Binigyan Niya ng Trabaho ang Dalagang Nakatira sa Kalye; Lingid sa Kaalaman Niya’y Maisasalba Nito ang Kabuhayan Niya
Kanina pa umiinit ang ulo ng binatang si Arthur dahil sa napakahabang trapiko. May importanteng meeting kasi siyang hinahabol ngayon, ngunit sa palagay niya ay hindi na siya aabot pa roon lalo na at ganitong tila walang katapusan ang pagkakabuhol-buhol ng sasakyan.
“Napakamalas ko!” malakas niyang bulalas sabay hampas sa kaniyang manibela dahil sa sobrang pagkainis na kaniyang nararamdaman. Buhat kasi nang mawala ang kaniyang ama ay sa kaniya na naatang ang lahat ng responsibilidad sa kanilang pamilya at kabilang na roon ang pagsasalba sa negosyong naiwan nito na noon ay malapit nang malugi.
Ginawa naman ni Arthur ang lahat ng kaniyang makakaya, ngunit ang kahuli-hulihang pagkakataon niyang maaaring makuha upang maisalba ito ay nawala pa, dahil hindi siya nakaabot sa meeting niya ngayon sa mga investors sana nila!
Nasa kalagitnaan ng pamomroblema si Arthur nang mga sandaling ’yon kaya naman hindi na niya napansin pa na may tumatawid na babae sa kaniyang harapan. Eksakto kasing umaandar na noon ang mga sasakyan, kaya naman hindi na niya naiwasan pa nang mabundol niya ito!
Gulat na gulat si Arthur, ngunit agad siyang bumaba ng kaniyang sasakyan upang tingnan kung ano ang kalagayan ng babaeng nasagi niya ng kotse, kahit pa hindi naman gaanong kalakasan ang pagkakadali niya rito.
“Miss, ayos ka lang ba?” nag-aalalang tanong niya sa babaeng ngayon ay pilit na bumabangon mula sa kalsada. Ngunit sa gulat niya ay bigla na lang itong umiyak.
“Ano ba ang kasalanan ko at ginaganito ako ng mundo? Pinalayas na nga ako ng tiyahin ko, ngayon ay pilay pa ako dahil binundol mo ako! ’Tapos tatanungin mo kung okay ako?” May halong galit sa tinig nito.
Napakamot naman sa kaniyang ulo si Arthur. “P-pasensiya na. Hindi ko sinasadya, miss. Halika at dadalhin na lang kita sa ospital,” alok niya naman dito.
“Huwag na! Maaabala lang ako!” bulyaw naman nito sa kaniya. “Maghahanap pa ako ng trabaho para may tuluyan ako ngayong gabi.” Pagkatapos ay tumayo ito at iika-ikang naglakad sa papalayo sa kaniya.
Napakamot muli sa kaniyang ulo si Arthur dahil sa ugali ng babaeng ito, ngunit nakaramdam siya ng awa nang makitang hirap na hirap talaga itong maglakad. Dahil doon ay isang ideya ang kaniyang naisip…
“Miss!” muli niyang tawag sa babae. Humarap naman ito sa kaniyang muli. “Sa amin ka na tumuloy ngayong gabi. Ako na ang magbibigay sa ’yo ng trabaho,” dagdag niya pa na agad namang nakapagpaaliwalas sa mukha nito.
Matapos iyon ay isinama niya ang babae sa kaniyang bahay. Tinanggap nito agad ang trabahong inalok niya rito bilang kasambahay. Doon ay ginamot niya na rin ang napilayan nitong paa na makalipas lang ang ilang araw ay naging maayos naman agad kaya nakapag-umpisa na ito ng trabaho.
Ngunit si Arthur, hanggang ngayon ay problemado pa rin tungkol sa kanilang nalulugi na talagang kompanya. Kahit anong gawin niya ay hindi pa rin siya makahanap ng solusyon upang isalba ito. Halos hindi na nga siya matulog dahil sa pagtatrabaho ngunit talagang wala siyang makuhang sagot.
Isang gabi, habang kaharap siya ng kaniyang laptop ay bigla siyang nilapitan ni Sarah, ang kaniyang kasambahay, upang abutan ng kape. Napansin nito ang kaniyang ginagawa at hinayaan naman ni Arthur na panuorin siya nito.
“Sir, mali naman kasi ’yang ginagawa n’yo,” maya-maya ay sabi nito.
Kumunot ang noo ni Arthur at tiningnan si Sarah. “Ano’ng ibig mong sabihin? May-alam ka ba rito?” takang tanong niya pa.
“Oo naman po. Sa katunayan, kahit hindi ako nakapag-aral ay ako ang gumagawa ng mga gawain ng mga pinsan kong hilaw noon sa eskuwela,” sagot pa ni Sarah sa kaniya.
Akala ni Arthur ay niloloko lang siya kaya naman sinubukan niya ito. “Sige nga, ituro mo sa akin kung paano ang tama,” tatawa-tawa pang aniya at iniabot dito ang kaniyang laptop.
Ngunit ganoon na lang ang gulat ni Arthur nang mabilis na kumilos ang mga kamay ni Sarah at inayos ang kaniyang ginagawang trabaho! Bukod doon ay hangang-hanga pa siya dahil tama at napakaperpekto n’on!
Nang mga sandaling iyon ay agad na nagtaka si Arthur kung paano nagawa ’yon ni Sarah, kaya naman minabuti niyang ipa-check up ito upang malaman kung tama ang hinala niya… at ayon sa resulta ay oo! Isa ngang henyo ang kaniyang kasambahay!
Simula noon ay tinanggal niya na si Sarah sa pagiging kasambahay nito at inalok ng panibagong trabaho, at iyon ay ang maging kasosyo niya sa negosyo. Katulong ito ay muli nilang isinalba ang kaniyang kompaniya na sa loob lang ng ilang buwan ay muling bumalik sa dating katayuan at ngayon ay umaangat pa!
“Lahat ng ito ay utang ko sa ’yo, Sarah. Kung hindi dahil sa ’yo, siguro, ngayon ay bumagsak na nang tuluyan ang kompanyang iniwan sa akin ng ama ko,” puno ng paghangang ani Arthur sa dalaga habang ang kaniyang mga mata’y nakatitig lamang sa kaniya.
Ngiti naman ang itinugon ng dalaga na siyang nakapagpakabog naman nang matindi sa dibdib ng binata.
Sa halos araw-araw kasing pagsasama ng dalawa ay hindi naiwasan ni Arthur na mahulog kay Sarah, ngunit hindi niya alam kung paano iyon sasabihin.
“Huwag kang mag-alala, Sir Arthur. Gusto rin kita,” humahagikhik na ani Sarah maya-maya. Napakunot naman ang noo ng binata sa pagtataka.
“Papaano mong nalaman?” halos napapangangang tanong niya pa.
“Kanina ka pa kaya nakatingin sa akin, at ayon sa mga nabasa kong libro tungkol d’yan, iyan daw ay isang indikasyon ng pagkagusto mo sa isang tao,” sagot naman nito.
Bahagyang nahiya si Arthur ngunit maya-maya ay nagulat na lang siya nang bigla siyang halikan ni Sarah sa pisngi. Nagkatinginan ang dalawa, ngunit doon pa lang ay nangusap na ang kanilang mga puso. Alam nilang iyon na ang simula ng bagong yugto sa buhay nila, na kalaunan ay nauwi rin sa tuluyang pag-iibigan at pag-iisang dibdib ng dalawang taong ito, na pinagtagpo ng tadhana.