panahon ay pinalipat na sila ng mga ito sa mansyon.
Hindi akalain ni Estong na ang kaniyang simpleng pagtulong ay maghahatid sa kaniya ng panghabambuhay na kasaganahan at dahil doon ay ipinangako niya sa sarili na gagawin niya ang lahat upang ito ay pagyamanin at ibalik sa kaniyang kapwa ang kabutihan gaya ng bilin noon sa kaniya ng itinuring niyang lola.