Inday TrendingInday Trending
Labis na Pinagtawanan ng Dalaga ang Kaniyang Pinsan nang Malamang Nag-Invest Ito, Panghihinayang ang Naramdaman Niya Kalaunan

Labis na Pinagtawanan ng Dalaga ang Kaniyang Pinsan nang Malamang Nag-Invest Ito, Panghihinayang ang Naramdaman Niya Kalaunan

“Diyos ko, Henna, nahihibang ka na ba? Bakit mo in-invest sa isang malaking kumpanya ang kalahati sa pinama sa iyo ni lola? Hindi mo ba alam na lalo mo lang silang pinapayaman sa perang inambag mo sa kanilang kumpanya?” inis na sermon ni Preya sa kaniyang pinakakasundong pinsan, isang gabi nang ikwento nito kung saan napunta ang ipinamanang pera ng sumakabilang buhay nilang lola.

“Hindi kahibangan ‘yon, pinsan. Madiskarteng desisyon ‘yon kaysa naman gastusin ko nang gastusin ang perang ‘yon. Wala naman akong mahalagang bibilhing gamit kaya imbis na nakatambak sa bangko, papaluguin ko na lang,” paliwanag nito saka nilagok ang alak na nasa kanilang harapan.

“Oo, lalago ang pera nila habang mawawala ang pera mo!” sigaw niya rito saka bahagyang hinila ang buhok nito.

“Ano bang sinasabi mo? Pag-aralan mo kaya ang pag-iinvest para malaman mong magandang paraan ‘yon nang pag-iipon ng pera,” tugon nito saka gumanti sa paghila ng buhok.

“Alam ko ‘yan, ano! At alam ko ring walang kasiguraduhan na lalago ang pera mo roon! Walang maganda roon, Henna! Tingnan mo ngayon, ni isang sasakyan, wala ka!” pagalit niya pa rito.

“Hintayin mo lang, pinsan, magtiwala ka!” sagot nito.

“Hihintayin talaga kitang umiyak sa desisyon mong ‘yan! Matanda ka na, hindi ka pa rin marunong humawak ng pera!” inis na inis niyang wika dahilan upang ito’y layasan niya.

Labis na nainis ang dalagang si Preya nang malamang pinagamit ng kaniyang pinsan ang malaking halagang perang mayroon ito na bigay ng kanilang lola sa isang sikat na kumpanya.

Para kasi sa kaniya, isa itong kabaliwan dahil wala namang kasiguraduhan ang paglago ng pera sa ganitong klaseng diskarte.

Alam niya namang sikat ang pag-iinvest sa kung saan-saang kumpanya ngayon lalo na sa kanilang mga mayayaman ngunit alam din niyang hindi lahat, nagtatagumpay sa pagpapalago ng pera dahilan upang ganoon siya mangamba para sa perang sinugal ng kaniyang pinsan.

Wika niya noong gabing iyon matapos niyang layasan ang pinsan, “Kapag ito, umiyak sa akin, tatawanan ko talaga ‘tong b*b* na ‘to!” saka niya hinarurot pauwi ang bagong bili niyang sasakyan.

Upang mapatunayan sa pinsan na mali ang ginawa nitong desisyon. Labis niya itong ininggit sa mga gamit na kaniyang malayang nabibili dahil nasa bangko lamang ang kaniyang pera na madali niyang nakukuha ano mang oras niyang naising bumili ng kung anu-anong nauusong bagay.

Bumili siya ng mamahaling bag na pangarap ng pinsan niyang ito, mga sapatos at mga mamahaling make-up na talaga nga namang ikinainggit nito nang minsan niya itong papuntahin sa kaniyang bahay.

“Ano, nagsisisi ka na ba sa ginawa mo?” tanong niya rito matapos niyang ibida ang mga gamit na ito.

“Hindi ko alam, pinsan, eh, pero naiinggit ako sa mga nabili mo,” malungkot na sagot nito habang pinagmamasdan ang mga naggagandahan niyang gamit.

“Kawawa ka naman!” sigaw niya rito habang humahagalpak ng tawa.

Ilang buwan pa lumipas, siya’y naging abala sa kaniyang trabaho dahilan upang hindi niya araw-araw makausap ang pinsan niyang ito.

Isang araw, nang makita niya ang pinamahal na bag na nabili, sumagi sa kaniyang isip ang pinsan niyang ito.

“Nasaan na kaya ang b0bitang babaeng ‘to? Hindi nagpaparamdam, ha? Baka nahihiyang magsabing nasa lansangan na siya!” wika niyang habang tumatawa saka ito tinawagan sa social media.

Maya-maya pa, sinagot na ito ng kaniyang pinsan dahilan upang masabik siya sa kwento nito.

“O, nasaang lansangan ka nakatira ngayon?” biro niya rito.

“Ito, pinsan, nasa Paris lang naman ako ngayon. Dumoble ang perang pinahiram ko sa kumpanyang iyon, eh, binigyan pa nila ako ng bonus trip dito sa Paris! Ikaw, kumusta na? May pera ka pa ba ngayon? Gusto mo bang umutang sa akin?” sambit nito na labis niyang ikinagulat.

“Pa-paano nangyari ‘yan?” uutal-utal niyang wika.

“Sabi naman kasi sa’yo, eh, magtiwala ka lang! Iba-iba ang paraan ng pag-iinvest, kailangan mo lang talagang maging madiskarte para dumoble ang pera mo! O, paano, rito muna ako, ha? May ibang lahing nais akong ilabas, eh, paalam!” kwento pa nito na labis niyang ikinahiya.

Ito ang dahilan upang tingnan niya kung magkano na lang ang perang natitira sa kaniyang bank account at napahawak na lang siya kaniyang ulo nang makitang kakaunti na lang ito.

“Bakit ba ako nagpadala sa luho? Sana pala, naniwala na lang ako kay Henna at nagpaturo sa diskarte niya! Edi sana, nasa Paris na rin ako ngayon! May malaki ng pera, may foreigner pa!” iyak niya habang inuuntog-untog ang sarili bunsod ng pagkadismaya.

Humingi siya ng tawad sa pinsan niyang ito at nagpatulong sa pagpapalago ng natitira niyang pera.

Simula noon, bukod sa naging matalino siya sa paghahawak ng pera, sinigurado niya ring importanteng bagay ang binibili niya upang lalong mapalago ang kaniyang pera.

Advertisement