Nagulat Siya nang Makitang Hindi na Sila ‘Friends’ ng Matalik na Kaibigan sa Social Media; Ito Pala ang Dahilan ng Pagtatapos ng Pagkakaibigan Nila
“Hala! Hindi na pala kami friends sa social media ni Antonette. Bakit kaya niya ako in-unfriend?” takang sambit ni Mariel, matapos makitang hindi na sila konektado ng kaibigan sa isang sikat na social media.
“Patingin nga,” usisa ni Linda. “Ay! Oo nga, anyare?”
Nagkibit-balikat si Mariel na walang alam na dahilan kung bakit siya in-unfriend ni Antonette. Naalala niya noong huli silang magkausap ng kaibigan sa chat ay kini-kwestyon nito ang politikong sinusuportahan niya. Ayon rito’y hindi dapat sinusuportahan ang politikong ipinaglalaban niya at mas maigi na habang maaga pa’y imulat na niya ang kaniyang mga mata sa katotohanan na isang corrupt at inutil ang politikong kaniyang napupusuan.
Dahil mayroon din siyang sariling ipinaglalaban kaya niya sinusuportahan ang politikong iyon ay nakipagpalitan siya ng maanghang na salita sa kaibigan, pero tungkol lamang iyon sa politikong pareho nilang sinusuportahan, wala naman silang napag-usapan na personal. Kaya ang akala niya’y ayos lamang silang dalawa.
Hindi niya inaasahang puputulin nito ang pagkakaibigan nila dahil lang sa magkaiba sila ng sinusuportahang politiko.
“Naku! Ikaw naman kasi, kinontra-kontra mo rin siya sa matigas niyang paniniwala, kaya ayan… damay ka sa mga kaibigang in-unfriend niya,” ani Linda.
“Pero hindi naman yata makatarungan iyong puputulin niya ang pagkakaibigan namin dahil lang sa ganoong dahilan, Linda,” malungkot niyang wika.
“Anong magagawa mo, gano’n ang kaibigan nating si Antonette,” anito.
Para sa kaniya, kailanman ay hindi naging sukatan sa pagkakaibigan ang usapang politika. Maaaring magkaiba tayo ng pinaniniwalaan, pero hindi naman ibig sabihin niyon ay kailangan nang putulin ang pagkakaibigang matagal nang may pinagsamahan. Pwedeng silang mag-debate, magbatuhan ng paniniwala sa isa’t-isa, pero sa huli ay magkakaibigan pa rin.
Namimili ng gulay si Mariel nang mapansin niya si Antonette sa bilihan ng mga isda, kaya ngali-ngali siyang naglakad patungo sa pwesto nito, upang personal itong kamustahin at kausapin. Inaasahan niyang iisnobin siya nito at hindi papansinin, pero mali ang kaniyang inakala dahil nasa malayo pa lang siya’y kinawayan na siya ni Antonette at malapad ang ngiting sinalubong siya ng babae.
“Hoy! Bruha, nakita kong in-unfriend mo ako sa social media account mo ah. Ano bang naging problema at kailangan mo pa akong tanggalin sa friend list mo?” aniya, may himig tampong wika.
Mas lalo siyang nabigla sa naging reaksyon ni Antonette, dahil imbes na magsungit at tarayan siya’y tumawa ito nang malakas at halos ‘di na makahinga sa labis na pagtawa.
“Oo, in-unfriend nga kita, Mariel, pero hindi ibig sabihin no’n ay galit ako sa’yo ah. In-unfriend kita kasi palagi kong nakikita ang mga post mo tungkol doon sa politikang sinusuportahan mo at sa totoo lang ay naiinis talaga ako sa tuwing nakikita ko ‘yong politikang iyon na sinusuportahan mo, pero hindi ibig sabihin no’n ay sa’yo ako nagagalit,” paliwanag ni Antonette.
“Ano? Ang gulo mo naman,” aniya. Salubong ang kilay.
Muli itong tumawa saka magaan siyang pinalo sa balikat. “Ito naman, ang bagal pumick-up,” biro nito. “Walang ibang ibig sabihin ang pag-unfriend ko sa’yo sa social media ko, sadyang ayoko lang ma-bad vibes ang araw kapag nakikita ko ang mukha ng sinusuportahan mong politika. At saka kahit naman hindi tayo magkaibigan sa social media, magkaibigan naman tayo sa totoong buhay, ‘di ba? Kaya anong sense?” anito saka muling tumawa.
“Hindi naman por que hindi tayo magkaibigan sa social media ay hindi na rin tayo magkaibigan sa personal, Mariel. May mga bagay lang talaga na hindi tayo nagkaka-isa, gaya na lang ng politika. Pero hindi ibig sabihin no’n ay pinuputol ko na ang lubid na nakatali sa pagkakaibigan natin,” seryosong wika ni Antonette.
“Bilang pagsuporta sa paniniwala at paninindigan mo’y mas minabuti ko na lang na i-unfriend ka. Kasi mahirap kapag magka-debatehan na naman tayo dahil sa pagkakaiba ng pinaniniwalaan natin. Mahal kita higit pa sa parehong sinusuportahan natin ano! Hindi kita ipagpapalit sa kanila,” dugtong ni Antonette.
Mangiyak-ngiyak na inirapan ni Mariel ang matalik na kaibigan.
“Akala ko talaga friendship-over na tayo, dahil sa magkaiba ang paniniwala natin sa politika,” humihibing sambit ni Mariel.
“Sira ka talaga,” anito saka sinundan ng magaan na tawa. “Kapag ba nanalo ang mga ‘yan, bibigyan ba nila tayo ng balato? Bakit kailangan kong putulin ang matagal na pagkakaibigan natin para sa kanila?”
“Ewan ko sa’yo! Kasi tat@nga-t@nga ka e…”
Muling umalingawngaw ang malakas na tawa ni Antonette sa buong palengke.
“Ikaw ‘yong siraul*o!” anito. “Add na lang kita ulit kapag tapos na ang eleksyon,” biro pa nito.
“Lets*e! ‘Di na kita ia-accept! Ikaw ‘tong may gustong hindi ako maging kaibigan sa social media, kaya panindigan mo ‘yan,” kunwa’y naiiritang wika ni Mariel.
Tumawa na lamang si Antonette saka niyakap ang matalik na kaibigan at mahinang bumulong ng sorry.
Gaya ng politika ay magulo rin ang relasyong pagkakaibigan nila ni Antonette at Mariel. Sa tagal nilang nabubuhay sa mundong ibabaw ay minsan lang mangyaring magkasundo sila sa iisang bagay. Madalas ay magkaiba sila ng paniniwala at pinaniniwalaan.
Pero ang pinakamaganda sa pagkakaibigan nila, madalas mang hindi magkatugma ang gusto nilang dalawa, mas pinipili naman nilang unawain ang isa’t-isa, kaya siguro tumagal ang pagkakaibigan nila.