Inday TrendingInday Trending
Walang Tiwala ang Dalagang Ito sa Kakayahan ng Kaniyang Kaklase, Pinasiklaban Siya Nito

Walang Tiwala ang Dalagang Ito sa Kakayahan ng Kaniyang Kaklase, Pinasiklaban Siya Nito

“Sigurado ba kayong si Osang ang ipanlalaban ng klase natin sa darating na pageant? Eh, hindi nga makalakad nang ayos ‘yon! Ni ayaw ngang nagsuot noon ng damit na walang manggas! Nahihibang na ba kayo?” inis na sambit ni Cynthia sa kaniyang mga kamag-aral, isang umaga nang mabalitaan niyang ang tahimik nilang kamag-aral ang kanilang pangbato.

“Eh, Cynthia, wala na kasi tayong ibang makitang pupwedeng ilaban doon. Lahat ng mga naggagandahan nating kaklase, lahat, takot sumali. Siya lang ang agad na pumayag nang tanungin namin siya,” tugon ng kanilang presidente habang pakamot-kamot sa ulo.

“Ah, ganoon, edi ibig sabihin, ayos lang sa inyo na mapahiya ang buong klase natin dahil sa kaniya?” taas-kilay niyang sambit sa mga ito.

“Hindi naman siguro siya papayag kung hindi niya ‘yon kaya, magtiwala na lang tayo sa kaniya at gawin ang kaniya-kaniya nating parte upang mapaganda at matulungan siya,” sagot pa nito sa kaniya dahilan upang siya’y mapairap.

“Bahala kayo, desisyon niyo ‘yan, eh,” inis niyang tugon saka agad na tumalikod, palabas pa lang siya ng kanilang silid-aralan, napatigil siya sa tanong nito.

“Gusto mo ba ikaw na lang?” wika nito dahilan upang siya’y muling mapalingon at agad na umiling habang nakangiti.

Gustong-gusto ng dalagang si Cynthia ang mapabilang sa mga naggagandahang kandidata nang inaabangang beauty pageant sa kanilang unibersidad.

Nasa elementarya pa lamang siya nang pangarapin niyang maging isang kontisera upang bukod sa makahakot ng mga parangal at salapi, ganoon din siya makilala ng mga tao sa kanilang bayan.

Ito ang dahilan upang sa kaniyang murang edad, siya’y mahumaling sa panunuod ng mga beauty contest sa telebisyon at sa tuwing siya’y nanunuod, bawat hakbang, kembot at ikot ng mga kandidata, kaniyang pinag-aaralan at ginagaya. Wika niya pa noon, “Kapag lumaki na ako, hindi ako papayag na hindi ako makakasali sa isang beauty pageant!”

Ngunit noong nasa hayskul na siya, kung saan siya nagkaroon ng pagkakataong makilahok sa patimpalak, siya nama’y nauunahan ng kaba dahilan upang tanggihan niya ang alok noon ng kaniyang guro.

Kaya naman ngayong nasa kolehiyo na siya, buong tapang niyang hinamon ang sarili na sumali sa beauty pageant, lalo na sa inaabangang patimpalak sa kanilang unibersidad.

Pero kahit na buo na ang loob niya sa ngayon, at marami na siyang alam tungkol sa pagsali sa mga ganitong klaseng patimpalak, wala namang nag-aalok sa kaniyang sumali. Nahihiya naman siyang magpresinta lalo na’t maraming mas magaganda sa kaniya sa kanilang klase.

Ito ang dahilan upang ganoon niya na lang maliitin ang kaklase niyang ipapangbato ng kanilang klase sa naturang patimpalak. Sobrang tahimik kasi nito at halos hindi makabasag pinggan. Hindi niya lubos maisip kung paano ito magsusuot ng maiiksing damit at haharapan sa maraming tao sa oras ng patimpalak.

Noong araw na ‘yon, kahit gustong-gusto niyang um-oo sa tanong ng kaniyang kaklase, umiling na lang siya dahil sa pagkabigla na agad niyang pinagsisihan maya-maya.

“Hindi ba’t gustong-gusto mo sumali, Cynthia? Bakit nahiya ka pang um-oo? Nakakainis ka naman!” inis niyang sambit sa sarili habang sinasabunutan ang kaniyang sarili.

Kahit na may inggit at pagsisisi siyang nararamdaman, sapilitan niya pa ring ginawa ang parte niya sa patimpalak na iyon. Inayusan niya ito ng buhok bago ang patimpalak at sinabing, “Kapag hindi ka nanalo rito, sabihin mo sa kanila, ako na ang ipangbato sa susunod na patimpalak, ha?” na agad naman nitong sinang-ayunan.

Maya-maya pa, dumating na nga ang oras ng patimpalak at gulat na gulat siya nang makita ang kakaibang awra ng naturang dalagang pangbato nila.

“Diyos ko, si Osang ba talaga ‘yan? Parang kanina lang, tahimik lang siyang tumango-tango sa utos ko sa kaniya!” sigaw niya nang makita kung paano ito tumindig, maglakad at magpakitang gilas sa mga tao at hurado.

Sigawan ng kaniyang mga kaklase ang tangi niyang naririnig at ang malakas na palakpakan mula sa ibang manunuod sa tuwing rarampa ang kaklase nilang ito.

“Hindi pa rin ako bilib, tingnan na lang natin kung paano niya sasagutin ang tanong ng mga hurado,” wika niya habang tahimik na nagmamasid sa gilid.

Ngunit lalo lang siyang napahanga nito nang sumagot na ito sa tanong ng isang hurado. Purong ingles ang tanong ng hurado dahilan upang mapangisi siya’t sabihing, “Mukhang dito na liligwak si Osang, ha?” at ganoon na lang siya napanganga nang purong ingles din ang isagot nito sa hurado.

Habang ang lahat ay nagpapalakpakan at naghihiyawan sa siguradong pagkapanalo nito, siya’y napatahimik sa isang sulok.

Doon niya napagtantong karapat-dapat lang na ang dalagang ito ang kanilang ipangbato. Dahil bukod sa may angking itong ganda at talino na mayroon din naman siya, hindi ito nagmamalaki katulad niya.

Nang ianunsyo na ang nanalo, tuwang-tuwa ang kanilang buong klase sa tagumpay ng kanilang kaklase. Sinalubungan nila ito ng mga papuri at pagbati.

Niyakap niya ito at sinabing, “Sa isang taon, ituro mo ako bilang panibagong pangbato, ha? Pangako, sa akin mo ipapasa ang korona mo,” dahilan upang ngumiti ito at siya’y mangako sa sarili na matututong magpakumbaba at magtiwala sa kakayahan ng iba.

Advertisement