Inday TrendingInday Trending
Tinulungan at Itinuro ng Ale sa Batang Mangangalakal ang Kaalaman Niya sa Pagluluto; Sa Muli Nilang Pagkikita, Makilala pa Kaya Niya Ito?

Tinulungan at Itinuro ng Ale sa Batang Mangangalakal ang Kaalaman Niya sa Pagluluto; Sa Muli Nilang Pagkikita, Makilala pa Kaya Niya Ito?

Malungkot na inikot ni Aling Minda muli ang kaniyang tingin sa luma niyang restawran. Naipundar nila ng kaniyang yumaong asawa ang restawran na ito, noong una’y napakaliit lamang ng pwesto nito, hanggang sa dahan-dahan nila itong napalaki sa paglipas ng maraming taon.

Ilang dekada rin niyang napakinabangan ang restawran na iyon at masakit sa loob niyang kinakailangan na niya itong isara at ibenta ngayon.

Sa dami ng nagsusulputang magaganda at bagong restawran sa syudad ay napag-iwanan ang kaniyang restawran, dahilan upang wala nang may gustong kumain sa kanila.

Luging-lugi na ito kaya kinailangan na lamang niyang isara at balak na ibenta na ang pwesto. Sa katunayan ay ngayong araw na ito ang araw na magkikita sila ng bagong magmamay-ari ng pwestong iyon.

Ayon sa nakausap niyang abogado kahapon ay balak din ng bagong may-ari na gawing restawran ang pwestong ibebenta. Kaya kahit masakit ay masaya na rin si Aling Minda, dahil alam niyang mapapalitan na ang lumang restawran niya at sigurado naman siyang pagagandahin ito ng bagong may-ari.

“Magandang araw po, Misis Minda,” magalang na bati ng abogado.

Sa pagbabalik tanaw niya’y hindi niya namalayan ang pagdating nito.

“Nandito na po ang amo kong may balak na bilhin ang pwesto niyo,” anito.

“Naku! Mabuti naman at nais ko rin talaga siyang makilala,” masayang sambit ni Aling Minda.

“Magandang araw po, Ma’am Minda!” magalang na bati ng isang gwapong lalaki na sa itsura pa lang nito’y halata ng mayaman. “Ako nga po pala si Ruel, ang bibili ng pwestong ito.”

Nakatulalang tiningala ni Aling Minda ang gwapong lalaki. “Nagkita na ba tayo minsan, hijo?” tanong niya rito.

Hindi man niya lubos na matandaan, pero pakiramdam ni Aling Minda ay minsan nang nagkrus ang landas nila ng binata.

Kaysa intindihin pa ang kaniyang iniisip ay agad niyang ipinakita sa binata ang pwestong nais niyang ibenta.

“Masaya ako kung ikaw ang makakabili ng pwestong ito, hijo. Sana’y napalago mo ito gaya ng nagawa ko rito noon,” malungkot niyang sambit.

Isang matamis na ngiti ang gumihit sa labi ng binatang lalaki. Matapos magkabayaran at magpirmahan ng kontrata ay agad namang ipinaayos ni Ruel ang lumang restawran. Ginawang magarbo, bago, at napapanahon.

Ilang buwan rin ang lumipas bago naayos ang bagong biling restawran ni Ruel. Sa araw ng blessing ay inimbitahan niya si Aling Minda na hindi naman nagdalawang-isip na dumalo.

Habang abala ang lahat sa pagsuri sa kagandahan ng ipinagawa niya’y pumwesto si Ruel sa gitna at nagsimulang magsalita.

“Binili at ipinagawa ko ang restawran na ito dahil sa babaeng napakahalaga para sa’kin,” panimula ni Ruel. “Siya ang tumulong sa’kin noong walang-wala ako at pangangalakal lamang ang tanging inaasahan. Pinagkatiwala niya sa’kin ang kaalaman niya sa pagluluto, dahilan upang noong nawalay ako sa poder niya at sumubok na tumayong mag-isa ay siyang ginamit ko upang mapunta ako sa posisyon kung nasaan man ako ngayon.”

Nilingon ni Ruel ang pwesto ni Aling Minda na ngayon ay halos maiyak na sa labis na emosyon.

“Ipinaayos ko ang restawran na ito, Mama Minda, para sa’yo. Dahil kung hindi dahil sa’yo, baka noong nawalan ako ng malay sa sobrang gutom ay baka doon na nagtapos ang buhay ko. Binigyan mo ako ng pagkakataong mabuhay noon kaya naging ganito ako, at utang ko sa’yo kung anuman ang mayroon ako ngayon. Para sa’yo ‘to lahat, ma!” umiiyak na kausap ni Ruel sa ina-inahang nag-alaga sa kaniya ng mahabang panahon.

“R-ruel?” hindi makapaniwalang sambit ni Aling Minda. Sabi na nga niya’t pamilyar ang binata sa kaniya, dahil ito pala ang batang kaniyang inampon at tinuring na totoong anak noon.

Hanggang sa kunin ito sa kaniya ng totoo nitong magulang noon, dahilan kaya nahiwalay sa kaniya si Ruel.

Niyakap niya ito nang mahigpit at humagulhol sa balikat ng anak-anakan. Masayang-masaya siya sa nakitang malaking pagbabago nito. Hindi niya lubos akalain na magiging ganito katagumpay si Ruel, at nagpapasalamat siya dahil muli pa niya itong nakita.

“Salamat po sa lahat-lahat, Mama Minda,” tumatangis rin na wika ni Ruel, sa ilalim ng yakap ng ina.

Kahit nabili na ni Ruel ang restawran ay nanatili ang pangalan nito sa inang si Minda. Ngayong bumalik na ang dating sigla ng napag-iwanan noong restawran ay muli na niyang nakita ang saya sa mukha ng ina-inahang si Minda, sapat na rin iyon para sumaya si Ruel.

Utang niya ang buo niyang buhay sa ginang at tunay na mas mahal niya ito kaysa sa totoo niyang magulang. Higit sa pagbabayad ng utang na loob ay mas ninais ni Ruel na muling makita ang saya sa mukha ni Minda na nawala noong dahan-dahang nalulugi ang pinakamahalaga nitong restawran.

Advertisement