
Pagkawala ng Mahal sa Buhay ang Laging Dinadahilan ng Binatang Ito, Takot ang Naramdaman Niya nang Muntikan na Itong Magkatotoo
“O, Joshua, nandito ka na pala, bakit ka nga pala hindi nakapasok kahapon? Sayang, ang ganda pa naman ng aming napag-usapang paksa kahapon,” kwento ni Binibing Rosa sa isa niyang estudyanteng hindi nakapasok kahapon, isang umaga nang makita niya itong nagdidilig ng halaman sa tapat ng kanilang silid-aralan.
“Ah, eh, sumakabilang buhay po kasi ang lola ko kahapon, ma’am, kaya hindi ko po nakayanang pumasok. Sobrang nanghihina po ako sa nangyari hanggang ngayon. Siya po kasi ang tumayong ina ko habang nasa ibang bansa ang tunay kong nanay,” malungkot na tugon ni Joshua habang naluluha-luha ang mga mata dahilan upang agad na maawa ang guro niyang ito.
“Naku, ganoon ba? Nakikiramay kaming lahat sa’yo, hijo. Gusto mo bang magpahinga muna? O kung hindi nama’y tumulong muna sa lamay ng lola mo? Ayos lang naman sa akin, katanggap-tanggap naman ‘yong rason nang pagliban mo. Napakahirap ng kalagayan mo lalo na’t noong isang linggo lang, tiyahin mo naman ang nawalan ng buhay,” sambit nito na ikinaliwanag ng kaniyang mukha.
“Sigurado po kayo, ma’am?” paninigurado niya.
“Oo naman, hijo. Lahat ng mga aralin, takdang-aralin, at mga aktibidad na kailangan mong ipasa, bibigyan ko nang karagdagang palugit bilang tulong na rin sa’yo,” nakangiting wika nito na labis niyang ikinatuwa, “O, sige na, umuwi ka na muna at tumulong sa bahay niyo,” dagdag pa nito kaya dali-dali niyang kinuha ang gamit niya at agad na lumabas ng paaralan.
Sa tuwing nakararamdam ng katamaran, hindi pumapasok sa eskwelahan ang binatang si Joshua. Kung hindi niya inuubos ang oras sa paglalaro ng kompyuter sa isang tagong computer shop na kinawiwilihan niyang tambayan, siya’y kung saan-saan nagpupunta kasama ang kaniyang mga tropa.
May pagkakataon pa ngang kahit may klase siya, nagawa niyang pumuslit palabas para lang sumunod sa mga kaibigan niyang naggagala sa Maynila.
Paminsan naman, kapag siya’y nakararamdam ng antok habang nagdidiskusyon ang kaniyang guro, magpapaalam siyang gagamit ng palikuran at hindi na babalik. Magpupunta siya sa kanilang tambayan sa likod ng paaralan at doon magyayayang manigarilyo o kung hindi naman, mag-inom ng alak.
At sa tuwing kukuwestiyunin na siya kung bakit siya hindi nakapasok ng kaniyang mga kaklase o guro, palagi niyang dinadahilan ang pagkawala ng kaniyang mga mahal sa buhay kahit wala naman itong katotohanan.
Natutuwa naman siya dahil agad niyang napapaniwala ang mga ito at siya’y binibigyan pa ng konsiderasyon o kung minsan, pera pang-abuloy na ginagamit niya sa pagkokompyuter o pagbibisyo.
Noong araw na ‘yon, pagkalabas niya sa paaralan, agad niyang tinawagan ang kaniyang mga kaibigan. Niyaya niya ang mga ito na lumiban sa klase at maglaro ng kompyuter habang umiinom ng alak. Dahil nga ito na ang nakasanayan nila, agad na pumayag ang mga ito.
Ganoon ang ginawa niya sa buong linggong hindi pagpasok sa klase na lingid sa kaalaman ng kaniyang lolang natutuwa pang palagi siyang pumapasok. Buong akala nito, siya’y pumapasok sa eskwela dahil sa araw-araw niyang paghingi ng baon dito. Pero ang totoo, siya’y nalululong sa bisyo.
“Ang bait-bait talaga ni lola! Konting ungot ko lang, isang daang piso agad! Ilang oras kaya ako makakapaglaro ngayon?” sabik na sabik niyang sambit, isang umaga bago siya umalis ng kanilang bahay.
Ngunit, bago pa man siya makalabas ng kanilang bahay, nakarinig na siya ng paggalabog sa kusina dahilan upang ito’y usisain niya at halos lumuwa ang mata niya nang makitang sumusuka ng dugo ang lola niyang nakaluhod na sa sahig.
“Tulong! Tulungan niyo kami!” sigaw niya habang inaalalayang lumabas ang kaniyang lola.
Laking pasasalamat niya nang agad itong madala sa ospital. Doon niya nalamang matagal na pala itong may iniindang sakit sa atay at kinakailangan na itong agad na operahan. Takot na takot siya para sa kalagayan ng kaniyang lola at doon niya napagtantong hindi niya kayang mawala ito.
“Bakit ba kasi si lola ang sinasangkalan ko sa mga kalokohan ko? Panginoon, gabayan Niyo po ang lola ko,” iyak niya sa Diyos habang nakaluhod sa altar ng ospital.
Ilang oras pa ang lumipas, tuluyan na ngang naoperahan ang kaniyang lola. Hindi pa man ito nagigising, tila nabunutan siya ng tinik nang makita itong buhay at nasa maayos na kalagayan.
Simula noon, hindi na niya ginagamit ang buhay at pangalan nino man upang makaligtas lang sa mga gawain sa paaralan. Ginawa niya na rin kaagad ang mga nakaligtaan niyang aralin habang nagbabantay sa kaniyang lola.
Inamin niya rin na siya’y nagsinungaling sa kaniyang guro’t mga kaklase at labis na humingi ng tawad. Pangako niya ngayon sa kaniyang sarili maging sa lahat, hinding-hindi na siya uulit sa ganoong klase ng gawain at magtitino na sa buhay.