Bugbog Agad ang Natatamo ng Lalaki sa Kapatid Kapag Siya’y Nakakagawa ng Pagkakamali; Magsisi Kaya ito Oras na Makita Siyang Nahihirapan
“Kuyaaa, tama na po.” Nakaluhod at nakikiusap si Samuel na itigil na ng kapatid ang pagbugbog sa kaniya.
Sobra ng nasasaktan ang buo niyang katawan at hindi na niya kakayanin ang isa pang suntok na dadapo, baka mahimatay na siya sa sakit.
“Kailan ka ba kasi madadala! Kahit kailan talaga’y napaka-pasaway mo kaya ako nang-gigigil sa’yo! Kasi bukod sa pakialamero ka’y tat@nga-t@nga ka pa!” inis na wika nito sabay tulak sa kaniya sa may sofa.
“Sorry na po,” ani Samuel.
“Ang malas ko dahil naging kapatid kita!” anito saka nagmartsa patalikod at umalis sa harapan niya.
Humahagulhol ng iyak si Samuel habang dahan-dahang hinihilot ang bahagi ng katawan kung saan dumapo ang mga suntok ng kapatid.
Bata pa lang sila’y bugbog sarado na siya nito, magkamali man o hindi ay talagang mainit ang ulo nito sa kaniya. Siguro dahil ito ang naiwan upang alagaan siya, dahil nasa ibang bansa ang mga magulang nila para magtrabaho upang matustusan ang pangangailangan nilang magkapatid.
Nagalit ito at binugbog siya dahil sa pagsumbong niya sa mga magulang sa nalaman niyang ginawa nito sa eskwelahan nila. Nakita niya kasi ang kapatid na sumasama sa mga bad influence na estudyante sa eskwelahan at nakita niya itong nagtitinda ng sh@bu at hindi lang iyon, nakita niya rin kung paano nito iyon ginamit.
Upang pigilan sa pagkalunod ang kapatid ay sinubukan niyang humingi ng tulong sa mga magulang upang pigilan ito, ngunit bandang huli’y siya rin pala ang naging kawawa. Kailan kaya magbabago ang kaniyang kapatid? Kailan kaya ito titigil sa kakapanakit sa kaniya? Hindi niya napigilang mas lumakas ang pag-iyak dahil sa nakitang sugat sa braso. Kung hindi pa siya nagsalita kanina at nakiusap ay siguradong handa na itong pat@yin siya.
“Simone! Tulungan mo ako at biglang hinimatay si Samuel!” ani Tiya Belen, ang tiyahing nagpalaki sa kanila.
Natataranta namang lumabas si Simone sa silid at buong lakas na binuhat ang kapatid upang itakbo sa ospital. Hindi nila alam kung ano ang dahilan ng pagkawalan nito ng malay, kaya para masiguro ay itinakbo niya ito sa pinakamalapit na ospital.
“Kamusta ang kapatid ko, dok?” tanong ni Simone sa doktor na siyang tumingin kay Samuel.
“Maayos na ang lagay niya sa ngayon, hijo. Pero ayon ss isinagawa nating test sa kaniya’y nakita kong may malala siyang sakit at sa dugo at ito’y stage three na kaya siguro bigla na lang dumugo ang kaniyang ilong at hinimatay. Kung maaari’y isusuhestyon kong sumailalim siya ng chemotheraphy, sa gano’ng paraan ay baka malampasan niya ang sakit na ito.”
Mahabang paliwanag ng doktor sa kaniya at mayamaya rin ay nagpaalam na ito san kaniya dahil may iba pang pasyenteng aasikasuhin.
Labis ang pagkabigla ni Simone sa inamin ng doktor na may malalang sakit ang kapatid niya. Tulog si Samuel ng siya’y pumasok sa loob ng silid nito. Kailanman ay hindi naisip ni Simone na may dinadalang sakit ang kapatid, dahil mukha naman itong malusog. Hinawakan niya ang kamay nito at doon hinayaan ang sariling umiyak.
Sinunod nila ang suhestyon na sinabi ng doktor at sumailalim nga si Samuel sa chemotheraphy. Dahil dalawa lang naman silang magkapatid ay hindi niya hinayaang ibang tao ang mag-aalaga rito. Nais niyang siya mismo ang mag-alaga rito, upang kahit papaano’y magkaroon ito ng lakas ng loob na labanan ang sakit, dahil natatakot ito sa kaniya.
“Salamat, kuya ah, at saka pasensya ka na kung pati ikaw nadamay sa sakit ko,” ani Samuel.
Naglalakad na silang dalawa ngayon pauwi dahil katatapos lamang ni Samuel na magpa-chemo, nanghihina ito at hindi kayang maglakad kaya naisip niyang kargahin ito sa likod.
“Ano ka ba! Ayos lang iyon sa’kin, basta ang mahalaga’y gumaling ka at labanan ang sakit na iyan. Magpalakas ka para mabugbog ulit kita. Tingnan mo ngayong may sakit ka, hindi kita nabubugbog! Paano kita mabubugbog kung ganyang nanghihina ka,” ani Simone.
Hindi kayang pigilan ang pag-agos ng luha. Limang buwan na mula noong nalaman niyang may malalang sakit ang kapatid. At sa limang buwang iyon ay ang laki na ng ibinagsak ng katawan ni Samuel. Ang dating maputing balat at malusog nitong katawan ngayon ay nangayayat na at umitim ang balat dala na rin ng epekto ng chemo.
“Ano ka ba naman kasi… sana nagsabi ka noon na may nararamdaman ka pa lang masakit sa katawan mo. ‘Di sana noon pa’y inalagaan na kita,” hagulhol niya.
Hindi man nakaharap si Samuel kay Simone ay alam niyang umiiyak ang kapatid. Mula noong nagkasakit si Samuel ay hindi kailanman umalis si Simone sa tabi niya at palagi niya itong nakikitang umiiyak, hindi na rin gaya ng dati na kaunting pagkakamali ay sinasaktan siya nito.
“Salamat, kuya, sa lahat ng ginawa mo para sa’kin,” ani Samuel. “Kung hindi ko man kayanin ang laban na ito’y wala na akong pagsisisihan, kuya, kasi sa huling hininga ko alam kong mahal na mahal mo ako. Kasi mula noong nagkasakit ako’y hindi mo ako iniwan at hindi mo ako pinabayaan. Alam mo kuya, bayad ka na sa lahat ng kasalanan mo sa’kin at mahal na mahal kita, kuya. Kung mabubuhay ako ulit, ikaw pa rin ang gusto kong maging, kuya.” Nanghihinang wika ni Samuel.
Mas lalong humagulhol ng iyak si Simone sa sinabi ni Samuel. Hindi pa man sila nakakarating sa bahay nila’y alam niyang binawian na ng buhay si Samuel. Tuluyan na nga itong sumuko sa sakit niya. Iyak ng iyak si Simone habang naglalakad.
Alam ng Diyos na labis niyang pinagsisihan ang pambubugbog sa kapatid noon. Kung maibabalik lamang niya ang oras ay hindi niya iyon gagawin kay Samuel. Tama nga ang kasabihan na nasa huli ang pagsisisi.
Saka niya napagtantong sobrang halaga pala ni Samuel sa buhay niya noong malapit na itong kunin sa kaniya. At ngayong tuluyan na itong nawala’y gusto niyang bumalik ang oras noong mga bata pa sila.
“Patawarin mo ako, tol. Mahal na mahal rin kita.” Tumatangis niyang wika.