
Matagal na Inapi ng Mag-ina ang Anak ng Dati Nilang Katulong; Lilipas ang Panahon at Babaliktad ang Kanilang mga Kapalaran
“Labhan mo’ng lahat ng iyan, ha? Wala kang ititirang marumi!” Nakangising inihagis ni Thalia ang marurumi niyang damit sa harapan ng kawawang si Gwen kahit pa nakita niya nang bihis na bihis ang dalaga at halatang may lakad ito ngayong gabi.
“M-madam, baka naman po p’wedeng bukas ko na lang labhan ang mga ’yan… may lakad lang po ako ngayon,” may pagsusumamo namang sabi ni Gwen sa anak ng amo ng kaniyang yumaong ina.
“Wala akong pakialam! Sa dami ng utang ng nanay mo sa mama ko, kulang pang kabayaran ’yang maglalaba ka lang ng damit. Buti nga ’yan lang ang ipinagagawa ko sa ’yo, e!” sigaw pa nito sa kaniya. “Gusto ko, tapusin mo ’yan ngayong gabi!” dagdag pa nito bago siya tinalikuran.
Wala nang nagawa si Gwen kundi ang umiyak na lamang habang minamasdan ang papalayong imahe ng anak ng kaniyang amo. Alam niyang sinadya nitong gawin ang bagay na iyon upang hindi sila magkatagpo ng kaniyang nobyo ngayong gabi. Hindi kasi matanggap ni Thalia na hindi siya ang gustong pakasalan ni Benedict kundi si Gwen kaya gagawin niya ang lahat upang masira ang relasyon ng dalawa.
“Bilisan mo na, anak, at magbihis ka na! Dahil hindi makakapunta si Gwen sa date nila ngayon ni Benedict ay ikaw ang papalit sa kaniya!” nangingising anang ina ni Thalia na si Donya Merlinda. Kasabwat siya ng kaniyang anak sa pagpapahirap kay Gwen sa kadahilanang malaki ang inggit nila sa dalaga, pati na rin sa nasira nitong ina, dahil sa angkin nilang pambihirang kagandahan at talino. Minalas nga lang ang mga ito dahil ipinanganak silang mahirap, habang mayaman naman ang mag-inang inggitera.
Akala ni Thalia ay aabutan niya sa restawran ang binata kung saan napag-usapang magkita nina Benedict at Gwen. Bihis na bihis pa man din siya ngunit wala na pala roon ang binata. Lingid kasi sa kanilang kaalaman ay binigyan nito ng cellphone si Gwen upang magamit ng dalaga sa mga ganitong pagkakataon. Hindi rin nila alam na sa mga oras na iyon ay nakalayo na ang magkasintahan upang magtanan.
Ilang taon na ang lumipas mula nang lumayo sina Benedict at Gwen sa kanilang lugar. Walang nakaaalam kung nasaan ang dalawa bukod sa pamilya ni Benedict na nanatiling tikom ang bibig sa impormasyong kanilang nalalaman.
Marami na ang nangyari. Simula nang umalis si Benedict upang itanan si Gwen ay tila nawala sa katinuan si Thalia. Nalulong ito sa pag-inom ng alak at napabayaan ang kanilang negosyo. Wala namang alam sa pagpapatakbo niyon ang kaniyang ina kaya lalo silang bumagsak ngayon.
Huli na nang matauhan si Thalia na isalba ang kanilang negosyo dahil tuluyan na itong bumagsak. Napilitan na lamang silang ibenta ito…
Hindi akalain ng mag-inang Donya Merlinda at Thalia na ang tao palang makakabili ng kompanya nila ay walang iba kundi si Gwen… ang babaeng noon ay hinahamak lamang nila na ngayon ay hindi hamak na mas mayaman pa kaysa sa naging buhay nila noon!
Halos wala silang mukhang maipakita sa muling paghaharap nila ng dalaga at binabalot sila ng matinding hiya habang inaabot ang perang kapalit ng kanilang dating negosyo. Ibang-iba na ngayon si Gwen. Isa na itong sopistikada at eleganteng mayaman dahil naging matagumpay ang negosyong itinayo nito noon matapos nitong pakasalan si Benedict.
Mayroon nang masayang pamilya ang dati’y anak ng kanilang katulong na ilang taon din nilang ginawang miserable ang buhay. Ngayon ay tila bumaliktad na ang tadhana nilang tatlo.
“Mama, nagsisisi ako sa mga nagawa natin noon kay Gwen. Siguro nga ay parte ng karma natin na mawala sa atin ang lahat, pati na rin ang kasiyahan natin dahil binulag na tayo ng inggit,” umiiyak na ani Thalia noon sa kaniyang ina matapos nilang umuwi sa pakikipagnegosasyon kay Gwen.
“Pareho tayo, anak. Gustong-gusto kong lumuhod sa harapan niya kanina upang humingi ng tawad nang sa ganoon ay maging malaya na tayo mula sa panggugulo ng ating konsensya, ngunit naunahan ako ng takot. Patawad, anak, dahil kasalanan ko ito.”
Nag-iyakan ang mag-ina dahil sa matinding pagsisisi ngunit nagpasya silang bumalik muli sa opisina ni Gwen. Doon ay itinuloy nila ang balak na panghihingi ng tawad na malugod namang tinanggap ng babae. Ayon pa rito ay matagal na sila nitong napatawad. Bagay na ikinatuwa naman ng mag-ina.
Gamit ang perang pinagbentahan ng kanilang negosyo, nagsimulang muli ang mag-ina. Ngayon, wala nang inggit at bigat sa kanilang puso, kaya naman siguradong hindi magtatagal ay maaabot din nila ang kaligayahan at kapayapaan sa buhay.

Palaging Tinutulungan ng Batang Tindero ng Sampaguita sa Pagtawid ang Isang Matanda; Hindi Niya Akalaing iyon Pa Pala ang Maghahatid sa Kaniya ng Ginhawa
