Ayaw Mag-Aral ng Bata Kapag Hindi nito Kasama ang Tiyahing Nagpalaki; Nakuntento ito sa Dala-Dalang Litrato, Nasaan na nga ba ang Tiyahin nito?
“Dali na, Algie, isuot mo na iyang bag mo at lalakad na tayo papunta sa paaralan mo. May klase ka ngayon anak at hindi tayo pwedeng ma-late.” Nakikiusap na wika ni Anna sa anak na panay ang iyak.
Ang totoo ay kanina pa nauubos ang pasensya niya sa anak dahil mula kaninang paggising nito hanggang ngayong nakaligo’t nakabihis na’y panay pa rin ang iyak at hinahanap ang tiyahing nakasama mula pa noong batang-bata pa ito.
“Ayokong pumasok sa school!” bugnot nito, tumatangis pa rin.
“Hindi ka pa ba titigil d’yan sa kakaiyak mo?”ani Anna, pinunasan ang mukha ng anak. Tingnan mo nga ‘yang mukha mo oh, ang pangit-pangit mo na. Kapag nakita ka ng crush mo, mandidiri ‘yon sa’yo. Kaya tahan na anak.”
Pang-uuto niya sa anak tumigil lang ito sa pag-iyak.
“Nasaan si tita,” iyak nito. “Bakit matagal na niya akong hindi hinahatid sa school. Nasaan na siya, gusto kong siya ang maghatid sa’kin sa school, mama,” humihikbing dugtong ni Algie.
Gustong tumulo ng mga luha ni Anna sa sinabi ni Algie. Iyon pala ang dahilan ng anak kaya ito nagwawala. Hindi niya naisip na miss lang pala nito ang kapatid niyang si Angie, na siyang nagbabantay sa anak kapag nasa trabaho sila ng kaniyang asawa.
Lumuhod si Anna, upang pumantay sa anak at niyakap ito ng mahigpit. Masyadopang bata si Algie, para maintindihan nito ang nangyari kay Angie. Hindi niya alam kung maiintindihan ba ng anak ang ipapaliwanag niya.
“Miss mo na si tita?”
Tumango si Algie, habang ang mukha ay punong-puno ng luha. “Bakit ilang araw ko ng hindi nakikita si tita, mama? Hindi ba niya ako namimiss? Kasi ako miss na miss ko na siya, ma,” anito.
Hindi na napigilan ni Anna ang pag-iyak. Siya rin ay miss na miss na ang kapatid.
“Anak, sigurado ako na nandito lang si Tita Angie mo. Kasi mahal na mahal ka no’n e, at alam ko na kung may pagpipilian lang siya’y hindi niya gugustuhing hindi ka niya makota araw-araw,” paliwanag ni Anna.
Kahit alam naman niyang hindi nito maiintindihan ang sinabi niya.
“Kaso, anak, wala na kasi si Tita Angie, e. Nasa heaven na siya, nandoon na siya sa langit at kasama na niya ang mga angels at si Papa Jesus,” aniya.
Hindi napigilan ang paghagulhol. Limang araw pa lang ang nakakalipas mula noong inilibing nila si Angie. Hindi nila alam kung ano ang naging sakit nito, ang kanilang hinala’y sleeping paralysis ang dahilan kaya hindi na nagising ang kapatid mula sa pagkakatulog. Ang bata at ang sigla-sigla pa ni Angie, kaya hindi nila kailanman naisip na pwede itong mawala sa kanila.
“Nasa heaven po si tita, mama? Ano po ang ginagawa niya doon? Bakit hindi na lang siya bumalik rito, mama?” musmos na tanong ni Algie.
Malungkot na ngumiti si Anna, kung maaari lang sana ang sinabi ni Algie, ay iyon rin ang gusto niyang gawin ni Angie, na bumalik na rito sa piling nila.
Sa kawalang naisagot ay niyakap na lamang niyang muli ang anak. Kung nasaan man ang kapatid ay alam niyang hindi nito pababayaan si Algie, dahil alam niya kung gaano kamahal ni Angie, ang kaniyang anak. Kung alagaan nga nito noon si Algie ay mas higit pa sa pag-aalaga niya.
“Ito oh,” ani Anna, saka inabot ang litratong naka-frame sa may altar. “And’yan na si Tita Angie, anak. ‘Di ba nakangiti pa d’yan si tita, ang ganda-ganda niya oh,” dugtong niya saka tinuro ang nakangiting litrato ng kapatid.
Matamis na ngumiti si Algie saka kinuha ang litrato at niyakap. “I miss you, Tita Angie,” anito sabay ngiti sa litrato. “Tara na po, tita, hatid mo na po ako sa school,” dugtong nito saka inabot ang bag at naglakad palabas.
Umiiyak na ngumiti si Anna, gusto niyang humagulhol ulit sa nakitang pagmamahal ng anak sa tiyahin. Isang patunay na inalagaan at minahal ito noon ng sobra ni Angie, noong ito’y nabubuhay pa.
“Nakikita mo ba ang pamangkin mo, Angie? Miss na miss ka na niya. Tingnan mo oh, papasok siya sa school dala-dala ang litrato mo, iniisip niyang nand’yan ka pa rin sa tabi niya at kasama mo pa rin siya, kahit na hindi ka na niya nahahawakan at nakakausap,” ani Anna.
Mas lalong nag-unahan ang luha sa pisngi.
“Miss na miss ka na namin, bunso,” dugtong niya.
Saka pinunasan ang mga luha at sinundan ang anak na naunang ng naglakad sa labas, habang panay ang kausap sa hawak na litrato ni Angie. Alam niyang mahal siya ni Algie, pero sa ngayon mas napatunayan niyang mas mahal talaga nito ang kaniyang kapatid.