Inday TrendingInday Trending
Nagulat Siya nang Umamin si Crush sa Kaniya, Ngunit Isang Masakit na Katotohanan ang Sumunod na Nangyari

Nagulat Siya nang Umamin si Crush sa Kaniya, Ngunit Isang Masakit na Katotohanan ang Sumunod na Nangyari

“Grabe! Ang gwapo-gwapo ni Oliver!” kinikilig na komento ni Joyce nang dumaan sa harapan nila ang lalaki na matagal niya nang gusto.

Napangiwi na lang ang kaibigan niyang si Nicole dahil sa reaksyon niya.

“Gustong-gusto mo talaga si Oliver, ano? Bakit hindi mo na lang ligawan kung ganoon? Mukhang gusto ka rin naman niya, siguradong sasagutin ka n’on,” udyok nito.

Napairap siya.

“Kung pwede lang! Hayaan mo, magkikita kami sa susunod na linggo. Ang sabi niya kasi may sasabihin siya. Kapag hindi pa rin umamin, ako na mismo ang manliligaw. Uunahan ko na,” humahagikhik na sabi niya.

Buong araw siyang walang ginawa kundi panoorin si Oliver nang palihim. Makita niya pa lang ang lalaki ay buo na ang araw niya. Minsan nga napapalingon ito sa kaniya at mahuhuli siyang nakatingin. Wala itong sinasabi pero nginingitian siya nito sa tuwing nagkakasalubong ang mga mata nila.

Ilang taon na ang nakalipas magmula noong una niya itong makilala. Naging kaklase kasi niya ito, at kalaunan naging malapit sila sa isa’t-isa. Likas kasi itong matalino, tinutulungan siya nito kapag nahihirapan na siya. Idagdag pa na palagi silang pinag papareha ng mga kaibigan, hindi niya masisisi ang sarili kung bakit unti-unting nahulog ang loob niya dito.

Gwapo ito, matalino at mabait. Para sa kanilang lahat, narito na ang lahat ng katangian na hinahanap nila sa isang lalaki maliban sa isa—walang papantay sa pagiging torpe nito. Lahat ng tao sa paligid nila sinasabi na halatang-halata naman na gusto rin siya ng lalaki.

At hindi naman sa pagbubuhat ng sariling bangko, nakikita niya rin na espesyal ang turing nito sa kaniya.

Gustuhin man niyang unahan na ito sa pag-amin, nangingibabaw ang kagustuhan niyang hintayin na lang itong magkaroon ng lakas ng loob. Inabot na tuloy ng ilang taon ang paghihintay niya. Madalas na biro sa kaniya ng mga kaibigan, kung hindi niya pa uunahan ang lalaki baka tumanda na siyang dalaga.

Ngunit sa wakas, inaya siya nito magkita at mag-usap sila na silang dalawa lang. Nagkasundo silang dalawa sa lugar at oras. Hindi na niya tinanggihan dahil tingin niya ay ‘yun na ang tamang pagkakataon.

Masayang-masaya niyang pinaghandaan ang gabing iyon. Bumili pa siya ng bagong bestida at naggugol ng mahabang oras para maging perpekto ang itsura niya.

Sa sobrang excited niya ay maaga siyang pumunta sa lugar kung saan sila magkikita. Ngunit kumagat na ang dilim, ni anino nito hindi niya nakita.

“Nasan na kaya ‘yun? Hindi niya naman ugaling hindi sumipot sa usapan,” nag-aalalang bulong niya.

Tatawagan niya na sana ang binata, ngunit dahil sa sobrang excited niya ay nakalimutan niya magpa-load. Hindi naman din nag-text ang binata.

Pakiramdam ni Joyce ay may kumukurot sa puso niya kapag naiisip niyang nakalimutan nito na magkikita sila. Baka hindi naman talaga siya nito gusto at wala itong balak umamin sa gabing iyon, pinangunahan niya lang ito kaya’t siya ang nasasaktan ngayon.

“Uwi na lang ba ako?” tanong niya muli sa sarili.

Luminga siya sa paligid. Halos wala nang tao sa lugar at napakadilim na rin doon. Laglag ang balikat na nagdesisyon siyang umuwi na lang.

Aalis na sana siya nang may tumawag sa pangalan niya.

“Joyce…”

Hindi pa man niya nakikita ang nagsalita ay kilalang-kilala na ng puso at isip niya ang nagmamay-ari ng tinig.

“Oliver! Akala ko hindi ka na darating e!” masigla niyang bulalas nang lumingon siya at makita ito.

Hindi ito nagsalita. Mataman lang siya nitong tinitigan. May ngiti ito sa labi ngunit pakiwari ni Pauline ay ang lungkot-lungkot nito.

“May problema ba?” alanganing tanong niya.

Ngumiti ito at umiling.

“Joyce, may sasabihin ako sa’yo. Makinig ka sa akin dahil matagal ko nang gustong sabihin ‘to sa’yo pero hindi ako nagkaroon ng pagkakataon noon,” seryoso nitong wika.

Tumango habang pilit na binabalewala ang malakas na kabog ng kaniyang dibdib.

“Mahal kita, Joyce. Mula noon hanggang ngayon. Sorry kung ngayon ko lang sinabi, alam kong matagal mo nang hinihintay na umamin ako pero masyado akong duwag. Natakot ako na layuan mo ko at mawala ka sa akin bilang kaibigan, Pero napagtanto ko na kailangan ko na itong sabihin bago pa mahuli ang lahat,” tuloy-tuloy na litanya ng lalaki.

Tumulo ang luha ng dalaga. Hindi siya makapaniwala na nangyayari na na ang bagay na matagal niya nang pinapangarap.

“Oliver, hindi mo naman kailangang matakot dahil mahal rin kita. Hindi ako mawawala sa’yo kahit na kailan,” madamdaming pag-amin niya rin.

Dahil sa sinag ng buwan ay nakita niya ang pagtulo ng luha ng lalaki. Gustong-gusto niya itong yakapin ngunit nanatili itong naka-distansya sa kaniya.

“Mauna na ako, kailangan ko nang umalis. Dumaan lang talaga ako dito para masabi ko na sa’yo ang nararamdaman ko… ayaw na kitang paghintayin pa,” marahan nitong paalam.

Tumango siya.

Nang makaalis na ito ay doon pa lang tumunog ang cellphone niya. Napangisi siya nang makita ang pangalan ni Nicole. Malamang ay makikibalita ito sa date nila!

Ngunit naalarma siya nang bumungad ang matindi nitong hagulhol.

“Nicole, anong problema? Pupuntahan kita!” seryosong sabi niya. Kilala niya ang kaibigan. Hindi ito iiyak nang ganoon kung wala itong matinding problema.

“J-joyce… Si Oliver… wala na s-siya… p-pat*y na siya!” putol-putol na sabi nito.

Agad na dumagundong ang dibdib niya sa kaba.

“Hindi magandang biro ‘yan! Kakakita ko lang sa kaniya. Kaaalis niya lang matapos niyang sabihin na mahal niya ako,” kunot noong kwento niya.

Ngunit mas lalo lang lumakas ang iyak nito.

“Joyce, i-imposible ‘yang sinasabi mo. N-nasa ospital ako n-ngayon,” halos pabulong nitong sagot.

Luminga siya sa paligid. Desperadong muling makita si Oliver para patunayan na mali si Nicole. Ngunit wala si Oliver.

“Wala na si Oliver. Naaksidente ang sasakyan niya habang papunta siya sa’yo. Agad siyang binawian ng buhay,” pagbabalita nito.

Tumulo ang masaganang luha mula sa mga mata ni Pauline.

“Imposible, Kasama ko siya ngayon-ngayon lang,” garalgal na pahayag niya. Hindi matanggap ng isip niya ang malagim na balita.

Hindi niya matanggap ang sinabi ni Nicole kaya’t kinailangan pa niyang pumunta sa morgue. Halos panawan siya ng ulirat nang makita niya ang walang buhay na katawan ng binata, nagpapatunay na wala na nga talaga ito.

Hindi siya matigil sa pag-iyak. Paulit-ulit na umuukilkil sa isip niya ang mga huling sinabi ni Oliver.

“Natakot ako na layuan mo ko at mawala ka sa akin bilang kaibigan, Pero napagtanto ko na kailangan ko na itong sabihin bago pa mahuli ang lahat.”

Huli na nga ang lahat. Wala na silang tyansa na mahalin ang isa’t-isa.

Masakit man ang nangyari ay isang aral ang natutunan ni Pauline—araw araw nating iparamdam ang ating pagmamahal. Dahil hindi natin alam ang hangganan ng ating buhay.

Advertisement